Vice Ganda calls airing of It’s Showtime on GMA-7 “historic, iconic, mothering”

Vice Ganda "humbled and grateful" for Kapuso network
Vice Ganda on GMA-7’s warm welcome to It’s Showtime: “Hindi naman lingid sa kaalaman nating lahat kung gaano kasadsad ang isinadsad ng Kapamilya. Pero naririyan kayo, hindi para tapakan kami at saktan pa sa mga panahong sadsad na sadsad kami. Inialay niyo ang mga kamay ninyo sa amin para unti-unti kaming makabangon.”

PHOTO/S: ABS-CBN FACEBOOK

Hindi napigilang maging emosyunal ng It’s Showtime hosts, sa pangunguna ni Vice Ganda, nang personal nilang masaksihan ang tuluyang pagsasanib-puwersa ng dalawang giant networks—ABS-CBN at GMA-7.

Ngayong Miyerkules, March 20, 2024, naganap ang historical contract signing ng ABS-CBN at GMA-7 para sa pag-ere ng Kapamilya noontime show sa Kapuso network.

Ibig sabihin, bukod sa GTV ay mapapanood na rin sa noontime slot ng GMA-7 ang It’s Showtime simula sa April 6, Sabado.

Ang It’s Showtime ang papalit sa binakanteng timeslot ng Tahanang Pinakamasaya, ang isinarang noontime variety show ng TAPE, Inc.

Labis na ikinatuwa ng mga host ng It’s Showtime na sina Anne Curtis, Vhong Navarro, Jhong Hilario, Kim Chiu, Ogie Alcasid, Karylle, Amy Perez, Jugs Jugueta, Teddy Corpuz, Ryan Bang, Ion Perez, Jackie Gonzaga, MC Muah, Lassy Marquez, Cianne Dominguez, Darren Espanto, at lalung-lalo na ni Vice, ang pagsasanib-puwersa ng GMA-7 at ABS-CBN.

It's Showtime
PHOTO/S: ABS-CBN FACEBOOK

Bago matapos ang contract-signing event, na naganap sa Studio 7 ng GMA Network, ay binigyan ng pagkakataon si Vice para magbigay mensahe at magpasalamat sa bagong yugtong tatahakin ng kanilang programa.

Aniya, hindi ito mangyayari kung hindi dahil sa tiwala, malasakit, at pagmamahal ng GMA-7 sa ABS-CBN.

Bungad na mensahe ni Vice, “Magandang hapon ho sa inyo mga Kapuso at Kapamilya. Hindi ko alam kung paano magsisimula…”

Pagpapatuloy niya, “Una, maraming-maraming salamat po sa GMA dahil grabe yung pagtanggap niyo talaga sa amin lagi.

“Noong nagpirmahan po, that was first time we all gathered for a wonderful partnership sa GTV.

“Pagsampa namin sa GTV, ang sarap-sarap po ng karanasan na iyon na ibinigay ninyo sa amin.

“Ang init ng pagtanggap niyo, ang sinsero ng pagmamahal niyo, maraming-maraming salamat.

“Hindi lang yon, nasundan pa noong nakaranas kami na um-attend sa GMA Ball, ang init-init din ng pagtanggap niyo sa amin doon, ang saya-saya rin po ng naranasan namin.

“Pagkatapos ng event na yon, ikinukuwento namin sa marami how beautiful the experience was, going to the GMA Ball.

“And now, isa na namang masarap, mainit, at napakagandang karanasan. Maraming-maraming salamat po sa inyo.

“Kami po sa ABS-CBN na nakararanas nang ganyang trato at pagtingin mula sa inyo, lagi po naming napag-uusapan at hindi nawawala yung laging nabibitawan na, ‘In fairness, ang babait ng mga taga-GMA.’

“Lagi po iyan, lagi naming nababanggit, ‘Ang dali nilang kausap, maayos silang kausap.'”

Nabalik-tanaw din ang It’s Showtime host kung paano tinulungan ng GMA-7 ang ABS-CBN nang nawalan ito ng prangkisa noong 2021.

Sabi ni Vice, “Ang bait-bait po ninyo sa amin, ang laki ng tulong at suporta ang ibinibigay ninyo sa amin.

“We are humbly expressing that, na siyempre hindi naman lingid sa kaalaman nating lahat kung gaano kasadsad ang isinadsad ng Kapamilya.

“Pero naririyan kayo, hindi para tapakan kami at saktan pa sa mga panahong sadsad na sadsad kami.

“Inialay niyo ang mga kamay ninyo sa amin para unti-unti kaming makabangon.

“Maraming-maraming salamat. Hinding-hindi namin yan makalilimutan, pati na rin ang lahat ng Kapamilya sa buong mundo.

“Alam po nila kung ano ang pagmamahal at pagtulong na ibinigay ninyo sa amin.

“Hindi niyo lang kami unti-unting tinutulungan na makatayo, kundi pinagbuksan niyo pa kami ng tahanan para doon muling magpalakas, magpahinga, magpagaling, magpahilom, at makatindig ulit kapiling kayo.

“Hindi tumindig mag-isa kundi tumindig kasama kayo. Maraming-maraming salamat po.”

Sabi pa ni Vice: “This is just so historic, so iconic, this is mothering.”

TRANFORMATIVE EVENT

Aminado si Vice na kailanman ay hindi niya naisip na mangyayari ang makasaysayang pagsasanib-puwersa ng dating magkalabang giant networks sa bansa.

Pagbabahagi niya, “Hindi lang naman ako siguro ang nakaisip na mangyayari ito, sanib-puwersa talaga na magsasama ang ABS-CBN at GMA.

“Kasi noong nasa GTV tayo, parang one fourth, pero kasi GMA na. Yung It’s Showtime nasa GMA na.

“Para kasing nung nasa GTV tayo, nabuksan yung bakuran. Pero ngayong nasa GMA na, binuksan na talaga yung pinto!

“Wala sigurong nakaisip non kasi yung GMA at ABS-CBN, para siyang mga gamit na alam niyo yon, 220 [volts] at 110 [volts] na hindi mo puwedeng pagsamahin kasi sasabog siya.

“Sabi nga nila, ang pag-ibig nagsisimula sa spark. Pero yung pag-ibig niyo ngayon, [GMA at ABS-CBN] hindi siya spark, kundi sumasabog siya.

“Hindi mo inakala na magsasama pero possible pala na mangyari, sa pamamagitan ng isang transformer nagkakasundo yung 110 at 220.

“So, paano kumonek yung GMA at ABS-CBN, anong naging transform? Hamon.

“Hamon ang naging transformer kung bakit niyo piniling magsama.

“This is a tranformative event. This is a tranformative moment.

“Hindi ito agad nangyari pero ngayon na nangyayari na, this moment has a very strong, a massive, and transformative purposes.”

HUMBLED AND GRATEFUL

Sa huli, taus-pusong nagpasalamat si Vice sa ABS-CBN sa patuloy nilang pagtindig sa kanilang programa at hangaring makapagbigay saya at pag-asa sa kanilang manonood.

Gayundin sa pamunuan ng GMA-7 dahil sa pagpili at tiwalang ipinagkaloob ng mga ito sa It’s Showtime.

Ani Vice, “Maraming salamat po sa pagpili sa amin. Ang dami niyong puwedeng piliin, pero sa dulo, pinili niyo kami.

“Ngayong pinili niyo po kami, halika na, magsanib-puwersa na tayo para mapanalunan at mapagtagumpayan ang mas malalaking hamon.

“Sa ABS-CBN bosses namin, maraming-maraming salamat because you always been fighting for It’s Showtime. I know what you do, nakikita ko kung anong ginagawa niyo.

“Salamat sa mga taga-GMA, we are humbled and grateful.”