Home Trending Aga Muhlach at Charlene Gonzalez, bibida sa TV5 kasama ang kambal na...

Aga Muhlach at Charlene Gonzalez, bibida sa TV5 kasama ang kambal na sina Atasha at Andres

Aga Muhlach and Charlene Gonzalez reunite in the sitcom Da Pers Family, which is also the launching vehicle of their twins Andres and Atasha Muhlach.

PHOTO/S: @VIVA_TV ON INSTAGRAM

Da Pers Family ang pamagat ng sitcom na pagbibidahan ng mag-asawang Aga Muhlach at Charlene Gonzalez at ng kanilang kambal na anak na sina Atasha Muhlach at Andres Muhlach.

Si Danni Caparas ang direktor ng Da Pers Familyna nakatakdang mapanood sa TV5 sa Mayo 2024.

Ang Da Pers Family ang reunion project nina Aga, Charlene, at Danni.

Si Danni rin ang direktor ng Oki Doki Doc, ang top-rating sitcom ng aktor sa ABS-CBN mula 1994 hanggang 2000.

Nag-umpisa sa Oki Doki Doc ang relasyon nina Aga at Charlene na humantong sa pagpapakasal nila noong May 2001.

Komportableng-komportable si Aga kay Danni dahil sa mga TV show na pinagsamahan nila, kabilang ang OK Fine Whatever (May 2002-August 2006).

Ang Da Pers Family ang ikalawang regular show ni Atasha sa TV5. Mainstay siya ng Eat Bulaga! na napapanood mula Lunes hanggang Sabado ng tanghali.

Kabilang ang Muhlach family sitcom sa mga bagong programa ng Kapatid Network na ipinakilala sa trade launch na ginanap sa The Enderun Tent, Taguig City, noong Martes, Marso 19, 2024.

Inilunsad din sa ginanap na trade launch ang TV remake ng Lumuhod Ka sa Lupa, ang action-drama series na itatapat ng TV5 sa Abot-Kamay na Pangarap ng GMA-7.

Ang Lumuhod Ka sa Lupa ang pinakamalaking proyekto ni Kiko Estrada dahil siya ang bida sa isinadula sa telebisyon na blockbuster movie ni Rudy Fernandez noong 1986.

Kasama ni Kiko sina Sarah Lahbati, Rhen Escaño, at Sid Lucero sa afternoon drama series ng TV5 at Studio Viva na matutunghayan simula sa Abril 8, 2024.

Ang Lumuhod Ka sa Lupa ang hudyat ng pagbabalik ni Sarah sa telebisyon matapos na maghiwalay sila ng kanyang asawang si Richard Gutierrez noong nakaraang taon.