Darren Espanto hard-launched as newest It’s Showtime regular co-host

Darren Espanto now a regular It's Showtime host
Darren Espanto: “It’s official, I’m part of the Showtime family na talaga… so wala nang atrasan ito, totoo na siya.”

PHOTO/S: COURTESY: ABS-CBN NEWS ON FACEBOOK

Kinikilabutan at labis na kasiyahan ang nararamdaman ng Kapamilya singer na si Darren Espanto dahil isa na siyang regular co-host ng It’s Showtime.

Kasabay ng makasaysayang contract signing ng GMA-7 at ABS-CBN executives para sa pag-ere ng Kapamilya noontime show sa Kapuso network, ipinakilala na ring regular co-host si Darren sa It’s Showtime.

Pahayag ni Darren sa ABS-CBN News, “Sobra yung hard launch ko. Dito pa talaga sa GMA Network.

“So ayun, nakakakilabot. It’s official, I’m part of the Showtime family na talaga… so wala nang atrasan ito, totoo na siya.”

Bago ito, ilang buwan nang naggi-guest co-host si Darren sa It’s Showtime. Nagsisilbi rin siyang hurado sa “Tawag ng Tanghalan.”

Sa tanong naman kung paano siya nakikisabay sa mga co-host ng show, tugon niya, “Very welcoming naman po sila.

“Hindi po nila pinaparamdam sa akin na dapat kinakabahan ako, dapat ganito yung pag-host. They just let me do my thing.

“And even off-cam, parang pamilya lang din, that’s why it was easier for me to be able to connect with them and jive with them.”

Sa ngayon, inaayos daw talaga ni Darren ang schedule niya dahil araw-araw ang It’s Showtime at bahagi rin siya ng teleseryeng Can’t Buy Me Love.

Aniya, “Minsan tina-try kong humabol sa [Tawag ng Tanghalan] segment na lang.

“But once Can’t Buy Me Love has finished, mas may time na rin po ako and be able to be present every day sa Showtime.

Ngayong Huwebes, March 21, 2024, wala sa show si Darren dahil may taping ito.

Mensahe niya sa X, “Kaka-hard launch lang today as regular host pero absent agad bukas dahil sa taping. Sorry na.”

Dinaluhan nina Vice Ganda, Vhong Navarro, Jhong Hilario, Anne Curtis, Kim Chiu, Karylle, Ogie Alcasid, Amy Perez, Jugs Jugueta, Teddy Corpuz, Ryan Bang, Ion Perez, Jackie Gonzaga, MC Muah Calaquian, Lassy Marquez, Cianne Dominguez, at Darren ang bonggang contract signing sa Studio 7 ng GMA Network.

Magsisimulang ipalabas sa Kapuso Network ang It’s Showtime sa April 6.