Si Ahron Villena ang bagong contract star ng Sparkle GMA Artist Center.
Naniniwala si Ahron na magkakaroon ng bagong sigla ang kanyang showbiz career dahil sa tulong ng talent management arm ng GMA Network.
Kasama ang kapwa Sparkle contract star na si Luke Conde, bumisita si Ahron sa Fast Talk With Boy Abunda nitong Huwebes ng hapon, Marso 21, 2024.
Dito niya ipinagtapat ang pang-aabuso na kanyang naranasan noong baguhan pa lamang siyang aktor.
“During a movie, yung plaster, kailangan kong mag-plaster, and then cameo role lang ako sa movie na yon,” umpisang kuwento ni Ahron tungkol sa tinawag niyang “exploitation” sa kanya.
Pagpapatuloy niya, “Tapos hinanap ako and then, pagpasok niya, sabi niya, ‘O bakit sila naglalagay niyan? Ako na maglalagay niyan.’
“Sabi ko, ‘O sige po,’ tapos feel ko parang may something, pero hindi ako umangal.
“I was too young and siyempre, kumbaga, sa industry natin, baka sabihin, ‘Ang arte naman ni Ahron.”
Hindi sinabi ni Ahron ang pangalan ng taong tinutukoy niya. Kahit off-cam, tumanggi siyang pangalanan ang nang-abuso sa kanya.
Nag-umpisa ang showbiz career ni Ahron nang manalo siya sa “TV Idol: Ur ‘D Man” segment ng MTB, Ang Saya-Saya, ang defunct noontime variety program ng ABS-CBN, noong 2004.
Mula nang maging artista siya, paulit-ulit ang mga isyu tungkol sa pinagdududahang sexual orientation ni Ahron.
Sa guesting niya sa Fast Talk, diretsahang tinanong ni Boy kung paano niya hinaharap ang tila walang katapusang tsismis na “gay” siya.
“Way back pa talagang ang dami nang bumabato nang ganyan,” walang paliguy-ligoy na sagot ni Ahron tungkol sa madalas na pagdududa sa kanyang pagkalalaki.
“But as long as you know yourself, at wala kang natatapakang tao at wala kang nasasaktan, hindi mo kailangang magpaliwanag sa iba.”