Marissa Delgado, nakaramdam ng takot sa unang pagsasama nila ni Marian Rivera sa teleserye

marissa delgado marian rivera
Veteran actress Marissa Delgado on her experience working with Marian Rivera for the first time: “Nung una, siyempre ako, una ko siyang makakatrabaho, nanonood lang ako sa kanya. Nginingitian ko at saka hello, hi. Ang ganda, ang payat! Napaka-fragile mo, beso-beso, tapos balik na ako sa baba. Si Marian, dun naman sa kuwarto niya.”

PHOTO/S: JOJO GABINETE

Ang veteran actress na si Marissa Delgado ang gumaganap na masungit na biyenan ni Katherine, ang karakter na ginagampanan ni Marian Rivera sa My Guardian Angel.

Ito ang unang pagkakataong nagkasama sila sa isang drama series.

Nang kumustahin ang karanasan niya sa pakikipagtrabaho kay Marian, natawa ang mga dumalo sa media conference ng My Guardian Angel dahil sa “Okay naman. Okay naman, di ba?”

Inamin ng beteranang aktres na tagahanga siya ng lead actress ng prime time fantasy drama series ng GMA-7 na mapapanood simula sa Abril 1, 2024.

Kuwento ni Marissa, “Nung una, siyempre ako, una ko siyang makakatrabaho, nanonood lang ako sa kanya. Nginingitian ko at saka hello, hi.

“Ang ganda, ang payat! Napaka-fragile mo, beso-beso, tapos balik na ako sa baba. Si Marian, dun naman sa kuwarto niya.”

Ibinahagi ni Marissa na nakaramdam siya ng takot sa unang pagsasama nila ni Marian.

Saad niya, “Minsan lang kami nagkakaeksena, but lately, this is what I felt. Parang close na. It’s more than just hi, hello.

“At saka nung [una] natatakot ako, hindi na ngayon. Medyo ilag ako, siguro dahil tagahanga niya ako.

“Gandang-ganda ako sa batang ito.”

Nang hingin ang reaksiyon ni Marian sa mga sinabi ni Marissa tungkol sa kanya, muling nagtawanan ang mga dumalo sa press conference ng My Guardian Angel dahil “Okay naman” din ang sagot niya.

Pero dagdag niya, “Alam mo, sa bawat tao na humahanga sa yo o ginugusto ka, e, malaking factor yon sa pagkatao ko. Kasi ibig sabihin, nakaka-influence ako sa kanila.

“Anuman yan, sa pag-arte man yan, sa hitsura man yan, sa pananaw mo man sa buhay.

“So, ang maganda niyan is nagiging magandang influence ka o magandang bahagi ka ng buhay nila. Blessed ako kapag may mga ganoong tao sa akin.”

Ang My Guardian Alien ang comeback project ni Marian sa prime time ng Kapuso network dahil anim na taon na ang nakalilipas mula nang magbida siya sa Super Ma’am.

Si Gabby Concepcion ang kapareha ni Marian sa My Guardian Alien.

Ito ang unang proyekto nilang magkasama dahil apat na beses na hindi natuloy ang mga plano noong pagsamahin sila sa isang teleserye.