Kathryn Bernardo-Alden Richards reunion movie, sisimulan na sa August 2024

Kung hindi magkakaroon ng pagbabago sa mga plano, uumpisahan ang shooting ng reunion movie nina Kathryn Bernardo at Alden Richards sa Agosto 2024.

Kukunan ang kanilang mga eksena sa Canada.

Ilang araw nang usap-usapan ang mga balita tungkol sa pagkakaroon ng sequel ng Hello, Love, Goodbye, ang pelikula nina Alden at Kathryn na nagbukas sa mga sinehan noong July 31,2019.

kathryn bernardo alden richards

Sa huling eksena ng Hello, Love, Goodbye, ipinakita si Joy (karakter na ginampanan ni Kathryn) na nasa airport dahil pupunta siya sa Canada para tuparin ang pangarap niyang magamit ang kanyang pinag-aralan bilang nurse.

Ang planong shooting sa Canada nina Alden at Kathryn sa Agosto 2024 ang nagbigay ng ideya sa kanilang mga tagahanga na sequel ng blockbuster movie nila noong 2019 ang proyekto na gagawin ng dalawa.

Sa panayam kay Alden noong Setyembre 2019, nagpahiwatig siya tungkol sa posibilidad na sequel ng Hello, Love, Goodbye.

Sabi niya, “Ang naging agreement naming tatlo — ako, si Direk Cathy [Garcia-Molina] and si Kath — kung magkakaroon ng part two, kailangan kung sino mang tao na kasama namin noong part one, kami pa rin po lahat.”

Kathryn Bernardo to appear in GMA-7 morning show with Alden Richards | PEP.ph

Bukod sa balitang magsisimula sa Agosto 2024 ang pelikulang gagawin nina Alden at Kathryn, may usap-usapang balak isali sa 50th Metro Manila Film Festival (MMFF) sa Disyembre 2024 ang proyekto nila.

Inaasahan ng ibang movie producers na may layuning lumahok sa 50th MMFF na mahirap maging kalaban ang romantic-drama movie na pagsasamahan nina Alden at Kathryn.

Ngayon pa lang, ramdam na ang lakas ng pagsasama ng dalawa, base sa mga positibong reaksiyon at komento ng publiko nang pumunta si Alden sa birthday dinner para kay Kathryn, kaya nag-iisip na sila ng ibang genre o kategoryang isasali sa nabanggit na festival.