Janus del Prado, nagpatutsada sa paglipat ng It’s Showtime sa GMA-7?

janus del prado with eyeglassesJanus del Prado: “Kala ko ba walang lipatan ever? At the end of the day lumipat pa din sila ng Station. Kinailangan pa rin nila yung tulong ng Station ng mga artista na binabash nila dati (lalo na yung mga lumipat) para magkaroon ng mas malaking platform. Lesson. Wag magsalita ng tapos. Bilog ang mundo.”
PHOTO/S: @JANUSDELPRADO ON INSTAGRAM

“Hypocrites!”

Ito ang mensahe ng aktor na si Janus del Prado sa mga taong tinutukoy niyang bumabatikos diumano sa mga lumipat dati ng TV network pero nagsilipatan din.

Ibinahagi ni Janus ang saloobin sa pamamagitan ng isang Instagram post, pero tiniyak niyang ligtas ito mula sa mga babatikos sa kanya dahil deactivated ang mga komento sa inilabas niyang patutsada.

Makahulugang mensahe niya: “Yung mga bumabatikos sa mga lumipat dati, naglipatan na din ngayon lol. Kala ko ba hindi loyal ang mga lumilipat? Hypocrites.”

Sinundan pa ito ni Janus: “Kala ko ba walang lipatan ever?

“At the end of the day lumipat pa din sila ng Station. Kinailangan pa rin nila yung tulong ng Station ng mga artista na binabash nila dati (lalo na yung mga lumipat) para magkaroon ng mas malaking platform.

“Lesson. Wag magsalita ng tapos. Bilog ang mundo.”

Si Janus ay kabilang sa cast ng Kapuso prime time series na Black Rider.

Hindi man siya nagbanggit ng pangalan ng mga personalidad, malakas ang duda ng mga nakabasa sa social media post ni Janus na patungkol sa mga bumubuo ng It’s Showtime ang kanyang kontrobersiyal na mensahe.

Inilabas ito ni Janus matapos ipalabas ang paglalaro ng It’s Showtime hosts sa GMA-7 game show na Family Feud noong Lunes, Abril 8, 2024.

Simula noong Sabado, April 6, ay napapanood na rin sa main channel ng Kapuso network ang Kapamilya noontime show na pinangungunahan nina Vice Ganda, Anne Curtis, Vhong Navarro, Jhong Hilario, Karylle, Amy Perez, Kim Chiu, at Ogie Alcasid.

Tila may kaugnayan ang mga pahayag ni Janus sa kanyang loyalty post noong Hulyo 2021 nang opisyal na lumipat sa GMA-7 ang kaibigan niyang si Bea Alonzo.

Umani ng mga pagpuna at hinusgahan si Bea na pinaratangang walang loyalty dahil sa paglipat nito sa dating rival network ng ABS-CBN.

Ipinakita ni Janus ang pagiging “Pambansnag Best Friend” dahil ipinagtanggol niya noon si Bea sa pamamagitan din ng isang Instagram post, bilang sagot sa post ng ABS-CBN director na si Erick Salud.

Saad niya: “Bago niyo nga pala sabihan na hindi marunong tumanaw ng utang na loob yung tao, make sure na may utang na loob na kailangan tanawin.

“It’s not like they gave her handouts, pinaghirapan niya naman kung nasaan siya ngayon. At kumita din naman sila ng malaki sa karera niya.

“Gratitude is given, not demanded. At ibinigay niya naman iyon.

“Stop this guilt trip bullshit sa mga umalis at lumipat. Kailangan namin magtrabaho para sa sarili at mga taong umaasa sa amin. Kikitid ng utak amputa. Balakayojan.

“PS: Ano kinalaman nung farm niya sa paglipat niya? Regalo mo ba sa kanya yun Direk? Kailangan niya rin bang tanawin na utang na loob yun?

“Pinagpuyatan, pinaghirapan at pinag-ipunan niya yun. Kung manunumbat make sure may karapatan manumbat. Kala mo naman malaki naitulong mo sa career niya.”