Itinanggi ng isang production insider na hindi nababayaran ng management ng isang TV network ang mga artista ng mga programa nito, pero iba ang impormasyong nakarating sa Cabinet Files.
Nagmula ito sa mga taong sangkot sa isyu at nagrereklamong matagal nang hindi nababayaran ang kanilang mga talent fee.
Nalulungkot ang mga artista at ang production staff ng mga programa dahil hindi pa nila nasisingil ang kabayaran para sa kanilang mga nagampanang trabaho.
Hindi puwedeng manatiling lihim ang sitwasyon dahil unti-unti nang nagsasalita ang mga artistang nauubos na ang pasensiya at napapagod na sa pagkubra ng mga talent fee nila.
Maaaring pabulaanan ang isyu, pero detalyado ang mga impormasyon sa mga palitan ng text messages ng mga tauhan ng mga programa na personal nabasa ng Cabinet Files.
Nauunawaan namin ang nararamdaman ng mga naaaburidong artista at production staff na patuloy ang pagtatrabaho pero walang katiyakan kung kailan nila matatanggap ang overdue salaries. May mga pamilya silang binubuhay at sinusuportahan.
Hindi maaasahang magsalita tungkol sa kontrobersiyal na isyu ang isang prominent showbiz personality dahil kabilang din siya sa mga hindi nababayaran.
Sa ngayon, walang lakas ng loob magreklamo ang showbiz personality dahil malaki ang kinalaman nito sa pagkuha sa serbisyo ng mga artistang problemado ngayon sa pananalapi na resulta ng matagal nang naaantalang suweldo nila.