Nagbalik sa It’s Showtime si Miss Universe Philippines 2023 Michelle Dee kahapon, April 18, 2024, halos dalawang linggo matapos niyang umupo bilang searcher sa “EXpecially For You” segment ng noontime show.
Sa unang araw ng pag-ere ng Kapamilya noontime show sa GMA-7 noong April 6, 2024, sumalang si Michelle bilang searcher sa special episode ng “EXpecially For You.”
Ang “EXpecially For You” ay blind dating game kung saan kikilatisin ng isang searcher ang tatlong searchees at pipili ng isang makaka-date, at hopefully ay mauwi sa something special.
Kabilang sa tatlong searchees noong araw na iyon si Oliver Moeller, 32-year-old lawyer mula sa Lapu-Lapu City, Cebu.
Sa simula pa lamang, lutang agad ang physical appearance ni Oliver na tall, dark, and handsome.
Nakuha agad ni Oliver ang pabor ng ina ni Michelle na si Melanie Marquez.
Maging ang host na si Vice Ganda ay hindi naitago ang pagka-impress kay Oliver sa mahusay na pagsagot niya sa mga tanong.
Kaya naman sa huli, si Oliver ang napili ni Michelle.
At mukhang hindi lang si Michelle ang naging pabor kay Oliver.
Sa muli pagtuntong ni Michelle sa It’s Showtime, inusisa siya ni Jhong Hilario, “May nagtatanong kung kamusta daw ang date niyo ni Oliver?”
Sagot ni Michelle, “Ay.”
Tapos bigla itong nagpa-cute sandali sabay sabing, “Secret.”
Dagdag na tanong ni Jhong, “Ano raw kinain niyo?”
Sagot ni Michelle, “Ayon, Pinoy food siyempre. Alam mo, pagkain talaga ang daan para sa puso ko.
“Kailangan, masarap na Pinoy food.”
Hindi na inusisa pa ng It’s Showtime hosts si Michelle tungkol kay Oliver.
Pero sa panayam ng ABS-CBN News kay Oliver nitong nakaraang April 16, puro papuri ang mga binitawang salita nito para kay Michelle.
Sabi niya, “Michelle is amazing, elegant, such a well-spoken person, very professional.
“So, yeah, amazing person.”
Malaki rin ang papuri niya sa kapwa Cebuano at It’s Showtime host na si Kim Chiu.
Kasunod nito, napansin ng mapanuring mata ng netizens na in-unfollow na ni Michelle si Oliver sa Instagram.
Una na rito ay binura rin ni Michelle ang mga post niya tungkol sa kanila ni Oliver.