Hindi na mapapanood sa TiktoClock si Miss Universe Philippines 2020 Rabiya Mateo.
Si Rabiya ang isa sa mga pioneer host ng morning variety show ng GMA-7 na nag-umpisa noong Hulyo 25, 2022, kaya pinanghihinayangan ang pagkawala niya sa TiktoClock.
Para maiwasan ang mga espekulasyon tungkol sa pag-alis niya sa programang naging malaking bahagi ng kanyang entertainment career, hiningi ng Cabinet Files mula kay Rabiya ang paliwanag nito.
“Tapos na po ang contract ko with TiktoClock. Thankful naman po ako sa show kasi first hosting job ko ito.
“Now, sana mas magkaroon ako ng opportunity sa acting po,” pahayag ni Rabiya.
Rabiya Mateo (second row, left) with TiktoClock co-hosts Pokwang (first row, left), Kim Atienza (first row, right), Faith Da Silva (second row, center), and Jayson Gainza (second row, right)
Sa kasalukuyan ay napapanood si Rabiya sa Makiling, ang afternoon drama-thriller series ng GMA-7 na magwawakas sa Mayo 3, 2024.
Papalitan ito ng Philippine adaptation ng Voltes V na muling matutunghayan sa Kapuso Network simula sa Mayo 6, 2024.
Sa mga nakaraang panayam namin kay Rabiya, madalas niyang sinasabi ang kagustuhang ituon ang kanyang atensiyon sa pag-arte.
Kaya naman tuwang-tuwa ang dating beauty queen nang mabigyan siya ng importanteng karakter sa prime time drama series na Royal Blood, na ipinalabas sa GMA-7 mula Hunyo 19, 2023 hanggang Setyembre 22, 2023.
Ngayong wala na siya sa TiktoClock at malapit nang matapos ang Makiling, naghihintay si Rabiya ng bagong proyekto mula sa kanyang home studio na hahamon sa kakayahan niya bilang aktres.
Ngayong Biyernes, Abril 26, 2024, may taping si Rabiya para sa Wish Ko Lang!.
Humingi siya ng paumanhin sa Cabinet Files dahil mabibigat ang mga eksenang kinunan kaya hindi niya agad nasagot ang tanong namin tungkol sa kanyang pagpapaalam sa TiktoClock.