Walang pagsidlan ng saya ni Kathleen Hermosa at non-showbiz husband na si Miko Santos nang magpositibo sa pregnancy test ang dating aktres noong March 2, 2024.
Makalipas ang ilang araw, kinumpirma ng kanilang OB-gyne na may heartbeat ang fetus.
Pero sa kanilang follow-up consultation makalipas ang isang buwan, sinabi ng OB-gyne na tumigil na ang heartbeat ng fetus.
Ito ang pangalawang beses na hindi natuloy ang pagbubuntis ni Kathleen.
Noong November 2, 2023, ibinunyag ni Kathleen sa isang Instagram post na nakunan siya sa kanyang unang pagbubuntis. Triplets sana ang kanyang magiging panganay.
Tinawag ni Kathleen ang kanyang pinakahuling pagbubuntis bilang “our fourth angel.”
Emosyunal si Kathleen sa pangalawang beses na napurnada ang kanyang pagbubuntis.
Ibinahagi niya ang kanyang journey sa series of videos this week sa YouTube channel niya.
FINDING OUT ABOUT HER PREGNANCY
Walang sinayang si Kathleen sa pagre-record ng videos sa kanyang “journey” sa second pregnancy. Ito ay para raw mabalikan niya ang mga ito pagdating ng araw.
Very raw ang approach niya sa pagre-record ng kanyang content.
Marso 2, 2024 daw nang lumabas sa pregnancy test na positive siya na ikinasaya ng kanyang mga mahal sa buhay.
Nasa Maynila pa noon si Kathleen para dumalo sa binyag ng bunsong anak nina Pauleen Luna at Vic Sotto noong Marso 4, 2024.
Ang kapatid ni Kathleen na si Kristine Hermosa ay asawa ni Oyo Sotto, anak ni Vic.
Pagkatapos ng binyag ay umuwi na si Kathleen at kanyang mister na si Miko sa Cebu, kung saan sila naka-base.
Sa mga sumunod na video ay ipinakita ni Kathleen ang pagbabago sa kanyang routine at habits bilang paghahanda sa upcoming baby, indikasyon kung gaano sila ka-excited.
Ang follow-up checkup nila ay noong April 4. Dito ipinaalam ng doktor ang malungkot na balita, na wala nang heartbeat ang fetus dahil sa congenital thrombophilia.
NO HEARTBEAT
Sa isang video ay nag-videocall si Kathleen sa kapatid na si Kristine upang ipaalam ang malungkot na balita.
Sabi ni Kathleen sa kapatid, “Tumigil yung heartbeat. May heartbeat na nung una, lumaki din yung baby.
“Lumaki na siya, e… may limbs na. So, nag-form. Pero tumigil. Nawala yung heartbeat.
“Ang ibig sabihin nung congenital thrombophilia, humihinto yung supply ng dugo ng mommy sa fetus, sa baby.”
Kathleen Hermosa and husband Miko Santos in the car
Nabanggit din ni Kathleen na sinabihan siya ng doktor na healthy naman ang kanyang uterus. Pinaalalahan din siya ng doktor na sa next pregnancy nito ay kailangan niya ng 10 months bed rest.
Sinisikap ni Kathleen na maging positibo sa kabila ng pangyayari.
“Tuloy ang buhay. Nakakapanghina lang.
“Ganon pala talaga pag buntis, nire-revolve mo, like, everything stopped. Alalay talaga, ganyan.”
Dagdag niya, “Sabi nila the show must go on, kaya dapat happy pa din.”
May madamdamin ding pag-uusap ang mag-asawa sa pagkawala ng kanilang “fourth” baby.
Pag-amin ni Kathleen sa pangyayari, “Hindi ko talaga naiintindihan ang nararamdaman ko at this point. I was so confused. I have so many questions.
“I couldn’t even understand if I’m really sad or jaded na ako. I feel the rejection.
“It’s so strong that I really couldn’t imagine ano ba talaga ang purpose mo, God, sa akin, sa buhay namin?
“Things keep replaying in my head. Di ko talaga maintindihan saan ako nagkamali.
“May nagawa ba ako, kami ni Miko, na hindi naka-honor kay God? Na-disappoint ba namin Siya?” madamdaming banggit ni Kathleen sa kanyang video.
Dasal din niyang maliwanagan siya kung ano ang dahilan ng pangyayari.
KATHLEEN ON TRYING AGAIN TO HAVE A BABY
Naging honest si Kathleen sa kanyang mga nararamdaman.
“The time I realized that I wanted a child and a family of my own, I obeyed God and keep on obeying God in every area of my life.
“But right now, when things happen like this, you would really get confused and you don’t know where to go, what to do next…
“I’ve been trying to find purpose in your life, God’s purpose in your life.
“In such pain like this, and having this deep great desire in my heart to be a mother of my own child, it’s really normal to get tired of trying.”
Para maiwaksi ang lungkot na nararamdaman, nag-beach sa Camotes Island, Cebu, sina Kathleen kasama ang mga mahal sa buhay.
Dumating din si Kristine para damayan ang kapatid.
Sa kabila ng pangyayari, sinabi ni Kathleen na patuloy siyang kakapit sa kanyang pananampalataya.
“And if you ask me if I’m gonna conceive again, we will never give up trying. Alam ko God has great plans for us.”