Ang lakas ng tama sa Pinoy viewers ng katatapos lang na Korean drama na Queen of Tears.
Patuloy pa rin itong nagte-trending sa X.
Sa ibang social media accounts ay pinag-uusapan na kung gagawin ang Pinoy adaptation nito, sino ang swak na swak na gaganap bilang Pinoy Hae In na ginampanan ni Kim Ji-won, at si Hyun Woo na ginampanan naman ni Kim Soo-hyun.
KATHDEN IN QUEEN OF TEARS PINOY VERSION?
Nasa Facebook account ng entertainment editor ng The Philippine STAR na si Nathalie Tomada kung bagay kaya sina Alden Richards at Kathryn Bernardo ang gaganap sa Pinoy adaptation nito. Puwedeng-puwede, di ba?
Bakit hindi natin simulan dito sa PEP Troika ang pa-survey kung sino ang babagay na magbida sa sikat na K-drama na ito?
Mainit pa ring pinag-uusapan itong Queen of Tears na tila hindi pa rin naka-move on sa happy ending nito. Mabuti na lang at happy ending, sa dami ng hirap na pinagdaanan ng dalawang bida lalo na si Hyun-woo.
Sa nakaraang pa-lunch ni Congresswoman Camille Villar sa ilang entertainment media, natanong siya kung napapanood ba niya ang Queen of Tears, at kung nakaka-relate ba siya sa character ni Hae-in na anak ng may-ari ng isang napakalaking kumpanya at nagma-manage ng malls.
Natawa si Camille dahil isa rin pala siya sa tumututok sa Queen of Tears. Ang dami naraw kasing mga kaibigan niya ang nagsabing panoorin niya ang naturang K-drama.
“Marami na akong iniyak diyan sa Queen of Tears na yan!” bulalas ni Camille.
Marami na raw ang nagsasabing makaka-relate siya sa kuwento nito.
“Sana hindi naman ako magkasakit hahaha! My husband… a lawyer, so relate ako.
“Medyo tragic e. So, ayokong maka-relate. Pero I really like it. Gandang-ganda ako sa kanya.
“When I started watching it… my friends telling me ‘you have to watch it, you have to watch it.’ Pero nakakaiyak pala yun, Diyos ko!”
Pero sa palagay niyo mga, ka-Troiks, sino ang bagay kapag gagawin na dito sa atin ang Queen of Tears? Swak na swak nga ba ang KathDen?
NOEL FERRER
True! After Crash Landing On You, dito sa series na ito nahumaling ulit ang aming household.
Ok naman kung ito ang basis ng KathDen story…. pero hindi ba, parang kasado na ang sequel ng Hello, Love, Goodbye?
Looking forward na ang mga fans nina Kathryn at Alden!!!
JERRY OLEA
Ang Queen of Tears ay isinulat ni Park Ji-eun, na siya ring nagsulat ng Crash Landing On You.
Ayon sa Wikipedia, ang final episode ng Queen of Tears nitong Abril 28, Linggo, ay nagtala ng nationwide rating na 24.850% sa South Korea, at itinanghal na highest-rated tvN series.
Kinabog nito ang record ng Crash Landing on You na 21.683% ang finale episode noong Pebrero 16, 2020. Pumuwesto ito bilang pangatlong highest-rated series sa Korean cable television history for viewership ratings, at second highest sa dami ng viewers.
Ang Top 2 highest-rated sa Korean cable TV ay The World of the Married (28.371%) at Reborn Rich (26.948%) na parehong sa JTBC Network.
Ang walong sumunod ay Queen of Tears (24.850%, TvN), Sky Castle (23.779%, JTBC), Crash Landing on You (21.683%, TvN), Reply 1988 (18.803%, TvN), Goblin aka Guardian: The Lonely and Great God (18.680%, TvN), Doctor Cha (18.546%, JTBC), Mr. Sunshine (18.129%, TvN), at Extraordinary Attorney Woo (17.534%, ENA).
TOP 10 K-DRAMAS
Sa paramihan ng viewers, ang Top 10 ay Sky Castle (6.508M), Queen of Tears (6.399M), Crash Landing On You (6.337M), Reborn Rich (6.277M), The World of the Married (6.248M), Mr. Queen (4.749M), Mr. Sunshine (4.631M), Extraordinary Attorney Woo (4.449M), Itaewon Class (4.425M), at Crash Course in Romance (4.329M).
Sa Netflix Philippines, na-displace ang Avatar: The Last Airbender sa talaan ng Top 10 TV Shows in the Philippines Today noong Marso 12 dahil sa Queen of Tears.
Nanguna sa listahan ang Queen of Tears mula Marso 12 hanggang Marso 28, Huwebes Santo.
Mula Marso 29, Biyernes Santo, hanggang Abril 1, Lunes, April Fools’ Day, ay No. 1 ang Testament: The Story of Moses, at No. 2 ang Queen of Tears.
Balik-No. 1 ang Queen of Tears sa Netflix PH mula Abril 2 hanggang Abril 6.
Mula Abril 7 hanggang Abril 15 ay nasa top spot ang Parasyte The Grey, at pangalawa ang Queen of Tears.
Mula Abril 16 hanggang ngayon, Abril 30, Martes, ay Queen of Tears ang namamayagpag sa Netflix PH.