Lindsay Custodio, magsasampa ng kaso laban sa non-showbiz husband

Republic Act 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children ang kasong nakatakdang isampa ng singer-actress na si Lindsay Custodio laban sa kanyang Canada-based husband na si Frederick Cale.

Kinumpirma ni Lindsay sa Cabinet Files ang hakbang na kanyang gagawin, pero hindi siya nagbigay ng detalye tungkol sa mga karahasang kanya umanong naranasan mula sa mga kamay ni Cale.

Si Fredrick ang pangalawang asawa ni Lindsay.

Nabiyuda ang singer-actress noong Nobyembre 18, 2018, nang mamatay ang kanyang unang asawa, si dating Tanauan, Batangas vice-mayor Julius Caesar Platon II, dahil sa atake sa puso.

TWO WEDDINGS

Dalawang beses na ikinasal sina Lindsay at Frederick.

Naganap ang kanilang civil wedding sa Muntinlupa City, noong Mayo 1, 2022, Labor Day.

Sinundan ito ng pagpapakasal nila sa Our Lady of Victories Chruch sa New Manila, Quezon City, noong Mayo 13, 2022, Friday the 13th.

Bumalik si Frederick sa Pilipinas noong April 2023 hanggang May 2023 para sa kanilang first wedding anniversary.

Nag-decide si Lindsay na putulin na ang lahat ng komunikasyon nila noong June 12, 2023, Araw ng Kalayaan ng Pilipinas, dahil sa mga hindi nila pagkakaunawaan.

Pero hanggang ngayon, nananatili silang kasal sa isa’t isa.

Ang paghahain ng reklamo laban kay Frederick ang itinuturing ni Lindsay na umpisa ng healing process nito dahil sa mga karanasan niyang nagpabigat nang husto sa kanyang kalooban mula nang mangyari ang kanilang pag-iisang dibdib noong Mayo 2022.

Ang pagdedemandang gagawin ni Lindsay ang magbibigay ng tuldok sa maling akala at paniniwala ng publiko na nagsasama pa rin sila ni Frederick, na mas matagal na namalagi sa Canada.

Pero nagkaroon ng pagkakataon ang dalawa na magkita sa Amerika bago nagpasya ang singer-actress na palayain ang sarili mula sa relasyong naghatid umano sa kanya ng mga pasakit at dahilan para mabawasan ang self-esteem o pagpapahalaga niya sa sarili.