Mavy Legaspi’s touching Mother’s Day message to Carmina Villarroel

Cassy Legaspi, Mavy Legaspi, Carmina Villarroel

Hindi mapigilang maiyak ng aktres at TV host na si Carmina Villarroel sa Mother’s Day message ng anak niyang si Mavy Legaspi.

Nangyari ito sa programang Sarap, ‘Di Ba? nitong nakaraang Sabado, May 4, 2024.

Sa kanyang mensahe ay pinasalamatan ni Mavy ang ina sa pagiging pasensiyosa at maunawain nito.

Binati muna ni Mavy ang ina ng “Happy Mother’s Day” bago sabihing, “We’re back on track and sana tuluy-tuloy lang ‘to.”

Dagdag ni Mavy, “Feeling ko ito, yung blessing na ibinigay ni Lord para sa atin, personally, as mother and son na duo.”

MAVY TELLS CARMINA NOT TO MIND THE CRITICS

Pinayuhan ni Mavy ang ina na huwag nang patulan ang bashers nito sa social media.

Matatandaang umani ng batikos at pangungutya si Carmina dahil sa tingin ng netizens ay nakikialam ito sa buhay ng kanyang mga anak.

Nagsimula ito matapos mapansin ng publiko ang tila pagpaparinig ni Carmina sa social media sa love team partner at rumored girlfriend ni Mavy na si Kyline Alcantara.

Tumagal din ang naging patutsadahan online nina Carmina at Kyline, bagay na hindi nagustuhan ng ilang netizens, partikular ng mga tagahanga ni Kyline na tinawag na “mama’s boy” si Mavy.

Pahayag ni Mavy sa kanyang mensahe kay Carmina, “Kayang-kaya mo. Di na kailangan magsalita, di na kailangan i-justify or fight the criticism.

“Lahat ng criticisms or hate kasi wala yun, bored lang sila sa buhay nila.

“At the end of the day, I know in their hearts, kahit may criticism whatsoever, they all have their own mothers that they love. We don’t need to fight back.”

KEEPING IT IN THE FAMILY

Nagpapasalamat si Mavy sa pagkakaroon ng inang katulad ni Carmina.

“I guess, itong turn of events naging malaking blessing para sa akin to realize a lot of things,” sambit ni Mavy.

Hindi tinukoy ni Mavy kung ano ang “turn of events” na kanyang sinasabi o kung ito ba ay matagal na o kamakailan lang nangyari.

Dugtong ng batang aktor, “It looks like na hindi tayo lumalaban, we don’t need to. Kasi yung biggest the strength that you have is deep inside there na. Hindi nakikita ng mga tao.

“Yung mga nakikita ng [mga] tao is mga posts, mga comments, interviews, and all that.

“Pero hindi nila nakikita ang anong laman ng puso ni Mama, and that’s my biggest blessing kaya happy Mother’s Day.”