Sumipot ang Diamond Star na si Maricel Soriano sa pagdinig na naganap sa Senado ngayong Martes ng umaga, Mayo 7, 2024.
Ito ay para bigyang-linaw ang pagkakasangkot ng kanyang pangalan sa diumano’y PDEA (Philippine Drug Enforcement Agency) leaks na nag-uugnay sa pangalan nila ni Presidente Ferdinand Marcos Jr. sa paggamit ng ilegal na droga.
Kasama ang pangalan ni Maricel sa mga diumano’y listahan ng mga personalidad na target ng drug operation sa isang condominium unit sa Rockwell, Makati City, noong Marso 2012.
Pero ayon sa testimonya ni dating PDEA agent Jonathan Morales, hindi ito natuloy dahil namagitan si former Executive Secretary Paquito Ochoa ng Aquino administration.
Nagtungo si Maricel sa Senate hearing ngayong araw sa imbitasyon ni Senator Ronald “Bato” Dela Rosa, chairman ng Senate Committee on Public Order and Dangerous Drugs.
Sinabi ng senador kay Maricel, “Ma’am, okay lang sa yo, magtatanong ako sa yo, ha? Relax ka na?”
MARICEL SORIANO’S CONDO UNIT
At saka nagtanong si Dela Rosa sa aktres: “Ma’am, sa mga nag-viral na dokumento na nagdadamay sa pangalan mo, sa tingin mo ba may katotohanan ang mga nasabing dokumento?”
Sagot ni Maricel: “Unang-una po, hindi ko ho alam yung tungkol sa mga dokumento.
“Nalaman ko na lang yan nung ipinakita sa akin dahil hindi po ako nagbabasa ng mga ganyan. Wala po akong alam.”
Dela Rosa: “Next question ko po, ‘Ma’am. May property ka ba sa Rockwell? Ikaw ba ang nagmamay-ari ng [address] located at Rockwell, Barangay Poblacion, Makati City?”
Maricel: “Opo.”
Dela Rosa: “Sa iyo yon, yung 46-C?”
Maricel: “Hanggang 2012 po, nabenta ko ho yon. Wala na ako doon.”
Pero dahil sa matagal nang panahon ang nakalipas, hindi na raw matandaan ng aktres ang buwan nang ibenta ang kanyang unit sa Rizal Tower.
Tanong muli ni Dela Rosa kay Maricel, “Okay, but then you admit na you are the owner and at the same time, the occupant of such unit, yung unit 46-C?”
Sagot ni Maricel, “Yes your honor.”
Nang sabihin ni Dela Rosa na kailangan nito ng Deed of Sale ng condominium unit ni Maricel, “Opo at hahanapin ko po,” mabilis na sagot ng aktres.
MARICEL SORIANO ONHOUSEHELPERS WHO FILED COMPLAINTS AGAINST HER
Hindi natapos sa condominium unit na pag-aari ni Maricel ang tanong ni Dela Rosa dahil inungkat din nito ang isang isyung kinasangkutan ng aktres noong Hunyo 2011.
Ito ay ang pagsasampa ng reklamo ng dalawa niyang kasambahay dahil sa pananakit sa kanila ng aktres. Konektado raw ito sa paggamit ng cocaine ni Maricel.
Pag-uusisa ng senador: “Ito rin, Ma’am, may napabalita in 2011, two former household workers who lodged a complaint of serious physical injury against Maricel Soriano stated that they decided to flee from the actress’ condominium unit also because of her alleged cocaine use. Ano po ang masasabi mo sa balita na ito?”
Sagot ni Maricel: “Hindi po totoo yan.”
Dela Rosa: “Hindi totoo? Thank you. I just want to get your answer to set the record straight. So, hindi totoo yon?”
Maricel: “Hindi po.”
Dela Rosa: “Pero totoo na meron kayong dalawang katulong sa bahay na dalawa na umalis?”
Maricel: “Opo, kasi ninakawan po nila ako.”
Dela Rosa: “Ninakawan ka nila? Totoo na binugbog mo sila o hindi?”
Maricel: “Paano ko naman po bubugbugin, dalawa po sila?”
Dela Rosa: “Okay. I am just confirming the news report po. Thank you, Ma’am, maraming salamat for your cooperation.”
Para sa kaalaman ng publiko, nagkaayos na si Maricel at ang dalawang dati niyang kasambahay isang taon makalipas siyang sampahan ng reklamo ng mga ito.
Noong 2012, nagkaroon ng kasunduan ang magkabilang kampo.
Sa magkasamang salaysay na inilabas ng magkabilang kampo, “minabuti na nila na magkasundo at tapusin na ang hidwaan na namagitan sa kanila.”
Ito ay matapos mapagtanto ng magkabilang partido na “ang naganap na insidente ay isa lamang hindi pagkakaintindihan ng mga partido dahil sa bugso ng kani-kanilang damdamin.”