Kinumpirma ni Lindsay Custodio ang kuwentong nakarating sa Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) tungkol sa nangyari sa kanya sa kanyang wedding day, pagkatapos na pagkatapos ng seremonya.
Kinasal siya kay Frederick Cale noong Mayo 13, 2022. Hindi tiga-showbiz si Frederick.
Kahit suot pa raw nila ang kanilang wedding outfits, pinilit siya ni Frederick na dumaan sa bangko sa Kamuning Road, Quezon City, para ideposito ang mga tsekeng regalo sa kanila bago sila pumunta sa wedding reception sa isang restaurant sa Tomas Morato Avenue, Quezon City.
Ayon kay Lindsay, ginamit ni Frederick ang credit card nito para bayaran ang mga gastusin sa wedding reception.
Ngunit ang mga tseke at cash gifts na natanggap nila mula sa kanilang mga ninong at ninang ang ipinambayad daw ni Frederick.
Umpisang paglalahad ni Lindsay sa exclusive interview ng PEP.ph: “Nag-open kami ng joint bank account prior to our church wedding.
“Nag-insist siyang pumunta kami sa bangko after the church wedding ceremony.
“Ang mga tseke sa bangko na-clear na at cash gifts ang pinambayad sa credit card niya.”
Isa ito sa tinuturo ni Lindsay na isa sa mga pang-aabusong naranasan, pero hindi raw niya naisip noon na isang red flag, o maagang babala, para sa malungkot na kahihinatnan ng pagsasama nila ni Frederick.
Hindi raw inakala ni Lindsay na ang ipambabayad ni Frederick sa wedding reception nila ay mula sa mga natanggap nilang cash gifts.
Pagpapatuloy ng singer-actress, “I was against it talaga. I was expecting na nag-offer siya ng kasal so he should be prepared for it. Iaasa lang pala niya dun sa mga cash gift sa kasal.”
LINDSAY CUSTODIO’S PERSONAL BANK ACCOUNT
Ikinagulat din daw ni Lindsay nang biglang pinabukas ni Frederick ang personal account ng singer-actress sa bangko.
“Nung nasa bangko na kami, bigla akong tinawag ng teller. Sabi niya, ‘Miss Lindsay, ito pa po yung sa account ninyo.’
“E, hindi naman ako nag-i-inquire about my own personal bank account. Dapat yung account owner ang mag-i-inquire.
“Bigla niyang [Frederick] ipina-open, nagtanong siya sa teller kung may personal account under my name.
“Nagulat ako, pero I was composed kasi nahihiya ako dahil ang daming tao sa bangko. Baka makunan pa kami ng video dahil nakasuot pa nga ako ng wedding gown kaya hindi ko siya kinuwestiyon.
“I can be angry at the teller and tell her na, ‘Bakit mo in-open yung account ko, hindi naman ako nagtatanong.’
“Siguro sa part naman po ng teller, nakita niyang naka-wedding gown ako, asawa ko ang kasama ko.
“Baka natakot siya na hindi i-grant ang request ni Frederick na i-check yung personal savings account ko kung may laman pa.”
Ipinakiusap daw ni Lindsay kay Frederick na i-maintain niya ang kanyang personal account para sa kanyang mga personal na pangangailangan.
Hindi raw pumayag si Frederick.
Salaysay ni Lindsay, “Sinabi ko sa kanya, puwede ba yung pera sa personal account ko, akin na lang, so I can use it for my personal expenses, like, emergency fund?
“Sabi niya, ‘Ay, hindi. I-withdraw mo yan. Dapat diyan ibayad mo sa credit card.’
“Ang lakas ng boses niya. Siyempre, nagtitinginan yung mga tao. Ang takot ko noon, baka may mag-video sa amin, tapos i-post.
“So, I just agreed to what he wanted. Ibinayad sa credit card niya from the fund na idineposit namin sa joint account, pati yung sa personal account ko, ibinayad din.”
LINDSAY CUSTODIO’S LATE REALIZATION
Kaya sa araw daw mismo ng kasal nila ay napagtanto na ni Lindsay kung anong klaseng lalaki ang pinakasalan niya.
Kagyat siyang nagsisi.
“Hiyang-hiya ako sa sarili ko, pero dumiretso pa rin kami sa reception.
“Dun naman po sa reception, after the program was done, kinuha niya rin ang cash gifts na ibinigay sa amin at yun ang ipinambayad niya sa [additional] expenses.
“To make it worse, it was witnessed by some of our guests and principal sponsors. Hiyang-hiya po talaga ako sa sarili ko.
“Nagsisisi na ako noon, ‘Bakit ganito yung napangasawa ko?’
“Ang sa akin, nung panahon na yon, nahihiya ako dahil kasal na kami. Iniisip ko kung ano ang sasabihin ng mga tao.
“Parang biyuda ako, nagpakasal ako uli, tapos maghihiwalay lang kami. I really wanted to save the marriage,” malungkot na pahayag ni Lindsay.
TWO WEDDINGS: ON LABOR DAY AND ON FRIDAY THE 13TH
Sa huli, dalawang beses ikinasal sina Lindsay Custodio at Frederick Cale noong taong 2022.
Unang naganap ang civil wedding nina Lindsay at Frederick sa Muntinlupa City Hall noong Mayo 1, 2022.
Sinundan ito ng pag-iisang dibdib nila sa simbahan, na naganap sa Our Lady of Victories Church sa New Manila, Quezon City, noong Mayo 13, 2022.
Pinakasalan ni Lindsay si Frederick apat na taon makalipas pumanaw ng unang asawa ng singer-actress, si former Tanauan Vice-Mayor Julius Caesar Platon II.
Binawian ng buhay si Julius noong Nobyembre 18, 2018.
Matagal nang kakilala ni Lindsay si Frederick dahil nanligaw ito sa kanya bago siya magdiwang noon ng ika-labinwalong kaarawan.
Halos magkasabay pa sina Frederick at Julius sa panunuyo kay Lindsay, pero si Julius ang pinili at pinakasalan ng singer-actress na unang nakilala sa Ang TV, isang youth-oriented show ng ABS-CBN
May paliwanag si Lindsay tungkol sa pasya niyang magpakasal din sa simbahan.
Aniya, “Dalawang beses kaming nagpakasal dahil iba pa rin yung may basbas ng simbahan. Iba talaga yung may blessing ni God yung marriage ninyo, so I agreed.
“Ang focus ko naman noon, May 1, Feast of St. Joseph The Worker. I did not think of it as Labor Day.
“Itong May 13 na church wedding, which fell on Friday the 13th at that year, hindi ko naman inisip yon dahil it fell on the Feast Day of Our Lady of Fatima.
“So, I was thinking, May 1 kay St.Joseph and May 13 kay Mama Mary. Yun ang focus ng isip ko noon.”
Bukas ang PEP.ph sa panig ni Frederick Cale kaugnay ng mga pahayag ni Lindsay Custodio. Nagpadala kami ng mensahe kay Frederick sa pamamagitan ng Facebook Messenger. Wala pa siyang sagot habang isinusulat ang artikulong ito.