Labandera sends 6 kids to school; all 6 professionals now

Walang hindi gagawin ang isang ina para sa kapakanan at kinabukasan ng kaniyang mga anak.

Iyan ang pinatunayan ng 67-anyos na inang si Marilou “Malou” Certeza nang igapang nito sa paglalabada ang pag-aaral ng anim na anak.

Ani Malou sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) interview nitong Mayo 6, 2024, 16-anyos pa lamang siya noong ipanganak ang panganay na si Apple.

Makalipas lamang ng isang taon ay dumating naman si Tina, ang pangalawang anak.

Sumunod sina Jessie (born 1977), Isay (born 1981), Kino (born 1988), at panghuli ang bunsong si Sheck (born 1994).

Malou Certeza and six kids

Sabi ni Malou, “Noong una, hindi naman mahirap ang buhay namin. Si Daduy, ‘yung asawa ko, machinist supervisor ang trabaho niya noon. Nakakabili naman kami ng lahat ng kailangan namin—mga damit, gatas, at diaper ng mga bata.

“Kaya lang, dumating ang matinding pagsubok nang mawalan si Daduy ng trabaho. Nagsara kasi yung kompanya na pinagtatrabahuan niya. Doon na kami tuluyang bumagsak.”

Sa tindi ng dismaya sa pagkawala ng pinapasukang trabaho, hindi na uli bumalik ang kagustuhang maghanapbuhay ng mister ni Malou.

Dito nagdesisyon si Malou na pasukin ang anumang uri ng trabaho may maipakain lamang sa mga anak.

“Nagmamakina sa gabi, sa araw naman naglalaba.” Ganito inilarawan ni Malou ang naging umpisa ng kanyang buhay bilang tagataguyod ng pamilya.

“Limang bahay ang ipinaglalaba ko, mula alas-tres nang umaga hanggang alas-onse nang gabi, nagkukusot ako, para lang mayroong maibaon sa eskwela ang mga bata kinabukasan.”

Binabayaran raw si Malou ng PHP500 kada buwan ng bawat bahay na ipinaglalaba niya.

Ang ibinabayad sa kanya, pinagkakasya sa upa, pagkain, tubig, kuryente, at iba pang pangangailangan ng mga anak.

Malou Certeza and six kids

Suwerte rin si Malou sa mga naging amo nito na sadyang mapagbigay. Karamihan sa kanila ay nagbibigay sa kanya ng maiuulam.

Dagdag ni Malou, “May naging customer ako, ipinasok ako sa Veco—yung pagawaan ng notebook sa Taguig—nagtrabaho rin ako doon. Pero hindi nagtagal dahil hindi ko matiis na kung ano ang iiwanan kong pagkain sa mga anak ko, iyon pa rin ang pagkain nila pag-uwi ko. Hindi ko kayang tiisin na makitang nagugutom sila.”

Nagpasya si Malou na ituloy ang pagiging labandera. Umabot siya ng 14 taon sa hanapbuhay na siyang nagbigay-daan para mapagtapos niya ang mga anak.

Wala siyang ibang ginusto kundi ang kanilang tagumpay.

Ngunit, sabi rin ni Malou, “Ayaw kong angkinin ang lahat ng puri sa naging success ng mga anak ko, dahil lahat naman iyon ay hindi rin magiging posible kung hindi kami nagtulong-tulong.”

MALOU’S CHILDREN, NOW SUCCESSFUL PROFESSIONALS

Scholar lahat ang anim na anak ni Malou mula elementarya hanggang college.

Ang dalawa sa mga ito—si Apple at Isay—ay nagtapos bilang salutatorian ng kanilang mga batch.

Ang panganay na si Apple, nagtapos sa kursong Bachelor of Secondary Education Major in Filipino sa National Teachers College.

Naging working student si Apple. Nang makapagtapos at magturo, isinabay rin niya ang pagre-resell ng samu’t saring items.

Sa kalaunan, naging malaking success ito dahil ngayon ay isa na siyang business owner. Kilala siya bilang si “Sexing Tindera” sa Facebook.

Siya ang nagmamay-ari ng Apple’s Branded Stuff, na nagbebenta ng authentic items from luxurious brands—gaya ng Louis Vuitton, Lacoste, Calvin Klein, Michael Kors, at Tommy Hilfiger, na favorite raw ng kanyang inang si Malou.

Si Tina, ang pangalawa, ay nagtapos ng Bachelor of Science in Education Major in Physical Education sa Philippine Christian University.

Siya ang naging katuwang ng panganay na kapatid sa business nito. Kaya naman ang magkapatid, both licensed teachers na, business owners pa.

Ang pangatlong anak ni Malou, si Jessieboy, ay naging seaman. Sixteen years na siyang nagtatrabaho sa barko.

Ang pang-apat, si Isay, ay naging country manager sa Big Bad Wolf. Naging matagumpay rin ang kanyang career sa Dubai bilang events manager sa isang sikat na kompanya roon.

Si Kino, ang panglimang anak, ay nagtapos ng Bachelor of Science in Hotel and Restaurant Management. Kagaya ni Jessieboy, nakasampa rin siya sa barko at nagtrabaho doon nang dalawang taon. Successful rin ang kanyang career bilang isang bartender sa Dubai.

Ang bunso namang si Sheck ay nagtapos sa Maritime Academy of Asia and the Pacific (MAAP) sa kursong Bachelor of Science in Marine Transportation. Matapos ang pag-aaral ay naging seaman. Sa kasalukuyan, nagtatrabaho siya bilang coastguard officer.

Malou Certeza's six children

“HINDI DAHIL BABAE AKO…”

Lahat ng tagumpay na ito ay naging posible dahil sa dalawang kamay ni Malou.

Mga kamay na hindi napagod sa pagkusot at pagpukpok ng maruruming damit upang maging realidad ang isang bagay na minsa’y isa lamang pangarap.

Tunay na hindi matatawaran ang sakripisyong ibinuhos ni Malou upang ihatid ang kaniyang mga anak sa buhay na kanilang inaasam.

Hindi naging madali.

Ngunit, ang sabi ni Malou, “Hindi dahil babae ako ay wala akong kakayahang buhayin ang mga anak ko. Binigyan ako ng pangangatawan ng Diyos upang gamitin sa paghahanap-buhay at sa pagtataguyod ng aking mga anak.”

Malou Certeza

Dagdag pa niya, “Sa naging buhay ko, masasabi kong hindi katwiran ang kawalan ng pera para hindi mapagtapos ang mga anak. Lahat ay gagawin mo kung talagang mayroon kang hangarin para sa ikabubuti ng buhay nila.”

Ang pagmamahal ng isang ina, tulad ng isang bumbilya, ang nagsisilbing gabay ng mga anak sa daang tatahakin sa buhay.

Nang dahil sa pagsusumikap ni Malou at sa tulong na rin ng mga anak, nakamit nila ang buhay na noo’y laman lamang ng mga dasal at pangarap.

Bagay na nararapat lamang para sa isang inang dugo’t pawis ang naging puhunan para sa isang buhay na matagumpay.