Mag-aapat na taon na ang panganay na anak nina Billy Crawford at Coleen Garcia na si Amari.
Ilang taon na ring naka-focus ang mag-asawa sa kanilang panganay, kaya sakaling masundan na ito, handa na rin daw si Coleen.
Pero kung pupuwede raw, huwag naman muna agad-agad.
Ngayon pa lang kasi bumalik sa trabaho si Coleen kung saan ay nakagawa na siya ng pelikula sa Viva Films, itong Isang Gabi, na magso-showing na sa Mayo 15, 2024.
“Actually, masaya ako na nagkaroon ng time in between, ‘no? Pero I feel na anytime na mangyayari man, ready naman na ako.
“Pero sana, konting time pa. Kasi medyo ano, e, ine-enjoy ko pa talaga.
“I feel, like, sobrang in harmony na yung lives namin. Lahat, lahat na nangyayari ngayon. Parang sobrang kuha ko na yung rhythm ko na ngayon.
“So, if mangyari, parang kailangan kong i-learn ulit. Kailangan mababago yung rhythm namin. Pero okay lang naman.
“Kung mangyari naman yan ngayon, feeling ko ready naman ako. Prepared naman ako for that.
“Pero siguro, one na lang,” napapangiting pahayag ni Coleen nang nag-promote siya ng Isang Gabi sa DZRH nung nakaraang Lunes, Mayo 6.
COLEEN GARCIA ON SHOWBIZ COMEBACK
Na-enjoy naman daw ni Coleen ang pag-aalaga kay Amari, pero sa tingin daw niya, kailangan na rin niyang balikan ang pag-aartista.
“Siyempre we have bills to pay, di ba?” bulalas ni Coleen.
“And apart from that, iba rin yung may career ka, yung may bini-build ka.
“It’s not yung porke’t like kailangan namin kumita, or kailangan may pambayad sa bills and everything.
“Pero may bini-build din kami for ourselves, di ba? Na parang labas na kami dun, e. Labas na ako sa career ni Billy, labas din siya sa career ko.
“So, the best thing that we can do talaga is to support each other. Kasi, nakita niya din yung almost three years na halos nasa bahay lang ako, nag-aalaga talaga ng bata. And nakikita niya na masaya naman ako.
“Pero there’s still something na gusto kong ma-achieve, gusto kong magawa. So, he supports that naman,” sabi pa ni Coleen.
Hindi lang daw sukat-akalain ni Coleen na si Diego Loyzaga ang makakatrabaho niya sa kanyang pagbabalik-acting.
Kaibigan nila ni Billy si Diego, na talagang close daw sa kanila. Kaya talagang nailang daw siya nung ginagawa nila ang intimate scenes nila sa pelikulang Isang Gabi.
Hindi raw alam ni Coleen kung paano niya naitawid ang love scenes nila ni Diego.
“Hindi naman talaga ako comfortable sa mga ganung scenes, in general. Pero the fact na si Diego yung kasama ko, parang lalo akong naging uncomfortable.
“Parang ang ginawa ko na lang the whole time na nagsu-shoot kami, hindi ko na lang iniisip.
“Pero in the back of my mind, parang dina-drag ko rin at the same time.
“Tapos nung dumating yung time na kailangan na naming gawin, dun na pumasok lahat na parang, gusto kong umiyak,” saad ni Coleen.
Tuluy-tuloy ang pagpapalabas ng mga pelikulang Pinoy sa local cinemas.
Noong Mayo 1, Labor Day, ay nag-open sa mga sinehan ang Bantay Bahay ni Pepe Herrera, at Men Are From QC, Women Are From Alabang nina Marco Gallo at Heaven Peralejo.
Nakipagsalpukan ang mga ito sa Tarot at The Fall Guy.
Nitong Mayo 8, Miyerkules, nag-open ang The Blood Brothers starring Cesar Montano, Alan Paule, Victor Neri, and Dr. Ronald Adamat.
Kabakbakan nito ang Kingdom of the Planet of the Apes, Fast Charlie, at Bag of Lies.
Sa Mayo 15, kasabay ng Isang Gabi ang playdate ng Fuchsia Libre nina Paolo Contis at John Arcilla.
Siksikan ang bagong movies na magso-showing sa Mayo 15. Kasado rin sa playdate na iyon ang foreign films na Back to Black, A Southern Haunting, HAIKYU!! The Dumpster Battle, If, at Sting.
Mayo 22 ang playdate ng When Magic Hurts nina Beaver Magtalas, Mutya Orquia, Maxine Trinidad, at Ms. Claudine Barretto.
Iyon din ang playdate ng Furiosa: A Mad Max Saga, Pee Nak 4, Succubus, Ordinary Angels, at The Strangers: Chapter 1.
Mayo 29 naman ang playdate ng Chances Are, You & I nina Kelvin Miranda at Kira Balinger, at Seoulmeyt nina Kim Molina at Jerald Napoles.
Katapat nila ang How To Make Millions Before Grandma Dies, at The Garfield Movie.
At nakatakda na sa Hunyo 5 ang showing ng 1521 nina Danny Trejo at Bea Alonzo. Noong Nobyembre 8, 2023 pa sana ang showing nito pero biglang iniurong.
Nasa cast din nito sina Costas Mandylor, Hector David Jr., Michael Copon, Maricel Laxa, Vic Romano, Floyd Tena, at Larissa Buendia.
Prinsesang Inglesera ang papel dito ni Bea. Walang language barrier sa istorya. Iyong mga Kastila at katutubo ay Inglesan nang Inglesan con todo hugot sa pag-e-emote.