Karagdagang reklamo ang kinahaharap ng betaranang showbiz columnist at online host na si Cristy Fermin, matapos siyang sampahan ng reklamong cyber libel ng mag-asawang Sharon Cuneta at former Senator Kiko Pangilinan.
Eksaktong 10:53 a.m. ngayong Biyernes, May 10, 2024, nang dumating sina Sharon at Kiko sa Makati City Hall para isumite ang kanilang reklamo laban kay Cristy.
Kasama nila ang kanilang legal counsel mula sa Britanico Sarmiento and Ringler Law Firm.
Pagdating, agad na dumiretso sina Sharon at Kiko sa tanggapan ni Prosecutor Dindo G. Venturanza ng Makati Prosecutor’s Office.
Dito ay nilagdaan at pinanumpaan nila ang kanilang salaysay kaugnay sa inihaing reklamo laban kay Cristy.
CRISTY “MALICIOUS” STATEMENT AGAINST THE FAMILY OF SHARON-KIKO
Matapos pumirma at manumpa ng salaysay, nagpaunlak ng panayam sina Kiko at Sharon sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), ABS-CBN News, GMA-7, at TV5, para idetalye ang nilalaman ng isinumite nilang sworn affidavit.
Ayon kay Kiko, dahil sa mapanirang salita at akusasyon ni Cristy tungkol sa kanilang pamilya—na inilabas sa vlog sa YouTube at mga post sa Facebook ng host—kaya sila nagdesisyon ni Sharon na sampahan na ito ng reklamo.
Diin ni Kiko, karapatan nilang ipagtanggol ang kanilang sarili, lalo na ang kanilang pamilya, laban sa mga mapanirang pahayag na binitiwan ni Cristy sa social media.
“Cybercrime law dahil malicious and imputation of defamation of our persons.
“Sabi nga natin, na yes we are public figures, but we also have rights,” saad ng dating senador.
Tinawag pang “criminal behavior” ni Kiko ang pagpapakalat ni Cristy ng mga malisyosong impormasyon na wala naman umanong sapat na basehan.
Pahayag ni Kiko: “Ang dami nagsasabi rin na kapag public figure kayo dapat tiisin niyo ang pagsisinungaling at paninira.
“But that’s not the case. In fact, we also have private rights, lalo na kapag when the matter is not of public interest.
“Meaning, it’s a personal issue or family matters and concerns. So that’s why we’re filing this case.
“Siyempre, alam na natin ang sistema sa social media ngayon. Paramihan ng views, paramihan ng subscribers, paramihan ng shares, kung anu-ano na lang.
“Paninira at kasinungalingan ang ikinakalat para lang sumikat, para lang dumami ang kanilang views at subscribers.
“So, hindi tama ito. That’s why we’re putting a stop to this.
CRISTY FERMIN’S CYBER LIBEL CASE ANEW
Hindi ito ang unang beses na inireklamo si Cristy ng cyber libel.
Noong May 2, nauna nang naghain ng hiwalay na reklamo ang aktres na si Bea Alonzo laban kay Cristy, pati na kay Ogie Diaz at ang mga co-host nila sa kani-kanilang online showbiz talk shows.
“We believe the criminal behavior should not be allowed at the beginning.”
SHARON CLAIMS CRISTY REPEATEDLY THROWING “BASELESS” AND “BELOW-THE-BELT” ATTACKS AGAINST HER AND HER FAMILY
Naniniwala si Sharon na nayurakan ang kanyang pagkatao sa ginawang paninira sa kanya ni Cristy online.
Bukod sa personal na pag-atake sa kanya, idinawit din daw ni Cristy ang kanyang mga anak at ang relasyon nila ni Kiko.
Saad ng actress/singer/TV host: “Like he [Kiko] said nga, na because we’re public figures, we are very understanding of the fact na, you know, we’re open to public scrutiny and criticisms.
“That’s really okay kasi kakambal ng trabaho namin—siya [Kiko] bilang politiko at ako bilang artista.
“But it gets to a point kasi na it affects your children, your family.
“I’ve lost sleep over it kasi feeling ko, kahit hindi totoo, parang siyempre meron kahit lima na maniniwala doon.”
Sabi pa ni Sharon: “I have brought suits against siguro two people in the past over 46 years of my career.
“Hindi ako mahilig sa ganito. Kung puwede lang [na huwag na sampahan ng kaso], kaya lang, after so often na tinitira ka, baseless…
“Yung opinyon, okay lang yon, e. Pero alam mo, there’s a line, you don’t hit beyond the belt, below-the-belt rather.
“You don’t hit beyond what is acceptable. Pati mga anak namin, marriage namin, lahat na.”
Diin pa niya: “Parang ang sama-sama namin, parang ang sama kong ina, ang sama kong tao, when buong buhay ko parang has been dedicated to really trying to raise the best kind of human beings sa mga anak namin.
“We’re very decent, very honest people. We’re not perfect but we live very honestly. Wala kaming eskandalong matatawag mo.”
SHARON SAYS CRISTY NEVER REACHED OUT TO HER
Sa katunayan, matagal na raw nagtitimpi si Sharon sa ginagawang paninira sa kanya ni Cristy.
Sa pagkakatanda raw niya, 18 years old pa lang siya nang unang maglabas si Cristy ng malisyosong balita tungkol sa kanya.
Pagbabahagi ng Megastar, “Actually, since I was 18, may nangyari na kumalat na balitang isinulat niya na hindi totoo.
“Remember, when I secretly married the first time, parang she wrote na, we went to the States kasi gusto kong ipatanggal yung baby.
“I was just 18 then, and I am 58 now, 40 years ago. I didn’t do anything, kaya patung-patong na.”
Ang tinutukoy ni Sharon na “secret marriage” ay ang civil wedding nila ng kanyang first husband na si Gabby Concepcion. Hindi raw siya buntis noong unang beses silang ikinasal ni Gabby.
Sa lahat daw ng pagkakataong siniraan siya ni Cristy, ni isang beses daw ay hindi siya nilapitan nito para hingin ang kanyang panig.
Si Sharon pa raw ang lumapit kay Cristy noong 2021 para makipag-ayos at makipagkaibigan.
Pagbabahagi niya: “Social media is very cruel and we accept that, we understand that.
“But I don’t like doing this especially because in 2021, sabi ko nga sa kanya, I wanted to travel lighter.
“I wanted to make peace with everybody na baka at one time or another nasaktan ako o nakapanakit ako. Although, wala akong alam na nasaktan ko at magpatawad din sa mga taong nakasakit sa akin.
“So I reached out to her and for a while, I actually was very… I had so much affection for her. Kasi feeling ko, ang tanda na natin, ang tanda ko na. I was looking only for good points to people.
“And then, after a while, suddenly I was shocked kasi konting lalabas [na balita tungkol sa amin], parang hinusgahan ka agad, hindi ka man lang tinanong.
“It’s annoying. There’s so much unfairness also.”
Hindi direktang sinabi nina Sharon at Kiko ang ginawang paninira sa kanila ni Cristy.
Pero pagkukumpirma nila, “early this year” lumabas ang vlog ni Cristy na nag-udyok sa kanila para tuluyan nang magsalita at magsampa ng reklamo.
Naluluhang sambit ni Sharon: “Inalagaan ko yung pangalan ko ng 46 years. Maganda ang palaki sa akin ng magulang ko. Higit sa lahat, sabi nung tatlong anak ko, mabuti akong ina.
“So, napakasakit sa akin, nagkapatung-patong. So, you know, if people pick that up, tapos talk as if they live with us, you know, and they see us, and they know what we’re going through.
“Even my children have, you know, have suffered. Ang sama ng loob nila, we’ve been off social media, partly because of this.
“Ayoko to, e. Parang it’s a message also na artista kami, pero ang dami na nakakalimot na nasasaktan din kami, di ba?
“Hindi naman ninyo kami kilala, nakikita niyo lang ang trabaho natin.
“Sa ginawa niya [Cristy], buong pamilya kasi namin ang naapektuhan, e. Yung mga anak ko, like Frankie, ganito-ganyan, parang ako, ‘Oh my God, they’re kids, they’re studying, wala naman silang ginagawa.'”
SHARON’S MESSAGE
Sa huli, may mensaheng gustong ipaabot si Sharon kay Cristy at sa lahat ng netizens na nabiktima at pinaniwalaan ang mga maling akusasyon umano laban sa kanya at kanyang pamilya.
Mensahe niya: “I wil never tolerate injustice. I will not tolerate somebody hurting the people I love the most.
“My message is we’re human beings, we all have rights, nobody…
“Alam mo, sabi ko nga kay Kiko, yung commandment na ‘thou shall not kill,’ naniniwala ako na hindi pisikal na pagpatay yon, e.
“Kapag sinira mo ang pangalan o honor ng isang tao na pinaghirapan nito, tinrabaho, linis ng pangalan, ganda ng buhay, takbo ng buhay, para ka na ring pumatay.”