Tila ginamitan ng reverse psychology ni Cristy Fermin ang pahayag niya kaugnay ng paghahain ng reklamong cyber libel ng mag-asawang Sharon Cuneta at Kiko Pangilinan laban sa kanya.
Ngayong Biyernes ng umaga, Mayo 10, 2024, nagtungo sina Sharon at Kiko sa Makati Prosecutor’s Office para isumite ang kanilang sworn affidavit kaugnay ng cyber complaint nila laban sa beteranong entertainment writer at showbiz talk show host.
Kiko Pangilinan and Sharon Cuneta
Makalipas ang ilang oras, nagbigay ng reaksiyon si Cristy sa pamamagitan ng kanyang online radio program na Cristy Ferminute.
Dito ay umapela siyang huwag magalit ang mga tagasuporta niya kina Sharon at Kiko dahil sa ginawa ng mga itong pagsasampa ng reklamo laban sa kanya.
Ito ay ayon daw sa mga nababasa niyang komento sa social media na nakikisimpatiya umano sa kanya.
Pahayag ni Cristy: “Huwag kayong magalit kay Sharon Cuneta.
“Kanina, ang dami kong nababasa. Galit na galit kay Megastar at kay dating Senador Kiko Pangilinan.
“Wala pa po tayong hawak na impormasyon. Malalaman natin yan kapag nabasa na po namin ng aming abogado.
“Yun lamang po yon, tanggalin po natin sa ating isip yung galit, yung hatred. Kasama po talaga yan sa laban.”
Muli ring sinambit ni Cristy ang linyang ito: “Basta ang mahalaga, alam natin kung ano ang katotohanan.”
CRISTY FERMIN SAYS LIBEL CASES AGAINST WRITERS ARE TERRITORIAL
Gaya rin ng naging pahayag niya nang sampahan siya ng reklamong cyber libel ni Bea Alonzo noong nakaraang linggo, muling iginiit ni Cristy na kasama umano sa trabaho niya bilang mamamahayag ang makasuhan ng libel cyber libel.
Saad niya: “Kapag ikaw ay bangkero, merong pagkakataon na puwede kang malunod.
“Kapag ikaw ay pulis, puwede kang makabaril at ikaw ay aksidenteng mabaril.
“Kapag ikaw ay nasa ganyang mga linya na tulad namin na mga mamamahayag, naku, territorial po ang mga ganitong kaso—yung libel case, cyberl ibel. Territorial po ‘yan.
“It comes with the territory, sabi nga natin. Yun lamang po yon.”
CRISTY FERMIN ON CELEBRITIES FILING COMPLAINTS AGAINST HER
Idinaan man sa biro, tila may laman ang pahayag ni Cristy na “pataas nang pataas ang level” ng mga artistang nagsasampa ng reklamo laban sa kanya.
Aniya, “Pero ang ano, ha, pataas nang pataas ang level.
“Tumataas ang level ng mga demandahan—from Sarah Lahbati to Bea Alonzo, Sharon Cuneta na ang kasunod.
“Sino po kaya ang susunod, si Julia Roberts na?”
Sa huli, sinabi ni Cristy na naiintindihan niya umano ang pinanggagalingan ng mga personalidad na nasampa ng reklamo sa kanya. Pero dapat din daw intindihin ng mga personalidad na ito na trabaho lamang ang kanyang ginagawa.
Aniya: “Basta, naiintindihan natin kung saan sila nagmumula. Naiintindihan natin kung saan sila nanggagaling.
“Wala pa po akong masasabi, wala pa kaming impormasyon na tinatanggap.
“Basta naiintindihan natin ito. Yan po ay kasama sa ating trabaho bilang mamamahayag.
“Sabi ko nga sa mga anak ko, ‘Mahiya kayo kapag ako ay idinemanda sa pagnanakaw. Mahiya kayo kapag ako’y idinemanda’t kinasuhan tungkol sa trafficking. Kapag ako ay nagbugaw at kung anu-ano pa. Yun ang dapat nating ikahiya.’
“Pero yung ganito, cyber libel, libel cases, kasama po ito sa teritoryo ng pagiging mamamahayag natin.
“At nauunawaan po natin kung saan sila nanggagaling at nagmumula. Kung paano dapat din nilang unawain kung ano ang aming trabaho.
“Yun lang po yon, you don’t shoot the messenger.”
CYBER LIBEL COMPLAINTS AGAINST CRISTY FERMIN
Ang kina Sharon Cuneta at Kiko Pangilinan ang ikatlong cyber libel complaint na natanggap ni Cristy Fermin nitong mga nakalipas na buwan
Nauna na ang ina ni Sarah Lahbati na si Esther Lahbati, na naghain ng “cyber libel, harassment, defamation, and unjust vexation” laban kay Cristy at sa kanyang co-hosts na sina Romel Chika at Wendell Alvarez.
Hindi matukoy kung anong petsa naghain ng reklamo si Esther laban sa grupo nina Cristy.
(From left) Romel Chika, Cristy Fermin, and Wendell Alvarez
Noong Mayo 2, 2024, nagsampa rin ng reklamong cyber libel ang aktres na si Bea Alonzo laban kay Cristy, pati na kay Ogie Diaz at ang mga co-host nila sa kani-kanilang online shows.
Ang co-hosts ni Ogie sa kanyang programa ay sina Mama Loi at Dyosa Pockoh.
(From left) Mama Loi, Dyosa Pocko, and Ogie Diaz