Maiksi ngunit malaman at makahulugan ang naging pahayag ni Elijah Canlas nang matanong siya tungkol sa kasalukuyang estado ng relasyon nila ng ex-girlfriend na si Miles Ocampo.
Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang miyembro ng entertainment press si Elijah sa ginanap na advance screening at mediacon ng High Street, ang sequel ng Kapamilya top-rating youth series na Senior High, noong May 6, 2024, sa SM Aura sa Taguig.
High Street cast and directors
Dito ay nausisa siya kung totoo nga ba ang haka-hakang nagkabalikan sila ni Miles matapos nilang maghiwalay noong November 2023.
“Kumusta na kayo ni Miles?” tanong ng press kay Elijah.
Nakangiting sagot ng aktor, “We’re doing good. We’re very happy.”
Sundot pang tanong sa kanya, “Masaya naman kayo ngayon?”
Bago tuluyang hilahin ng mga nakabantay sa kanyang staff ay nakasagot pa si Elijah ng, “Of course, of course. We’re taking it easy.”
MILES & ELIJAH—A REKINDLED RELATIONSHIP?
Makailang beses nang naiintriga na diumano’y nagkabalikan sina Elijah at Miles, matapos silang maispatang magkasama sa private events.
Sa ulat ng PEP.ph noong May 1, naispatang dumalo si Elijah sa 27th birthday surprise party para kay Miles.
Mismong si Miles pa ang nagbahagi nito sa Instagram nang i-upload niya ang ilang kuhang larawang sa naganap na surprise party na inorganisa ng kanyang mga kaibigan.
Sa dami ng larawang ibinahagi ni Miles, isa ang nakaagaw-pansin sa netizens—ang isang larawan kung saan sweet na sweet sila ni Elijah.
Mas lalo pang naghinala ang kanilang fans nang i-post ni Elijah sa kanyang Instagram Stories ang litrato nila ni Miles, kalakip ang sweet birthday message nito sa dating nobya.
Mensahe ng aktor: “thank you for regularly making all of us smile one way or another, birthday girl. you are always loved”
Unang bahagi ng 2024 nang mapansin ng netizens ang umano’y muling pagkakamabutihan nina Elijah at Miles.
Ito ay base sa larawang in-upload ni A Very Good Girl director na si Petersen Vargas, kung saan kasama niya sina Miles at Elijah, noong March 24, 2024.
Sa nasabing larawan, makikitang nagpa-picture ang ilang kaibigan nina Miles at Elijah.
Kapansin-pansin ding nakayakap si Elijah mula sa likuran ni Miles.
Nangyari ito ilang araw lamang matapos kumpirmahin ni Miles na inaayos na nila ni Elijah ang kanilang relasyong tinuldukan nila noong nakaraang taon.
Sa panayam kay Miles na lumabas sa Frontline Pilipinas noong March 18, 2024, nausisa siya tungkol sa naging bakasyon niya sa Hong Kong.
Tanong ng entertainment reporter na si MJ Marfori kung dito ba ay kasama niya si Elijah.
Sagot ni Miles, “Hindi po. Mga kapatid ko po and parents ko. Family time.”
Sundot na tanong ni MJ, “Kayo na ba ulit [ni Elijah]?”
Maikli ngunit nakangiting sagot ng Eat Bulaga! host: “Let’s see. We’re working on it.”
Tumugma ang sinabi ni Miles sa naging sagot naman ni Elijah sa panayam ng ABS-CBN noong March 12, 2024.
Dito, natanong si Elijah ni MJ Felipe kung parte ba ng kanyang 2024 goal ang paghahanap ng bagong pag-ibig matapos ang breakup nila ni Miles.
Makahulugang sabi ni Elijah: “Looking for love? What if love pa?
“There’s always love within us, right? There’s always love within us… and I have so much love to give, you know.
“Honestly, I have so much love to give. So much love inside of me and I’m willing to give it to anyone who’s willing to accept.”
ELIJAH GRATEFUL TO BE PART OF HIGH STREET AND FPJ’S BATANG QUIAPO
Samantala, sa advance screening at mediacon ng High Street, nagpasalamat si Elijah sa sunud-sunod na blessings na natatanggap niya.
Kabilang na rito ang magkakasunod na proyektong ibinigay sa kanya ng ABS-CBN.
Kasalukuyang napapanood si Elijah sa Kapamilya prime time series na FPJ’s Batang Quiapo, at nakatakda siyang muling magbalik sa upcoming youth series na High Street.
Ano ang pakiramdam na dala-dalawang serye sa ABS-CBN ang kasama siya?
Saad ni Elijah: “I’m very grateful. Super grateful.
“It’s like a dream come true, honestly, to do two shows at once, and pareho pang shows that a lot of people love and value.
“Kaya ayun, I’m doing my best, ginagawa ko po yung best po.
“Marami rin nagtatanong sa akin, kahit si Kuya Coco [Martin], tinatanong ako na, ‘Kaya pa?’
“Sinasabi ko naman na, ‘Oo naman po, kayang-kaya pa.'”
ELIJAH CANLAS ON ANDREA BRILLANTES
Sa puntong ito, isang reporter ang sumundot ng tanong na may kaugnayan sa pagkaka-link noon ni Elijah sa High Street co-star niyang si Andrea Brillantes.
Tanong ng reporter, “Hindi ka ba nagkaroon ng second thoughts na tanggapin itong role mo ulit sa High Street kasi nagkaroon ng issue sa inyo ni Andrea? Hindi ba kayo naging awkward dito?”
Mabilis na sagot ng aktor: “Mas nag-worry ako about Kuya Coco, about Batang Quiapo, kasi nag-invest na po sila ng time sa akin.
“We did workshops, we’ve been doing stunt trainings.
“And, ang worry ko lang is, baka hindi magustuhan nila Direk Coco na may ginagawa akong ibang show, at the same time baka isipin nila na hindi ko po kayang mag-focus.
“But, si Kuya Coco mismo nag-push sa akin na, ‘Gawin mo yan, Elijah. That’s good. Hanapbuhay yan. Malaking bagay din yan.'”