Inanunsiyo ng Professional Regulation Commission (PRC) noong Martes, Mayo 14, 2024, na 7,749 mula sa 11,116 na kumuha ng Philippine Nurses Licensure Examinations ang nakapasa sa pagsusulit na naganap noong Mayo 6 at 7.
Kabilang sa mga nakapasa ang 52-year-old at dating bold star na si Elizabeth Bonzo Ramirez, na higit kilala sa kanyang screen name na Lala Montelibano.
Sa listahan ng mga pumasa na inilabas ng PRC, makikita sa numero 6027 ang pangalan ni Lala.
Maligayang-maligaya si Lala dahil kahit lola na siya, natupad ang kanyang pangarap maging registered nurse.
Ang TV5 news anchor at broadcast journalist na si Julius Babao ang gumawa ng paraan para makapag-review at makapagsulit sa Nurses Licensure Examinations si Lala.
Ipinakilala ni Julius ang dating bold star kay Carl Balita, ang may-ari ng Carl Balita Review Center.
Binigyan din ni Julius at ng aktres na si Ara Mina ng laptop computer si Lala para may magamit ito sa libreng nursing review na ipinagkaloob ni Carl.
LALA MONTELIBANO IS NOW A REGISTERED NURSE
Ganap nang registered nurse si Lala dahil nakapasa siya sa Philippine Nurses Licensure Examinations tatlong buwan matapos ang pagtulong sa kanya nina Julius, Ara, at Carl.
Lubos ang pasasalamat ni Lala sa lahat ng mga tumulong para matupad ang kanyang pangarap, at ibinahagi ito ni Julius sa kanyang Unplugged YouTube Channel.
Madamdamin ang pasasalamat ni Lala.
Mangiyak-ngiyak na sabi niya, “Nabuo ako. Nabuo ang isang part ng nawawalang puzzle sa buhay ko.
“Isang bold star na ngayon RN [registered nurse] na. Thank you po. Thank you Jesus.
“Sabi nga ng Panginoon, yung mga nasa ibaba, itataas. Talagang salamat po Panginoon.
“Salamat sa mga may puso na kagaya nina Sir Julius, Dr. Carl, Miss Ara Mina na tumutulong sa mga nangangailangan.
“Thank you, Jesus, thank you for these people. May you bless them,” pasasalamat ni Lala.
LALA MONTELIBANO: VICTIM OF EXPLOITATION
Biktima ng exploitation si Lala noong kabataan niya dahil 13 years old lamang siya nang pumasok sa showbiz at pinilit na pinaghubad sa mga pelikula.
Ang pumanaw na talent manager na si Rey dela Cruz ang nakadiskubre kay Lala.
Nakiusyoso si Lala sa libing ng nagpakamatay na bold star na si Pepsi Paloma sa Olongapo Memorial Park, sa Olongapo City, noong Hunyo 8, 1985.
Sinadya ni Lala na pumunta sa araw ng libing ni Paloma para mapansin siya ni Dela Cruz dahil gustung-gusto niyang mag-artista.
Nagtagumpay si Lala dahil nakuha niya ang atensiyon ni Dela Cruz, na pinaghubad siya sa edad na 13 sa mga bold movie noong dekada ’80 tulad ng Paano ang Aking Gabi?, Halik sa Pisngi ng Langit, Ulan, Init at Hamog, at Lala.
Hindi lamang si Dela Cruz ang umabuso sa kainosentehan at kabataan ni Montelibano dahil biktima rin siya noon ng pananamantala ng kanyang adoptive mother na pinagkakitaan siya kesa bigyan ng magandang kinabukasan.