Danica Sotto, napikon sa cheating allegations tungkol kay Marc Pingris

Danica Sotto-Pingris: “The whole thing was na-misinterpret.”

Aminado ang aktres na si Danica Sotto-Pingris na napikon siya sa lumabas na cheating allegations laban sa asawa niyang si Marc Pingris.

Matatandaan na na-link kamakailan si Marc sa aktres na si Kim Rodriguez. Ito ay matapos mag-post ang dating PBA star player ng picture sa Sydney, Australia, Napansin naman ng netizens na nasa parehong lugar sila ng aktres.

Agad na itong nilinaw ni Marc sa pamamagitan ng social media post, kung sinabi niyang walang katotohanan ang lumabas na balita tungkol sa kanila ni Kim.

Sa Updated with Nelson Canlas podcast, sinabi naman ni Danica na hindi niya nagustuhan ang pagtahi-tahi ng mga tao ng kuwento. Aniya, kasagsagan noon ng issue kay Mark ng mag-post siya sa kaniyang IG stories tungkol sa betrayal and loyalty.

“Sometimes I post because I like the quote or sometimes… Noong time na iyon, aaminin ko, it was a feeling that I was feeling about someone else, na parang napipikon ako sa isang tao. And that is a person na nangloko sa amin sa negosyo. A person we truly trusted,” paliwanag ni Danica.

Ang naturang post ay ginamit ng tabloid at ikinonekta sa isyu tungkol kay Marc. Dahil dito, hindi na umano nagsalita si Danica dahil nakapag-usap na rin silang mag-asawa.

“Ang sinabi ni [Marc], ‘Siguro kung parang mga quote-quote na ganyan at alam na ma-mi-misinterpret, huwag na lang mag-post.’ Parang gano’n,” pag-alala ni Danica.

Pagpapatuloy ng aktres, “Sabi ko, ‘E, nagpo-post ako ng Bible verse, ano ‘yun, parang iisipin na naman nila patama?’ Parang ganun. So, parang doon pumasok yung communication namin na usap.”

Ayon kay Danica, pinagsabihan na lang din niya ang asawa na mag-ingat sa mga pinupuntahan. Pinaalalahanan din niya ito sa pagiging masyadong friendly o hindi friendly dahil kahit umano wala lang iyon kay Marc, “gagawin ng mga tao, gagawan ng butas, pag didikit-dikitin, tatagpi-tagpiin.”

Muli pa niyang diniin tungkol sa isyu, “Feeling ko the whole thing was na-misinterpret, nabigyan ng malisya, binigyan ng kulay.”

Ayon kay Danica, hindi naman talaga siya affected sa mga isyu dahil sanay na siya industriya.

Pero aniya, “Siyempre, napikon ako, ‘ pag anak mo na yung tinitira. May sasabihin na na masama na very very foul na parang… I think yung foul doon is parang may mga sinabi na it’s the karma of my parents.”

Sa ngayon sinabi ni Danica na matapos nilang mag-usap mag-asawa ay nag-move on din sila sa naturang isyu.

Samantala, may image noon si Danica na tila mataray dahil sa kanyang pagiging prangka.

Paglilinaw ng celebrity mom, “I don’t sugarcoat things.”

Patuloy niya, “If I’m asked about something, sasabihin ko pa rin naman ang totoo. Mas maingat na lang ako ngayon. Tapos, again, social media age na, sometimes ang nangyayari, nati-twist.”

Sabi pa ni Danica, kung sa diyaryo noon ay “kung ano ‘yung sinabi mo, ‘yun na ‘yun, walang labis, walang kulang,” ngayon ay nati-twist na ng social media ang mga bagay-bagay.