Double victory ang nakamit ni Melar Claire Romero sa pageant na ginanap sa Nueva Vizcaya Convention Center noong gabi ng May 24, 2024.
Ang 22-year-old pambato ng Munisipalidad ng Diadi ang nagwagi bilang Saniata Ti Nueva Vizcaya (Muse of Nueva Vizcaya).
Nagwagi rin siya sa social media dahil nag-viral ang kanyang funny antics, lalo na ang fangirling moment kasama ang celebrity guest na si Ian Veneracion.
Labing-apat na kandidata ang nagtagisan ng ganda at talino subalit standout talaga si Melar.
MELAR CLAIRE ROMERO SCENE STEALING MOMENTS
Sa ginanap na grand coronation night ng pageant, nag-perform bilang special guest si Ian, kunsaan hinarana niya ang mga kandidata.
Nang awitan isa-isa ni Ian ang mga candidates sa stage, hindi naitago ni Melar ang kilig to the point na hindi siya nagdalawang isip na yakapin si Ian nang paulit-ulit.
Bonus points pa na kinarga siya ng aktor at napalambitin si Melar sa leeg ng matangkad na aktor!
Bata pa lamang daw si Melar, crush na niya si Ian. Kaya nang magkaroon ng pagkakataon na mayakap ito, hindi na siya nagpigilan ang sarili.
Sa kanyang panayam sa Vizcaya Reporter, sinabi ni Melar na nawala ang ulirat niya nang makita ang aktor.
“Sa totoo lang, iniisip ko talaga noon kung mag-po-poise ba ako o lalapit ako.
“Kasi yung nanay ko po, nakatingin sa akin, sabi niya, ‘Anak, mag-poise ka,’ pero ako po, di ko po talaga napigilan. Crush na crush ko po talaga si Sir Ian. Hindi ko na pinakawalan!” nakatutuwang lahad ng dalaga.
Pero pinabilib din ni Melar ang mga manonood dahil sa husay niya sa question-and-answer portion.
Sa Q and A portion, tinanong siya kung handa ba siyang gumawa ng mali para lamang itama ang maling ginawa ng kanyang minamahal.
Sagot ni Melar (published as is), “Mistakes doesn’t define who we are. Mistakes are just learnings based from our own experiences.
“If I were to commit a mistake from the one who I truly love I would rather not commit it because if I will commit his mistake, it means that I don’t want him to grow. I don’t want him to be the best version of himself and I believe mistake is the best thing that we can learn in life.”
MELAR’S ICONIC CROWNING MOMENT
At naging kakaiba rin ang crowning moment ni Melar.
Noong i-anunsiyo ang winner, sina Melar at Miss Bayombong na lamang ang natitira sa stage. In short, isa sa dalawang ladies ang winner at ang isa naman ang first runner-up.
Ang naging ending: Si Melar ang reyna at si Miss Bayombong na si Athena Lodevico ang first runner-up.
Subalit imbes na takpan ni Mela ang mukha habang umiiyak, gulat na gulat ang dalaga.
Naglakad siya sa unahan ng entablado at nag-pose-pose, pero tila hindi siya makapamaniwala na siya talaga ang nanalo, at paulit-ulit siyang sinabihan ng audience.
Hindi raw talaga niya inasahang siya ang mananalo. Nalito rin daw siya dahil karaniwang unang tinatawag ang winner bago ang first runner-up.
“Hindi ko po ine-expect. Actually, sabi ko po talaga noong awarding, ‘Lord, kahit anong place ko magiging prepared po ako kasi alam ko pin-repare mo ako kung anuman ang ibibigay mo sa akin,’” kuwento niya.
Maliban sa titulo, si Melar din ang magiging Ambassador of Goodwill and Tourism ng lalawigan.
Sa huli, ngiting wagi ang pinakawalan ng newly-crowned Saniata Ti Nueva Vizcaya 2024 dahil sa tamis ng kanyang double victory. Slay!
NOTABLE CELEBRITIES AND OTHER PAGEANT WINNERS
Maliban kay Ian, present din ang celebrities na sina Pauline Amelinckx (Miss Supranational 2023 first runner-up), Jojo Bragais (Miss Universe Official footwear designer), Lars Pacheco (Miss International Queen Philippines 2023), at iba pang tanyag na pangalan sa pageantry.
Itinanghal na fourth runner-up si Kyla Monique R. De Castro ng Dupax Del Norte; third runner-up si Sharmaine Joyce Alilin ng Kasibu; second runner-up si Raeley Jane Vilaray ng Aritao; at first runner-up naman si Athena Lodevico.
Ang pagkakahirang kay Melar bilang winner ay ang ikalawang koronang natanggap ng Diadi mula sa pageant.
Ang unang victory ay nasungkit ni Chelsea Claro noong 2017.