Mikee Quintos says faith journey of boyfriend Paul Salas strengthens their relationship

Very proud si Mikee Quintos, 26, sa pagpapa-baptize ni Paul Salas, 25, bilang isang born-again Christian.

Ipinost ito ng Paul noong January 4 ng taong ito, at isa si Mikee sa nagbigay ng malaking suporta sa napakaimportanteng kaganapang ito sa buhay ng nobyo.

Pahayag ng Kapuso actress, “Yes, I’m very proud of him sa part na yun.

“And itong journey niya sa faith niya, honestly, di ko alam kung in-open niya, I can see pressure lalo na ang daming comments outside na mga tao.

“Hindi lahat ay naiintindihan. You know, religion is a very sensitive topic.

“I’m very proud how he’s handling it. He’s going through with his purpose, and I’m always here to support him lang.”

Malaking factor nga raw siya sa buhay ni Paul kung bakit nagdesisyon itong magbalik-loob sa Panginoon.

Napangiting sabi ni Mikee, “Sinasabi nga niya.

“Medyo hirap akong paniwalaan ang part na yun, pero I always tell him na kahit ako yung nagdala sa kanya doon, desisyon pa rin niya at the end of the day, e.

“So, huwag niya ibigay sa akin ang credit. Nasa pagdedesisyon niya yun, kaya sa kanya pa rin yun.”

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ng entertainment columnist na si Lito Mañago si Mikee sa get-together ng would-be image models ng Lois Jeans Collections nina Victor Siasat at Dody Arcaya noong Miyerkules, March 31, 2023, sa Poblacion, Makati City.

Kasama ni Mikee ang iba pang young stars na sina Angelika Santiago, Matthew Uy, Timothy Chan, at ang reigning Miss Earth Air 2023 na si Yllana Marie Aduana.

Dahil nga raw sa kanilang relihiyon, mas lalong tumibay ang relasyon nila na magtatatlong taon na ngayon.

“Okey naman po. I’m very happy,” saad ni Mikee nang tanungin ng PEP.ph kung paano sila naglalaan ng panahon sa isa’t isa.

“Paul has been having a lot of out-of-town shows, so healthy yun sa isang relasyon, di ba?

“Dapat nami-miss niyo rin ang isa’t isa minsan.”

Mas solid nga ba ang relasyon nila ngayon kaysa dati?

Ani Mikee, “We try.

“Siguro, hetong time na magti-three years na rin kami ni Paul, like what I said before, every away namin, we see it as an opportunity to grow with each other as a team.

“And his wins are my wins, my wins are his wins, so happy namin kami.”

ON WORKING WITH NORA AUNOR

Samantala, ipinagmamalaki ni Mikee ang Lilet Matias: Attorney-at-Law, ang GMA Afternoon Prime series, na magsisilbing reunion project niya with Superstar Nora Aunor at Kapuso actress na si Jo Berry.

Una silang nagkasama-sama sa seryeng Onanay noong 2018.

“It’s been like six or seven years, and right now, nung nakapagkuwentuhan kami nang konti ni Mama Guy, narinig ko na labas-masok nga raw sa hospital lately.

“Kita mo na ang difference, pero nandun pa rin yung warmth niya, kita mo yung passion niya talaga sa acting.

“Ang sarap na makabatuhan ulit siya ng linya.

“And nakaka-proud. Idol talaga si Mama Guy. Grabe at her age.

“Sana maging ganoon ako. Sana nga.”

MIKEE ON PLAYING ROLE WITH AUTISM

Excited din si Mikee sa gagampanan niyang role sa serye.

Lahad niya: “May autism po yung character na pina-play ko dito, so it’s big challenge. I really have to do a research. Siguro, a week before, nagpi-prepare na ako.

“Up until that day sa taping, nangangapa ako kung paano ko aatakihin yung autism.

“Ang laki ng tulong ng family friends namin na teacher ng mga special kid, and yung mismong production team.”

Aminado si Mikee na nahihirapan siya sa bagong hamon na ito sa kakayahan niyang umarte.

Sabi niya, “May struggle po talaga. Siguro, mga pang-apat na eksena, na-drain na ako.

“Yung mga pang-five and onwards, humihigop na ako ng lakas na hindi ko alam kung saan nanggagaling.

“Nakaka-drain talaga siya, kasi, di po ba pag special [child], mabilis mag-spike ang emotions na from chill biglang iiyak, ‘tapos iyak biglang tatawa?

“So, yung that kind of struggle, pero kinaya naman.”