A Bea Alonzo-Lolit Solis reconciliation? Hopeful, but really?

lolit solis bea alonzo reconciliation

Magulo talaga ang showbiz, ‘no? Magulo na minsan masaya pero minsan basta magulo lang.

Yung magulo na walang iniiwang saya.

Sa Bea Alonzo-Lolit Solis-Shirley Kuan isyu, tingnan natin kung anong klaseng gulo ang naganap.

Full disclosure, kilala ko silang tatlo.

Si Bea, pinuntahan ko na sa bahay niya para sa kanyang first house shoot at para sa malalimang interview para sa YES! Magazine noon at nakaka-Zoom ko sa ilang interviews ng PEP.ph at Summit Media ngayon.

Tingin ko sa kanya, para siyang isang Vilma Santos—parating polite, charming kahit pagod, maganda ang manners, may disiplina. Thirty-six pa lang, pero old-school movie star ang datíng. Hindi mapapahiya sa kanya ang industriya ng showbiz. Tuloy, marami ang may goodwill para sa kanya na abot hanggang sa buhay pag-ibig.

Si Lolit, kilala ko noon pang late ’70s dahil kay Douglas Quijano—ang walang katapat na yumaong Tito Dougs, na nagpakilala rin sa akin sa dalawang taong komportable ako kahit nagkaiba kami ng politics, ang mag-asawang Goma at Lucy, at pati na sa buong cabal ng gifted actors and actresses na kanyang pinatanyag—at bagamat minsa’y nakabanggaan ko na big-time si Lolit, yung klase na hindi nag-uusap nang ilang taon, nitong Mayo ay niyakap ko siya sa kanyang 76th birthday celebration na puno ng katribo niyang reporters at editors.

Kasundo ko ang marami sa katribo ni Lolit. Hindi lahat, pero marami. Gaya nila, nakita ko ang kabutihang loob ng isang Lolit Solis sa likod ng type niyang image na manghaharbat, maldita, at loka-loka. Si Lolit, kung mahal ka niya, sugod mga kapatid yan para sa iyo. Yun lang, kundi ka niya mahal, parusa.

Si Shirley Kuan, aka SK, nagustuhan ko na sa unang pagkikita pa lang. Mabilis mag-isip pero nakikinig, mahusay sumagot ma-Ingles man o ma-Tagalog—saan ka pa? Bihira ang manager na kabisado ang celebrity-endorsement business, marunong magbasa ng kontrata, at resonable ka-deal. Siya yun.

Minsan nasabi kong masuwerte si Bea sa kanya. Ngumiti, pero sinabi niyang masuwerte rin siya kay Bea dahil “masipag, magalang, at matalino na bata.” Ibig sabihin, hindi siya naii-stress sa kliyenteng A-lister.

Maidagdag ko na rin: pareho ang mga mata nina Bea at SK—malinaw, madaling mabasa, hindi ka maiilang na may hindi ka napi-pick up.

Nang nagkagulu-gulo silang tatlo, naguluhan din ako.

ANG MATAGAL NANG KUSOT

Unang salvo ay galing kay Lolit—media at manager, isang unholy alliance para sa dyornalismo pero SOP sa showbiz.

Unholy dahil, kung manager ka, binabayaran ka para alagaan, isulong, depensahan ang artista mo. Kung media ka, kelangan libre ka sa mga ganyang paid transactions para maging patas ka dahil ang puhunan mo rito kredibilidad.

Tanungin ang sarili: Paano mapagsasabay ang dalawang iyan? Kung may kaaway ang artista mo, kaya mong ibigay ang panig ng kaaway? O isi-set up mo nga pero gibang-giba pa rin sa dulo? Kaya mong hindi tirahin ang kaagaw sa trono ng alaga mo? Kaya mong tingnan ang alaga mo at i-profile ang kamalian at kakulangan nito?

Palagay ko hindi. Ilusyon mo lang ang isiping oo. Pero, ibang isyu pa yan para sa ibang araw na.

Dito muna tayo kina Lolit, Bea, SK.

May forum, may following, at may clout si Nay Lolit—na siyang marespetong tawag sa kanya ng halos lahat—at sa hanay ng talent managers, may stature bilang isa sa mga huling showbiz oldtimers.

Last of the Mohicans, kumbaga.

Late 2021, kababalita lang ng paglipat ni Bea mula ABS-CBN patungong GMA-7, mula Star Magic papunta kay Shirley Kuan.

Konting paglilinaw muna: Naglilipatan ng network noon ang ilang artista, hindi dahil gusto lang ng career change. Kundi dahil kinawawa sila ni Duterte, noo’y Presidente ng Pilipinas, nang pagbenggansahan nito ang Kapamilya network. Pagkawala ng prangkisa ng ABS-CBN, na nasa kamay ng mga Duterte congressmen, nabasa ng mga artista ang writing on the wall.

Ayun, palipat si Bea, 2021. May negatibong social media feed agad si Lolit. Wala pa ang Beautederm incident, sa susunod na taon pa yun, 2022.

Kaya di mo mawari kung saan nanggagaling ang panlalait ni Lolit kay Bea.
Hindi naman malapít si Lolit sa ABS-CBN; mas GMA-7 siya. Kaya hindi maaaring nagmamalasakit lamang ito sa maiiwanang network.

Dagdag pa, walang anumang history sina Lolit at Bea.

Liban sa nakatrabaho ni Bea ang ilang artistang hawak ni Lolit, kasama sina Lorna Tolentino at Christopher de Leon, na kasundo pa niya; at liban sa minsang nagkasama sina Lolit at Bea sa blessing ng Vera Grace farm ni LT, na pareho nilang hindi matandaan kaya panay ang sabi nila ng “Hindi pa kami nagkikita” at “We’ve never met.”

Liban sa mga ito, hindi talaga masasabing magkakilala ang aktres at ang manager. Walang encounter, walang insidente, walang isyu.

Kaya katakataka ang entries ni Lolit sa Instagram. Idinaan muna ito sa pagkukumpara kay Bea Alonzo, homegrown Kapamilya, at kay Marian Rivera, homegrown Kapuso.

Nobyembre 5, 2021, mula sa @akosilolitsolis Instagram (published as is):

“Ewan ko kung biased lang ako, or baka iba ang standard of beauty ko, Salve. Pero lahat ng nagtanong sa akin kung kanino ako mas nagagandahan between Marian Rivera at Bea Alonzo , lagi ang pinipili ko si Marian Rivera. Kasi nga I find Marian more beautiful lalo na pag naka smile, parang sincere na sincere at sweet na sweet ang ngiti niya. Saka lagi ko siya nakikita na wala pang make up,nakatali lang ang buhok, at iyon parin, beautiful parin siya. Saka para siyang si Lorna Tolentino nuon bata pa , na puwede heavy at light make up, sweet look o sophisticated, very dramatic face nila. Saka si Marian parang hindi tabain, kasi 2 na ang anak pero hayun parin ang katawan, perfect shape parin. Well, puwede sa iba ang choice nila si Bea Alonzo, pero ako kay Marian Rivera. Classic ang beauty niya, at lalo nang mawala ang defense mechanism niya dati na parang meron siyang wall sa ibang tao, mas lalo siyang gumanda. Iyon soft glow ng personality niya lumabas. Saka mas nadama mo iyon pagiging natural niya. Malaki talaga ang nagawa ng inner peace at happiness kay Marian, mas lalo siyang gumanda. Kaya duda ako sa sinasabi nila na maagaw ni Bea Alonzo ang korona kay Marian Rivera. Mahihirapan kahit sino na kunin ang puwesto niya. May matatag siyang hari, si Dingdong Dantes, tapos meron ng prinsesa si Zia, prinsipe si Ziggy, kumpleto. Paano maagaw iyan ? Mahirap di bah? Uwian na, may nanalo na, hah hah hah. Wala ng laban !!”

Sinamahan ito ni Lolit ng litrato ng isang napakagandang Marian Rivera. Umani na ito ng 2,313 likes.

Pagpasok ng Beautederm incident—mamaya, mas lilinaw—bandang Marso 2020, lalong napalalo si Lolit.

March 23, 2022 (published as is): “Sana kung feeling niya maganda siya, maganda din pati ang ugali niya para perfect at hindi magkaruon ng wrinkles sa inis ang kanyang face. Sana mapatunayan niya na better siya kesa kay Julia Barretto para hindi siya na ghosting ni Gerald Anderson. At sana masagot ang naraming SANA sa buhay niya para maging Beautederm siya forever . Bongga”

June 25, 2022, si Lolit (published as is): “Tandaan mo, 2 beses kang na-ghosting ni Gerald Anderson, so meaning, kulang parin ang ganda at powers, wala parin nagawa ng iwanan ka. Huh huh huh!!! [crying emoji]”

Tuluy-tuloy, palala nang palala. August 21, 2022, si Lolit uli (published as is):

“Hay naku, talagang nakaka alis ilusyon ang nagaganap na discovery ngayon kay Bea Alonzo . Iyon mukha siyang matanda, maraming wrinkles, laylay mga bilbil, mukhang losyang na laos na star, at marami pa after iwanan siya ni Gerald Anderson para sa mas bata at magandang Julia Barretto. Dapat talaga nagkaruon agad ng saving releases para lumabas na bida si Bea after the break up. Kailangan sa ganitong sitwasyon meron team Bea Alonzo para sa back up ng image ni Bea. Hayun nauna tuloy iyon question, ‘bakit iniwan ? Hindi worth it?’. Image building sana inasikaso kesa consulting a lawyer, simple management issue ng isang publicist. Wrong move Salve at Gorgy, no amount of meet and greet, kung wala naman planning ang management niya will save Bea Alonzo sa pagka laos pag ganyan takbo ng career niya. Tell me if I am wrong ? Bongga”

Sa Instagram posts, pinaghalong-kalamay ni Lolit ang mga banat. Meron sa career, meron sa love life, meron sa itsura. Panay tira sa kung ano ang maisip: edad, mukha, braso, tiyan, balat, nawalang boyfriend, manedyer, at kung maubusan, balik uli sa edad.

Matay ko mang isipin, hindi tama.

Edad ang isyu?

Na parang kasalanan ang magdagdag ng taon. Mali ang mundo, dapat Benjamin Button/Brad Pitt lang ang peg? Ang artista ay “losyang na laos” kapag umabot ng trenta? At talagang iiwanan ng boyfriend dahil meron diyang “mas bata at magandang Julia Barretto”? Balewala ang gumagaling sa acting. Pagandahan, kabataan lang ang laban.

Kaya naman pala napakaraming insecure sa showbiz.

At hindi ito insulto sa sarili? Hindi nagkakaedad ang nag-Instagram?

Pero, ang mas isyu pa: Ginagamit mo ang pagka-media mo para insultuhin ang isang artistang hindi mo type, at habang ginagawa mo ito, nakukuha mo pang humalakhak?

At meron ka pang enablers sa tabloid at socmed? Ano iyan—kuyog? Asal ng pack? Asal ng tumatanda na walang kinatandaan? O simpleng masamang asal?

Nang lumaon, inamin ni Lolit na ang gusto talaga niyang banggain ay si SK. Magkasama sila noon sa PAMI (Professional Artist Managers, Inc.), ngunit sa bandang huli—dahil na rin dito sa pamba-bash kay Basha—nag-resign si SK at itiniwalag si Lolit.

Pero hindi hinaharap ni Lolit si SK. Ang pinupuruhan niya ay si Bea, ang bagong hawak na artista ni SK.

September 29, 2022, sige pa rin si Lolit, published as is: “Mukhang tita Bea si Bea Alonzo kaya mas maganda pang si Yasmien Kurdi na lang sana ang nilagay sa role niya na kitang kita mo na talagang mukhang haggard na si Bea Alonzo… Siguro kundi si Bea Alonzo ang kasama ni Alden, baka bonggang bongga sana ang resulta ng Start Up PH. Baka mas mataas rating at lalong dadami everyday dahil maganda ang pagkakagawa.”

Dagdag pa nito: “Pag wala naman star power, dapat mabait noh, huwag maarte.”


THE BEA ALONZO CAMP HEADED BY SK

Never binalikan ni Bea si Lolit.

Nang hingan ng PEP.ph si SK ng panig ng actress/host/singer/endorser, sinabi nitong nanatili na ngang tikom ang bibig ni Bea, pinigilan pa siyang magsalita. Pina-promise raw siya.

Sabi raw ni Bea: Matanda na si Nay Lolit at may sakit pa, huwag na tayong sumagot, huwag na tayo maging dahilan nang paglala ng sakit niya, hayaan na natin.

Si Lolit noon ay nangangailangan na ng dialysis.

Humanga na naman si SK kay Bea. “Makikita mo may breeding,” sabi nito sa akin.

Pero siya mismo, nagdidilim na ang paningin. Sa tradisyon ng talent managers, sila ang first at last line of defense kapag kinukuyog ang artista, pero hindi siya makadepensa, nag-promise siya.

Totoo ka, kung may kumanti sa alin man sa mga sumusunod—Boyet at Sandy, Bong at Lani, Amy, LT, Alfred, Tonton at Gladys—tiyak yan, attack mode na ang Nay Lolit nila bilang dakilang manager.

Di lang iyan, pinakilos na nito ang mga katribo.

Sa basa ni SK, kung tatapatan niya si Lolit, lalo lang mapupuruhan si Bea. Artista niya ang kawawa. Tuloy, hindi binakli ni SK ang promise.

Samantala, ang sunud-sunod na panlalait ni Lolit kay Bea ay hindi na kayang ibalato. Hindi na kasi siya simpleng kanti o pasaring o patutsada, hindi na simpleng kamalditahan, hindi na madadaan sa tawa at abswelto.

Paninirang puri na. Ikasisira na ng career. Ikasisira na ng ulo.

Kung tawagin kang “jinx” kay Alden—na may nakakainggit na record sa box-office at sa ratings—hindi maaapektuhan ang producers? At sakaling dumikit sa artista yang label at mahina-hina ang loob nito, maaaring depression na ang inabot o nanamlay na sa showbiz.

Pero masaya pa ring pinagkakalat ni Lolit na “jinx” si Bea kay Alden, kaya raw ang unang exposure ng aktres sa Kapuso network, ang Start Up nila ni Alden, ay bagsak. Kawawa naman daw si Alden, dapat mas bata ang ipinartner.

Samantala, ilang showbiz reporters na hindi katribo ni Lolit ay napaisip.

Teorya ng ilan: Gusto lang ni Nay Lolit maging relevant. Walang maisulat, e, di gumawa ng kuwento. Nag-succeed naman siya kasi ngayon pinag-uusapan siya. Kilala niyo naman ang ugali nun. Kita mo, titigil din yan pag nagsawa o napagod. Mag-aapologize pa yan. Wag lang sasagot si Bea, kita mo, mag-aapologize yang si Nay Lolit.

Conclusion naman ng iba: Hindi, kulang yan, hindi yan ganyang kasimple. Ginawa ito ni Nay Lolit nang may plano. Gusto niyang lalong madikit sa kampo ni Marian! Oo, si Marian. Kahit sabihing walang alam si Marian dito, pakulo yan ni Nay Lolit para kay Marian!

Giit nila: E, di ba, si Marian ang reyna sa Kapuso? Ngayong pumapasok si Bea—na mas malaking box-office star sa big screen at di pahuhuli sa mga TV series na nagri-rate—panggulo ito sa trono. Kaya kahit sabihing secure si Marian sa poder ng Kapuso at kuntento sa buhay-pamilya, may magbubulong—Kita mo, magandang nasa kampo mo si Nay Lolit?

Kawawang Marian, nadamay na.

Tila likas na magulo ang showbiz, ‘no?

Umabot sa puntong napuno si SK. Hindi naman talaga kahabaan ang pasensiya ng mestizang Inglesera, kaya hayun, lumarga.

Kinatok ang mga bossing ng GMA-7. Inalam kung paano nangyaring ang isang talent manager at kolumnistang dikit sa network ay hinahayaang tira-tirahin ang isang artistang nasa stable nila.

Sinabi rin nitong walang kelangang imbestigahan pa. Proud raw na nagba-byline sina Lolit at mga katropa.

Kumilos ang mga bossing behind the scenes, at tila humupa ang social media assaults kay Bea.

Pero tuluyan nang nagdilim ang paningin ni SK. Noong October 10, 2022, dagliang nagpainterbyu ito sa PEP.ph. Mahaba at mainit, ang interbyu ay lumabas bilang four-part video ng “PEP Exclusives.”

Dito ay diretsahang tinawag ni SK si Lolit na “bully.”

Ilang araw matapos nun, October 14, 2022, naglabas ng official statement ang GMA Network. Dito ay binackapan ng network si Bea:

“Nananatiling buo ang suporta at pagpapahalaga ng GMA Network kay Ms. Bea Alonzo bilang isang aktres at aming Kapuso.

“Masaya kami sa magandang pagtanggap ng Filipino audience sa Start-Up PH at sa mahusay na pagganap ni Bea sa kaniyang role katambal ni Alden Richards.

“Nagpapasalamat kami sa fans, supporters, at followers ni Bea at ng GMA Network sa patuloy na pagmamahal.”

Ipinakita rin ng network na disturbed ito sa nangyaring pagkuyog kay Bea:

“Wala sa kultura ng Kapuso ang paninira sa kahit sino man at hindi rin namin pinapayagan na pagsalitaan ng hindi totoo ang aming mga artista at programa.

“Maliit ang industriya ng show business, hangad namin ang masaya, mabuti, at maayos na pakikitungo sa bawat isa.”

Dito na tumigil ang social-media assaults kay Bea Alonzo.

TWO BEAUTEDERM INCIDENTS

Balikan natin ang Beautederm, na skincare product line. Involved ito sa dalawang showbiz incidents: March 2022 at November 2023.

Iginiit ni SK sa PEP.ph video na nagsimula ang birada ni Lolit kay Bea sa Instagram noon pang 2021.

Kaya nang nagplano raw ng March 2022 presscon ang Beautederm para kay Bea, hindi niya pinaimbitahan ang tatlong alam daw niya’y nasa likod ng mga birada: Lolit Solis, Salve Asis, Gorgy Rula.

Endorser si Bea ng brand; sina Lolit at katropa ay malapít na press sa brand owner, si Rhea Tan.

Nilinaw ni SK na wala siyang ipinatanggal sa listahan ng presscon. Dahil, nang nagsabi raw siya sa organizers na huwag imbitahin ang tatlong ito, ni wala pa raw ibinibigay sa kanyang press list.

Pero hindi niya itinangging ayaw niyang makita sa presscon ang tatlo, may listahan man o wala.

Bilang manager ay hindi raw niya kailanman ipapain ang alaga sa mga lobo.

“No manager would throw his or her artist to the wolves in a presscon, you know. No manager worth her salt, by the way.”—PEP.ph video interview with SK, October 2022.

Matapos ang March 2022 presscon incident, lalong nag-spike ang birada ni Lolit at mga katropa kay Bea.

Nagtagal ng isang taon.

Natigil ito nang maglabas na nga ng official statement ang GMA Network, Oct. 14, 2022.

Pero hindi pa riyan natapos ang istorya. Pagkalipas ng isang taon, noong November 25, 2023, may Beautederm event na naman.

Dito ay mukhang nag-iba ang ihip ng hangin.

May malaking birthday party si Rhea Tan sa Luxent Hotel sa Timog Avenue. Malinaw siyempre kay Rhea—na mukhang at home na at home sa showbiz—kung sino mga imbitado niya.

Bet ko na tiniyak niyang magsasabay nang gabing iyon sina Bea at Lolit. At bet ko rin na alam niya ang balak gawin ni Lolit.

Habang iniinterbyu si Bea ng press bandang centerstage, ayun at biglang lumapit si Lolit. Naroon na si Lolit Solis sa tabi ni Bea Alonzo. Nakabuntot si Rhea. Nakatanghod ang press.

Malinaw sa PEP.ph video na walang alam si Bea sa mangyayari. Ang ibang kasamahan ni Lolit ay wala rin palang ideya. Pinigilan pa raw ni Gorgy si Lolit nang akmang lalapit ito kay Bea. Pero determinadong lumapit si Lolit.

Gusto nitong mag-apologize kay Bea.

Natuloy ang apology. Face to face sila ni Bea, inches lang ang layo nila sa isa’t-isa, at in full view sila ng media.

Halatang nabigla si Bea.

Pero, tama si SK tungkol sa artista niya: may breeding.

Wala itong ipinahiya, hindi tumalikod, hindi umismid, hindi nagreklamong inambush siya, hindi nagsabing sinet-up siya ni Rhea, na di umaalis sa camera frame at tuwang-tuwa sa kanyang “best birthday gift ever!”

Kahit na, kung ginawa ni Bea ang alin man diyan, kakampihan siya. Ipunin lang ang mga insultong inabot niya sa Instagram, kakampihan siya.

Pinipilit ng press magsalita si Bea. Agad-agad. Humingi ng konting palugit si Bea; nangyari ang nangyari ilang mga segundo pa lang, sabi nito.

Ang ending, sinabi ni Bea na wish niya talaga para kay Lolit ang “good health.”

Hindi siya nagpaka-fake—hindi siya yumakap, humalik, nagbeso. Hindi siya nag-iiyak at hindi siya nagtatawa.

Composed, nakatayo sa lugar niya, suot ang isang black dress na may nakaka-distract na mga butas. As always, ang ganda ng mukha niya.

Iniwan niyang naka-cross ang arms niya sa kanyang harapan, na isang protective gesture kapag may nangyayari sa iyong iniintindi mo pa. Tinouch ni Lolit ang arm ni Bea. Hindi lumayo si Bea pero hindi siya nag-extend ng arm in return.

Nagsabi uli si Lolit na gustung-gusto niya mag-apologize. Sinsero si Lolit, tingin ko. Hindi madali kay Lolit humingi ng tawad. Tingin ko gusto niyang linisin ang slate. Tanggalin ang masalimuot sa buhay niya.

Ngayong tuwing Martes at Biyernes ay nagda-dialysis siya, at ngayong madalas niyang sabihin, “Handa na ako,” palagay ko gusto rin talaga ni Lolit ng peace, at last.

Tingin ko, tingin ni Lolit ay dapat may magbago na sa buhay niya.

Mahal ko si Lolit, kahit parang iba ang takbo ng isip namin, kaya sana nga, harinawa.

Pero, siyempre, kung ikaw ay diehard Bea fan, maiisip mo: Ganoon lang? Matapos mong insultuhin ang idolo namin mula ulo hanggang puso hanggang paa, nang isang buong taon, ganoon lang? Isang sorry ka lang?

Nasa kanila nang tatlo—Lolit, Bea, SK—kung ano ang susunod na kabanata.

Ang akin lang, sana wala nang mga manufactured gulo, sana wala nang masasagwang sinasabi, sana wala na yang mga nakakabawas sa pagkatao.

Itigil na ang mga gulong walang iniiwang saya.