A detailed look at ABS-CBN’s stance on MTRCB’s 12-day suspension of ‘It’s Showtime’

It's Showtime 12-day suspension by MTRCB

Sa ngayon ay tinanggap na ng ABS-CBN ang hatol ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na suspendihin ang It’s Showtime.

Ayon sa Kapamilya Network, hindi na ito mag-aapela sa Office of the President sa nangyaring desisyon at sisimulan na ang suspension ng noontime show sa Sabado, October 14, 2023.

Sa statement ng network na nilathala noong October 6, sinabi nitong magbabalik ang It’s Showtime na “stronger and better than ever” sa October 28.

Idiniin din nilang kahit sumunod sila sa suspension order ay patuloy ang kanilang posisyong walang nabaling batas ang programa.

“We respect the authority of MTRCB, but we humbly maintain that the program did not break any pertinent law,” paninindigan ng ABS-CBN.

Nagsimula ang kontrobersiya sa July 25, 2023 episode ng It’s Showtime, sa segment na “Isip Bata.”

Dito ay nakita ang host na si Vice Ganda at asawa niyang si Ion Perez na kumain ng icing ng cake gamit ang kanilang mga daliri.

Matapos nito, nagulat ang marami nang maglabas ang MTRCB ng suspension order laban sa programa noong September 4, mahigit isang buwan matapos umere ang segment.

Ayon sa statement ng government regulatory body, nakatanggap umano sila ng maraming reklamo ukol sa umano’y masagwang pag-arte ng mga host.

“Viewers have lodged multiple complaints before the MTRCB concerning the show’s July 25, 2023 episode wherein the program’s hosts allegedly acted in an indecent manner during one of its segments, Isip Bata.”

Binigyan ng MTRCB ng pagkakataon ang ABS-CBN na magsumite ng isang Motion for Reconsideration (MR) para hindi matuloy ang suspension order.

Nagsumite naman ang network ng Motion for Reconsideration noong September 18, ngunit ito ay ibinasura ng MTRCB noong September 28.

Binigyan ng pagkakataon ng MTRCB ang network na umapela sa Office of the President.

Hindi ito ginawa ng programa at bagkus ay tinanggap na lamang ang suspension ng It’s Showtime.

ABS-CBN’S MOTION FOR RECONSIDERATION

Nakatanggap ang Philippine Entertainment Portal (PEP) ng kopya ng laman ng Motion for Reconsideration ng ABS-CBN.

Ibinasura na nga ito ng MTRCB. Ngunit interesante pa ring basahin kung ano ang posisyon ng ABS-CBN ukol sa isyu.

Sa 16-page document, idiniin ng ABS-CBN na walang nilabag na batas o regulasyon ang It’s Showtime.

Pagdepensa ng ABS-CBN, walang batayan ang MTRCB para suspendihin ang programa. Isang paraan din daw ito ng censorship.

Kinuwestiyon din ng network kung bakit pumanig ang MTRCB sa mga grupong may “homophobic agenda.”

Idinetalye ng ABS-CBN ang mga dahilan ng MTRCB kung bakit ibinaba ang suspension:

  • Una, “suggestive or maybe confusing” daw ang pagdila ng cake icing sa daliri, at ito raw ay magreresulta ng “harm” o pinsala sa mga batang nasa studio at mga nanonood sa bahay
  • Pangalawa, kahit na hindi raw makitaan ng ABS-CBN ng “malicious or ill intent” ang mga host ay balewala ito dahil maraming complaints ang natanggap ng MTRCB
  • At pangatlo, hindi raw masasabing common behavior ng mga Pinoy ang pagdila ng icing sa cake

Narito naman ang tatlong grounds for reconsideration na inihain ng ABS-CBN:

  • Una, walang factual o legal na batayan ang pagsasabing nilabag ng It’s Showtime ang PG o Parental Guidance classification nito
  • Pangalawa, walang factual o legal na batayan para sabihing ang nangyari sa programa ay “indecent” o masagwa, at ginawang may “malicious intent” o may malisya
  • Pangatlo, walang factual o legal na batayan para sabihing makakapinsala ang nangyari sa programa sa mga batang manonood.

THE PG CLASSIFICATION

Sinumang madalas manood ng telebisyon o pelikula ay pamilyar na sa klasipikasyon ng mga palabas: G o General Audience, PG o Parental Guidance, SPG o Strong Parental Guidance, at iba pa.

Ang It’s Showtime ay kinaklasipika bilang PG, dahil na rin sa noontime slot nito.

Sa PG ay pinapayuhan ang mga magulang na bantayan ang panonood ng kanilang mga anak.

Ipinunto ng ABS-CBN ang panuntunan sa Implementing Rules and Regulations ng MTRCB hinggil sa PG Classification.

Ito ay ang mga sumusunod:

  • Theme o Tema – Maaaring magpakita ng mga seryosong topic o issue ngunit dapat ang treatment o presentasyon nito ay nararapat para sa mga batang may edad na mas mababa sa 13.
  • Language o Lenggwahe – Bawal ang mga marahas na pagmumura, o mga murang may kaugnayan sa sex. Bawal din ang mahaba o maraming beses na pagmumura.
  • Nudity – Maaari ang natural na paghuhubad basta walang seksuwal na aktibidad.
  • Sex – Bawal ang pagpapakita ng seksuwal na aktibidad. Maaaring ipahiwatig ang sex basta walang ipakikitang detalye.
  • Violence o Karahasan – Bawal ipakitang maganda o kanais-nais ang mga krimen o mga armas. Bawal magpakita ng detalye ng pag-aaway o mga delikadong technique. Bawal magpakita ng mahaba-habang eksena ng karahasan o paghihirap. Dapat ay may mabuting leksyon sa dulo.
  • Horror – Maaring magpakita ng mga nakakatakot na eksena basta maikli lamang.
  • Drugs – Maaaring ipahiwatig ang paggamit ng droga basta ito ay hindi pinapakita bilang positibo. Dapat ay kailangan ito sa kuwento o sa karakter.

Sa motion for reconsideration ng ABS-CBN, idiniin nitong walang nilabag ang It’s Showtime sa mga nasabing panuntunan.

Ang mga dahilang ibinigay ng programa:

  • Hindi seryoso ang topic ng pagkain ng icing ng cake, bagkus ay ipinakita lamang na katuwa-tuwa ang “pagsimot ng pagkain.”
  • Walang marahas o seksuwal na pagmumurang naganap.
  • Walang hubaran.
  • Walang depiksyon ng sex.
  • Walang ipinakitang karahasan.
  • Walang nakakatakot na eksena, at
  • Walang ipinahiwatig na paggamit ng bawal na gamot.

IT’S SHOWTIME REFUTES “MALICIOUS INTENT” ALLEGATION

Sa desisyon ng MTRCB, sinabi nitong maaaring may malisya sa ginawa nina Vice at Ion.

Dagdag pa nila, ang pagdila sa icing ay “suggestive” at maaaring makapagdulot ng kalituhan at pinsala sa mga batang manonood.

Saad ng MTRCB: “Malicious intent refers to the scheme, without just cause or reason, to commit a wrongful act that will result in harm to another.

ADVERTISEMENT – CONTINUE READING BELOW ↓

“In this case, the said act of licking a cake icing using the fingers or the hosts are suggestive and maybe confusing to the audience and the children who are present on site and/or watching in their homes considering that they are learning these acts from adults and would result in harm to these children.”

Kinontra ng ABS-CBN ang statement na ito ng MTRCB sa kanilang pangalawang grounds for reconsideration.

Una, hindi raw masasabing “scheme” na walang just cause or reason ang ginawa nina Vice at Ion.

Ang nangyari umano ay ginawa para magpatawa sa mga manonood, dahil marami sa mga ito ay natutuwa pag umaarteng sweet at nakakatawa ang dalawang hosts, na kasal na.

“Many of them appreciate it when the hosts act silly and when Mr. Perez and Ms Vice Ganda — who are a married couple — interact with each other in a sweet and funny manner.”

Hindi rin daw mali ang ginawa ng dalawang hosts dahil ang pagdila ng icing sa daliri ay isang normal na aksyon sa mga Pilipino.

“Filipinos of any age bracket or social class would do this spontaneously whether alone or in the presence of others. This may be an offshoot of the Filipino culture of eating with our hands.”

Dagdag pa ng ABS-CBN, hindi raw intensiyon ng mga host na maminsala ng mga manonood, kundi magpatawa lamang at magbigay ng entertainment.

Pangalawa, tinutulan ng ABS-CBN ang pagsabi ng MTRCB na “suggestive” ang nangyaring pagdila ng icing.

Hindi raw nilinaw ng MTRCB kung saan sa mga panuntunan ng PG rating ang inuukulan ng pagiging umano’y “suggestive” ng eksena.

At kung ito man ay sinasabing “sexually suggestive” ay hindi pa rin ito lumagpas sa mga panuntunan ng PG rating.

Kung matatandaan, hinahayaan ng MTRCB ang mga programang may PG Rating na magpahiwatig ng sex basta walang ipapakitang detalye.

“A sexually ‘suggestive; conduct or language is NOT necessarily prohibited under the standards of the PG classification.

“Instead, the Implementing Rules prohibit ‘graphic depiction of sexual activity.’

“In fact, the Implementing Rules expressly provide that ‘sexual activity may be implied but with no details shown,’ meaning that sexual activity may be ‘suggested,’ and it would still pass the PG classification.”

Kinuwestiyon din ng ABS-CBN kung bakit walang ibinigay na dahilan ang MTRCB kung paano naging “confusing” ang pangyayari sa mga manonood.

Tanong ng ABS-CBN: ang pagkalito ba ay dahil sa relasyon nina Vice at Ion?

“What concepts or ideas will the audience be confused about due to the subject conduct? Will the confusion stem from Mr. Perez and Ms. Vice Ganda being a non-binary couple?”

Kung ito man ang dahilan, binigyang-diin ng network na suportado ng publiko ang relasyon ng dalawang host.

“A big portion of the public accept and understand their relationship and there is no confusion that (while they are not a straight couple) Mr. Perez and Ms. Vice Ganda are indeed in a loving committed relationship.”

Pinalagan din ng ABS-CBN ang sinabi ng MTRCB na hindi maaaring sabihin ng network na walang nangyaring masama sa kanilang palabas dahil may mga nagreklamo tungkol dito.

Saad ng MTRCB, “Respondent ABS-CBN may not find fault or malicious or ill intent made by the hosts. However, this is negated by the numerous complaints this Board has received regarding the incident.”

Sagot ng ABS-CBN, hindi sila binigyan ng kopya ng mga nasabing reklamo, at di binigyan ng pagkakataong sagutin ang mga ito, kaya’t labag ito sa kanilang karapatang due process.

Pagkontra pa ng ABS-CBN, hindi dapat maging basehan ng MTRCB ang mga reklamo; dapat ang basehan ay ang batas. At kung pagbabasehan nga ang batas ay walang nilabag ang It’s Showtime.

Isa pang ipinunto ng ABS-CBN ay sakop daw ng freedom of speech sa Konstitusyon ang mga aksyon o salita na maaaring ituring na offensive sa ibang mga sektor.

Dagdag nila, bakit pumanig lamang ang MTRCB sa mga sektor na nagsabing offensive ang naganap, at hindi pinakinggan ang mga sektor na nagsasabing hindi ito masama?

“It is important for the MTRCB to consider both sides of the spectrum in order to distill and have a fuller sense of the applicable contemporary Filipino cultural values,” banggit ng network.

Panghuli, matapang na sinalungat ng ABS-CBN ang anito’y tila pagpanig ng MTRCB sa mga sektor na nag-ingay para sa kanilang mapanganib na agenda na nais tanggalan ng karapatan ang LGBTQIA++ community.

Pahayag ng network: “Lastly, the Honorable Board should take care not to encourage certain sectors that noisily raised concerns about the subject conduct in order to forward their own homophobic agenda.

“A finding that it is indecent for a non-binary couple to share and lick cake icing from their own fingers (albeit NOT licking it from each other’s fingers) sets a dangerous precedent that may unduly prejudice and alienate the LGBTQIA++ community.”

ABS-CBN MAINTAINS CAKE-ICING INCIDENT NOT HARMFUL TO CHILDREN

Sa pangatlo at panghuling grounds for reconsideration na isinumite ng ABS-CBN, kinuwestiyon ng network ang sinabi ng MTRCB na nakakapinsala sa mga batang manonood ang nangyaring pagkain ng icing.

Bakit daw hindi ipinaliwanag ng MTRCB kung ano ang pinsalang ito.

Sinabi rin ng network na mayroon silang resident Clinical Psychologist sa It’s Showtime. Ito ay si Dr. Camille C. Garcia, na gumagabay rin sa “Isip Bata” segment para tiyaking hindi ito makakapinsala sa mga batang co-host.

Ang mga batang co-host sa “Isip Bata” ay sina Argus Aspiras, Jaze Capili, at Princess “Kulot” Caponpon.

Matatandaan ding may pangalan sa showbiz si Dr. Garcia dahil naging isa ito sa mga tagapayo ng dating sikat na palabas na Face to Face sa TV5.

Saad ng ABS-CBN, ni-review umano ni Dr. Garcia ang nangyari sa nasabing segment, at wala umano itong nakitang makakapinsala sa mga batang manonood.

Nilagay ng ABS-CBN sa dokumento ang buong statement ni Dr Garcia:

“This is about the licking of icing incident at Showtime last July 2023 allegedly an indecent act of Vice Ganda

“A person’s individual experience or circumstance shapes his or her perception including that of sexual activity or malice.

“In this case, a person, especially a child, who does not not (sic) yet have sexual awareness will not perceive the act of licking food/icing from one’s finger as malicious or sexual.

“Therefore, the children present during the subject show (who were seven years old and below) and even the children watching ordinarily perceive the subject conduct as sexual or malicious.”

Nag-attach din ang ABS-CBN ng mga sulat ng mga magulang ng tatlong batang co-hosts para patunayang walang nangyaring pinsala sa kanilang mga anak.

“We claim no harmful effects on our children’s well-being the issue happened on that day,” saad ng mga magulang ni Argus.

“I don’t think that the incident regarding the allegedly ‘malicious’ eating of icing during the airing of the program had a significant to my son,” sabi naman ng nanay ni Jaze.

At sabi ng nanay ni Kulot, “Para sa akin, walang malisya at hindi kabastos-bastos ang ginawa ni Vice Ganda at Ion Perez.”

ABS-CBN APPEALS FOR DUE PROCESS AND PRIOR RESTRAINT

Sa huling bahagi ng motion for reconsideration, idiniin pa ng ABS-CBN na na-violate ng MTRCB ang kanilang karapatan para sa due process.

Una, dahil nga hindi raw sila nabigyan ng kopya ng mga reklamong natanggap umano ng MTRCB.

At pangalawa, ayon pa rin sa ABS-CBN, hindi nagbigay ng factual at legal na mga batayan ang MTRCB para sa kanilang mga finding na nagresulta sa suspension.

Hindi raw ito nalinaw kahit noong humarap ang ABS-CBN sa hearing na naganap sa MTRCB.

Sa nasabing hearing, binanggit umano ng mga Board Member ng MTRCB ang pagkain din sa daliri ng iba pang host tulad ni Ryan Bang.

“This raises the question — what conduct is the subject of these alleged complaints received by the Board?

“Is it the general conduct of the hosts of licking food items or is it the more nuanced conduct of Mr. Perez and Ms. Vice Ganda towards each other?”

At panghuli, binanggit din ng ABS-CBN na isang uri ng “prior restraint” o censorship ang naganap na suspension, at labag daw ito sa Konstitusyon.

Ngayong naibaba na ang suspension order ng It’s Showtime, at mangyayari na ito sa susunod na linggo, ano ang masasabi mo rito?

Sang-ayon ka ba sa mga binanggit ng ABS-CBN sa kanilang motion for reconsideration?