Abegail Rait insists Francis Magalona was “single” when they had a relationship; apologizes to Magalona family

Abegail Rait-Francis Magalona

Tuluyan nang binasag ni Abegail Rait ang kanyang pananahimik hinggil sa naging relasyon umano nila noon ng yumaong rapper, actor, at TV host na si Francis “Kiko” Magalona.

Noong October 17, 2023, isiniwalat ni Abegail sa publiko na si Gaile Francesca, 15, na may palayaw na Cheska, ang bunga umano ng inilihim nilang pagmamahalan ni Francis.

Ginawa ng mag-ina ang paglantad sa YouTube channel ng vlogger na si Boss Toyo.

Ang rebelasyong ito ay ikinagulat ng netizens, lalo na ng mga tagahanga ni Francis na ang alam ay maayos ang pagsasama nila ng asawang si Pia Magalona.

Dito na nagsimulang ulanin ng kaliwa’t kanang pambabatikos si Abegail at ang ipinakilala niyang anak nila ni Francis na si Cheska.

Maraming netizens ang kinukuwestiyon kung bakit daw pumayag ang dating flight attendant na si Abegail na maging karelasyon ni Francis gayong alam niyang kasal ito kay Pia at may anim silang anak—sina Maxene, Frank, Saab, Elmo, Arkin, at Clara Magalona.

May iba pang tinawag siyang “kabit,” “homewrecker,” at “mistress.”

Para sagutin ang isyung ito ay naglabas ng pahayag si Abegail, sa pamamagitan ng video sa YouTube, nitong Huwebes, November 2.

Dito ay sinabi niyang wala siyang nakikitang mali sa paglantad nila ni Cheska dahil totoo naman daw na si Francis ang ama ng kanyang anak.

Wala rin daw siyang nilabag na batas para paratangan siyang kabit o maninira ng pamilya dahil ang alam niya ay “single” si Francis noong naging sila.

Saad ni Abegail, “Ito na lang din pong tanong ang gusto kong maliwanagan—kung kabit po ako, nanira ng pamilya, sana may maglakas ng loob na magsabi na wala na sila ni Pia nung dumating ako sa buhay niya [Francis].

“Dalaga po ako noong naging kami ni Kiko. Wala na po siya sa family residence nila for years. And wala po akong na-violate na batas sa Pilipinas kasi single po ang marital status ng partner ko hanggang sa kamatayan niya.”

May katibayan din daw noong ipinakita sa kanya si Francis na nagsasabing wala itong asawa.

“Ipinaliwanag sa akin ni Kiko from the start what we are facing, documents will show. Kaya pinagpaalam niya yan sa mommy ko at sa pamilya ko.

“Wala po akong hinahabol. Masyado nang matagal ang nangyari. We are not expecting any approval or acceptance but respect,” diin ni Abegail.

ABEGAIL REVEALS REASON FOR COMING OUT

Sa nasabing video, ipinaliwanag din ni Abegail ang dahilan kung bakit sila biglang lumantad ng kanyang anak makalipas ang halos labinlimang taon.

Dito ay iginiit niyang walang katotohanan ang mga paratang sa kanya na ang pagsasapubliko sa tunay na pagkatao ni Cheska ay para lamang sa publicity dahil tumatakbo si Abegail noong barangay kagawad sa kanilang lugar sa Cavite.

Aniya, ang tanging dahilan kung bakit siya nagdesisyong lumantad ay para sa kinabukasan at pangarap ni Cheska.

Paliwanag ni Abegail, “Tinatanong niyo po ako, fifteen years nanahimik na lang rin lang ako bakit ko pa kailangan ipangalandakan sa buong mundo na may anak ako kay Kiko.

“For the record, sa lahat ng hindi nakakaalam, iisa-isahin ko po sa inyo.

“Sabi niyo, planado ang paglantad naming mag-ina at hindi magandang venue ang paglabas namin kay Boss Toyo dahil gusto lang sumikat at ginagamit lang ang pangalan ni Kiko.

“Para magkapangalan, na tatakbo ako sa barangay election, pang-pondo para sa pagtakbo. Hindi po totoo yon.

“Ako po ay single mom, binuhay ko yung mga anak ko sa paraang alam ko, sa tulong din ng mommy ko na hindi ako pinabayaan sa lahat ng nangyari sa buhay ko.

“Naging FA [flight attendant] ako, nagtrabaho ako sa call center. Kahit nung pandemic hindi ko kinakahiya na maglako ako ng mantika, harina, asukal, mga baking ingredients na dini-deliver ko kung saan-saan mataguyod ko lang ang mga bata.”

Noon pa raw kasi ay pangarap na ni Cheska ang maging artista kaya naman sa edad na katorse ay nagsimula na itong mag-worskshop.

Lahad ni Abegail, “Si Cheska, bata pa lang alam na niya ang pangarap niya. Ayun ang maging artista, regardless of who her father was.

“When she reached age of fourteen, she was firm to decide na papasukin na niya ang mundo ng showbiz.

“Last year, nakakontrata na kami under management ng talent agency ni Direk Mon Roco. From then on, nag-undergo na si Cheska ng appearances sa mga live gigs para ma-train ang stage presence niya.

“Noong nakaraang bakasyon, nag-undergo na siya ng voice lesson at acting workshop, pero limited pa ang session kaya continous pa rin ang trainings and not ready yet to come out.

“Since we are from Cavite, we have to travel to Quezon City, so I advised Direk if we can have service vehicle for training and shows. So, he told me we don’t have budget.”

Dahil sa kakulangang pinansiyal, dito na raw kinausap ni Abegail si Cheska para ibenta ang katangi-tanging memorabilia na iniwan sa kanila ni Francis—ang jersey na may dedication ng yumaong Master Rapper.

Ani Abegail, “Kung kani-kanino lang kami naghihiram ng masasakyan, that’s when I talked to Cheska if she will allow to convert funds and put the jersey to a museum to preserve na, para na rin to pursue career and save some as the only amount she gained from her father.

“Diyan pumasok yung idea na i-trade sa Pinoy Pawnstar yung jersey na very sentimental sa amin.

“My cousin emailed Boss Toyo that night and they responded the following day. She got call from Boss Toyo regarding the auction without mentioning why we’re selling that. All he knows is that’s Kiko memorabilia.

“That’s Friday, as early as 8 a.m., we went there sa shop niya and was briefed na documented ang lahat ng incoming trades sa kanila.”

Wala rin daw katotohanan ang isa pang paratang sa kanila na scripted ang paglantad niya sa vlog sa YouTube ng Pinoy Pawnstar.

Saad ni Abegail, “We followed procedures same as regular clients, and what you saw on video was unscripted as accused by others and what was asked was answered.

“No remorse. And why should I be ashamed of? What I said there is the story behind that jersey and those are facts.

“Nothing to flaunt about na, ‘Mga kababayan, ako ito, may anak kami.’

“Review-hin niyo pa po yung video, nagulat talaga sila Boss Toyo. Hesitant pa nga akong ibigay yung photo namin at love note that shirt had kasi nga po akin yon.

“Dinala ko lang po yun dahil nagwo-worry kami ng pinsan ko na baka hindi kami paniwalaan ni Boss Toyo.”

Maging ang kumalat na litrato nila ni Cheska na dumalaw sa puntod ni Francis matapos nilang maibenta ang jersey, sa halagang PHP500,000, nito ay hindi rin daw scripted.

Paglilinaw ni Abegail: “Noong nabayaran po kami, paglabas namin ng building, sobrang saya namin kasi hindi namin ine-expect na mabebenta with that amount. Nag-usap pa kami, ‘Patay, baka ilabas yung pagkuha sa atin.’

“Kaya after, dumiretso kami sa Loyola [Memorial Park] kasi malapit lang yon dun. Yung prayers and silence, nagpasalamat kami sa kanya [Francis].

“Yun yung moment na hindi ko maipaliwanag pero I felt Kiko led me to do that.

“I know thankful si Cheska because she will follow her dreams.

“Same day nag-advice sa amin si Boss Toyo na Monday daw ang labas nung documentation nila. Hindi po ako makatulog, iniisip ko na baka mag-create ng gulo.

“Na-delay pa ng isang araw yun, na ang bilis, pagkakita ko sa phone ko naging national issue na po ako ng buong Pilipinas.

“Ang bilis lahat ng pangyayari, dumami ang puri noong una hanggang sa naglabasan na yung emotion ng netizens.

“Tina-tag ako na ‘proud kabit,’ ‘illegitimate child,’ patahimikin ko na ang kaluluwa ni Kiko, na makapal ang mukha ko, ‘masyadong maingay,’ ‘insensitive’ para sa pamilya [ni Francis], at kung anu-ano pa.”

Diin niya, “Para sa kalinawan po ng lahat, wala po akong pinaglalaban. Nagkataon lang na nagbenta ako ng jersey ni Kiko para suportahan ang karerang tinatahak ng anak niya.

“Yun lang po yon, and the rest is history.”

ABEGAIL’S MESSAGES TO NETIZENS

Tanggap daw ni Abegail na kasuklaman siya ng iba dahil sa kanyang nakaraan.

Ngunit kung pati ang anak daw niyang si Cheska ang idamay, hindi raw siya magdadalawang-isip na bumuwelta para ito’y protektahan.

“Okay lang po sa akin na ako na yung pinakamasamang tao sa paningin niyo, homewrecker, kabit, mistress, lahat na ng adjective na nagamit niyo, tanggap ko po.

“Pero ang pinapakiusap ko lang po sana, huwag naman po yung anak ko.

“Comments, article na iba-iba ang anggulo, kung saan-saan na kami nakarating na mag-ina.

“Hindi naman po ako kahit kailan nagsalita, unfair naman po yung nagke-create ng matatalinong caption, paintriga para mabasa yung article nila para galitin lalo yung mga tao na parang ako na po yung pinakamasamang tao sa mundo.

“Na lahat ng nagsasalita, e, [akala mo] walang nagawang pagkakasala at mga santo.

“Aminado po ako na tao lang ako, nagkakamali, nasasaktan. Pero imbes na iiyak ko, pinapakita ko sa anak ko na kaya ko siyang ipagtanggol.

“Sana po maintindihan niyo ako bilang ina, na nagsasalita para sa kanyang anak.

“May mga tao po kasing pilit kaming pino-provoke, hindi ko na papangalanan, pero para magpadala pa talaga ng email at messages to say harsh things, e, this is too much.”

Kalakip nito ang pakiusap niya sa publiko na tantanan na ang panlalait at pagbabato ng negatibong komento sa kanyang anak.

Mensahe niya: “Sinasabi ng iba na walang kasalanan ang anak ko, dapat nanay ang i-bash niyo. Pero hindi maiwasan ang duda, kumpara, at mas masakit dito, panlalait sa anak ko na sa dami hindi ako iisa-isahin.

“Ordinaryong tao lang po si Cheska na napakaraming pangarap. Mag-isa lang po akong sumusuporta sa kanya with my mom.

“Walang magulang na hindi kayang gawin ang lahat para sa anak niya.”

ABEGAIL APOLOGIZES TO MAGALONA FAMILY

Sa huli, humingi ng dispensa si Abegail sa naiwang pamilya ni Francis.

Aniya, hindi niya plinanong manggulo at gumawa ng ingay.

“Sa lahat po ng nasaktan, sa pamilya po ni Kiko, humihingi po ako ng dispensa sa lahat ng kaguluhang ito.

“Hindi ko po ipinagmamalaki ang pagkakasala ko, pero tao lang po ako. Hindi ako perpekto.

“Hindi po ako magpe-pretend ng kung anu-ano, ang ayon sa gusto ng mapanghusgang tao.

“Kung mali man po ang paglantad naming mag-ina, I’m sorry.

“Laitin niyo po ako, tanggap ko yon. Pero ang paratangan niyo na kung anak niya anak ko, magsasalita po ako.”

Alam daw noon pa man ni Pia at mga anak nito na mayroong siya at Cheska sa buhay ni Francis.

Kung may kukuwestiyon din daw kay Abegail kung nasaan siya noong nasa ospital hanggang sa mamatay si Francis ay alam daw ito ng pamilya Magalona.

“Hindi ako maalam sa batas, pero ang tanong ko po, ang hindi alam ng nakakarami na noong nagkarelasyon kami ni Kiko hanggang sa mamatay siya, alam ko kung ano ang estado ko sa buhay niya.

“Tinatanong niyo po ako kung nasaan ako noong mga panahong nagkasakit siya, buntis po ako non.

“Nanganak, naka-confine na siya nun. Nakabalik [sa ospital], two months na si Cheska, then hindi na siya nakalabas pa.

“Araw-araw po ako ang kausap niya. Gusto ko pong pumunta pero ayaw ko na pong dagdagan yung pangyayari.

“Ayoko na dagdagan yung pinagdaraanan nila, masakit. Pero katulad nila, lahat kami umaasang kakayanin niya at gagaling siya, pero hindi na niya kinaya.

“Nasaan po ako nung burol niya? Tanungin niyo po sila dahil lahat sila alam nila kung sino kami ni Cheska.

“We were there.”

Mananatiling bukas ang Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) sa panig ng Magalona family kaugnay ng mga pahayag ni Abegail Rait.