Hindi na iaapela sa Office of the President ng ABS-CBN ang desisyon ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) na suspendihin ang It’s Showtime sa loob ng 12 araw simula sa October 14, 2023.
Sa inilabas na pahayag ng ABS-CBN nitong Biyernes ng gabi, October 6, 2023, sinabi nila na iginagalang nila ang desisyon ng MTRCB kaya sila nagpasya na huwag nang iakyat pa ang kaso sa opisina ng Pangulo.
Sa kabila nito, naninindigan ang Kapamilya Network na walang anumang nangyaring paglabag ang It’s Showtime sa anumang batas.
Labis din silang nagpasalamat sa mga patuloy na nagmamahal, at sumusuporta sa It’s Showtime.
Kalakip nito ang pangako nila sa mas malakas at magandang pagbabalik sa ere ng noontime show sa October 28.
Narito ang kabuuan ng kanilang pahayag:
“After careful consideration, ABS-CBN has decided not to appeal to the Office of the President the decision of the MTRCB on “It’s Showtime” and instead serve the 12-day suspension starting Oct. 14.
“We respect the authority of MTRCB, but we humbly maintain that the program did not break any pertinent law.
“Our heartfelt thanks to our viewers for their unwavering love and support for ‘It’s Showtime,’ which will return on Oct. 28 stronger and better than ever.
“Maraming salamat, Madlang People!”
Ilang minuto matapos ilabas ng ABS-CBN ang kanilang pahayag ay nag-post ang It’s Showtime sa kanilang social media accounts ng kulay asul at dilaw na puso.
Na ayon sa mga netizens ay simbolo ng pansamantala nilang pamamaalam sa pag-ere sa GTV, A2Z, at Kapamilya Channel.
September 4 nang patawan ng MTRCB ng 12-day suspension ang It’s Showtime.
September 28 nang ibasura ng MTRCB ang motion for reconsideration na inihain ng It’s Showtime sa ahensiya.