May pinanggalingan ang tampo ni Ai-Ai delas Alas sa Star Cinema kaya nagsalita siya sa pamamagitan ng isang video.
Lumikha ito ng kontrobersiya dahil sa kanyang mga binitiwang pahayag.
Ai-Ai delas Alas to young co-star who ignored her: “Dapat pinapansin mo ako, ha.”
Hindi masyadong naunawaan ng publiko ang pinagmulan ng sama ng loob ni Ai-Ai dahil hindi nito naibahagi sa video ang buong detalye ng kuwento.
Nasaktan si Ai-Ai dahil nakarating sa kanya ang balitang ipinatanggal umano ang artikulong lumabas sa ABS-CBN News tungkol sa pahayag niyang may nakausap siya mula sa Star Cinema para sa posibleng pagsasapelikula ng Ang Tanging Ina, The Reunion movie.
Ang Star Cinema ang movie arm ng ABS-CBN.
Mayroon ding kaparehong artikulo na lumabas dito sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).
Nasaktan si Ai-Ai dahil pinagmukha siyang sinungaling nang pabulaanan umano ng isang tauhan ng Star Cinema na may pag-uusap na nangyari, at ito raw ang dahilan kaya ipinaalis ang artikulo tungkol sa panayam sa kanya.
Nangyari ang interbyu kay Ai-Ai sa isang Zoom media conference na naganap noong Mayo 26, 2024.
Tungkol sa bagong responsibilidad niya bilang chief operating officer ng MC Aesthetics ang paksa ng Zoom mediacon, pero may nagtanong kay Ai-Ai kung gusto nitong magkaroon ng sequel ang Ang Tanging Ina.
Sabi ni Ai-Ai, “Nagtanong din ako sa Star Cinema kung magkano magagastos sa ganito kasi ang Star Cinema kasi ang [may hawak] rights nun, e.”
Ang Ang Tanging Ina ay ang pinagbidahang pelikula ni Ai-Ai na ipinalabas noong 2003.
Naging blockbuster ito at nagkaroon pa ng dalawang sequels: Ang Tanging Ina N’yong Lahat (2008) at Ang Tanging Ina Mo: Last Na ‘To (2010).
Idinirek ito ng yumaong direktor na si Wenn Deramas.
AI-AI DELAS ALAS TO STAR CINEMA: “PINAGKAKITAAN NINYO NAMAN AKO DATI, DI BA?”
Hindi napigilan ni Ai-Ai ang damdamin nang malaman nito ang pagpapatanggal umano sa artikulo.
Dahil sa inis na naramdaman, inihayag ni Ai-Ai ang saloobin sa pamamagitan ng video na in-upload sa kanyang official Facebook page noong Sabado, Hunyo 8, 2024.
Ito ang bahagi ng paliwanag ni Ai-Ai: “Isa daw sa Star Cinema gustong ipa-down yung news regarding sa Tanging Ina na nainterbyu ako kasi nga nagka-presscon kami because of MC Aesthetics na ako yung COO dito sa San Francisco.
“Ang dating sa akin, parang na-off ako saka parang nagtataka ako. Parang naloloka ako. Bakit parang may pa-[take] down na datingan na ganoon?
“Parang ang dating sa akin, ‘Bakit, hindi ba totoo yon? Totoo yon, nakausap ko si Roxy Liquigan.
“Siguro ang mali ko, hindi ko alam kung si Roxy ay taga-Star Cinema pa rin.
“Pero si Roxy ay dating taga-Star Cinema at siya yung medyo ka-close ko. So, dun talaga ako nagtanong sa kanya.”
Si Roxy ay dating advertising and promotions manager ng Star Cinema.
Sa kasalukuyan ay siya ang head ng Star Music habang nananatiling ad and promo consultant ng ABS-CBN Film Productions Inc.
Kasunod nito ay ipinaliwanag ni Ai-Ai kung bakit siya nagtanong kay Roxy tungkol sa posibilidad na magkaroon ng Tanging Ina reunion movie.
“Kasi yung producer namin sa Ohio, si Cindy, producer namin siya sa mga concert-concert ko. Gusto niya na mag-produce ng pelikula.
“So, sabi ko naman sa kanya, dream kong gawin yung Tanging Ina, The Reunion.
“So, ang dating sa akin, bakit kailangan na i-take down ninyo yung news?
“Una, masama bang magtanong kay Roxy? E, totoo naman nagtanong ako.
“Ang tanong ko, ‘Magkano ba yung ganoon para in case? Tapos, sino ang puwedeng maging direktor in case?'”
Dito sa puntong ito ay hindi na napigilan ni Ai-Ai na ihayag ang kanyang saloobin.
Sabi niya: “Anong masama dun? Alangan naman magtanong ako sa Regal, sa Viva o kaya sa Seiko Films? E, ang Star Cinema naman ang gumawa ng Tanging Ina.
“At saka, ako naman yung Tanging Ina dun, di ba? So, anong masama kung magtanong ako?
“At saka ano naman ang masama kung mabalita yon? Masama ba yon, di ba, nagtatanong lang naman ako?”
Himutok pa ni Ai-Ai: “O baka naman, in-assume ko lang naman ito, baka ayaw ninyong ma-associate sa akin?
“Bakit, pinagkakitaan ninyo naman ako dati sa Star Cinema, di ba?
“Masama ba yon at saka sobrang nakapagtataka. Minamaliit ninyo ako, ganoon?
“Bakit, e, talagang wala tayong magagawa, ako naman yung naging Tanging Ina, di ba? Ano bang dahilan ninyo?”
Sa kasalukuyan ay wala pang pahayag ang Star Cinema kaugnay ng pahayag ni Ai-Ai.
Mananatiling bukas ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa panig ni Ai-Ai at ng Star Cinema kaugnay ng isyung ito.