Aiko Garcia, namasukang kasambahay kasama ng ina

Aiko Garcia worked as househelp while studying college

Napaiyak ang Vivamax star na si Aiko Garcia nang ikuwento nitong nagtrabaho siya noon bilang kasambahay.

Magkasama raw sila ng kanyang ina na namasukan.

Ikinuwento ni Aiko ang mga pagsubok na pinagdaanan para matustusan ang pamumuhay nilang mag-ina.

Mula sa Zamboanga Sibugay ang pamilya ni Aiko.

“Mahirap kumita ng pera sa probinsiya, sa Zamboanga Sibugay.

“Sa food, kung ano ang meron, yun lang, at minsan, wala pa.

“Dalawa lang kaming magkapatid, pero mahirap talaga. Walang hanapbuhay ang father ko.

“So, yung mom ko lang po ang breadwinner, nagbe-vendor siya, kasama ako,” pagtatapat ni Aiko sa presscon ng Vivamax movie na Balinsasayaw.

Kung anu-anong raket daw ang pinasok ni Aiko para makatulong sa pamilya.

Lahad pa niya: “Gumigising kami ng 2 a.m. para magtinda.

“Na-try naming mag-ukay-ukay, pre-loved clothes. Binibili siya ng bundle sa Malaysia, ini-import sa Zamboanga.

“Na-try ko rin na magtinda kami ng rice cake, biko.

“Marunong ako magluto dati, nalimutan ko na.”

Aiko Garcia headlines Balinsasayaw

AIKO GARCIA’S MOTHER ATTEMPTS TO WORK ABROAD

Hanggang sa naisip daw ng ina ni Aiko na mangibang-bansa.

Aniya, “After high school, yung mommy ko ang naunang lumuwas sa Maynila sa sobrang hirap dahil nawala na yung tatay ko.

“Balak niyang pumasok na domestic helper sa Kuwait. Unfortunately, hindi siya nakapasa sa mga medical test kasi may sakit siya.

“Sinabihan siya ng doktor na, ‘Huwag mo nang ipilit na lumayo. Dito ka na lang sa Pilipinas magpakamatay kasi mahirap doon.'”

Hindi na bumalik sa Zamboanga Sibugay ang ina ni Aiko dahil tinanggap niya ang alok ng isang kakilalang manilbihan bilang kasambahay.

AIKO GARCIA AS A WORKING STUDENT

Nang matapos ng high school si Aiko sa probinsiya, sinundan niya ang kanyang ina sa Maynila at namasukan na rin siyang kasambahay.

“Noong nag-stay siya sa Manila, sumunod ako. So, college times, naglalabada kami, naglilinis kami ng bahay,” balik-tanaw ni Aiko.

Tuluyan nang pumatak ang luha ni Aiko habang binabalikan ang isang hindi makalilimutang bahagi ng buhay nila ng kanyang ina na pilit na itinaguyod ang pag-aaral niya.

Salaysay pa ni Aiko: “Kasi probinsiyana, ayaw ng mom ko na lumayo ako ng school. Takot na takot siya baka mapaano ako.

“Yung pinakamalapit na school sa bahay, yun ang pinasukan ko, sa San Mateo, Rizal.

“Sabi niya, mag-teacher ako kasi dalawa lang yung option. Wala talaga yung gusto ko na course.

“So, business course na lang. Noong una, nag-B.S. Accountancy ako pero sandali lang dahil hindi ko kinaya yung accountancy.

“Nag-shift ako sa management. Yun ang tinapos ko for four years.

“Nakapagtapos ako sa awa ng Diyos.”

AIKO’S DREAM TO ENTER SHOWBIZ

Pero ayon kay Aiko, “Childhood dream ko na mag-artista.

“Gusto ko man mag-ekstra habang nag-aaral, sabi ng nanay ko, ‘Umayos ka. Wala kang karapatan. Hangga’t kaya kong maghanapbuhay, kailangan mo magtapos ng pag-aaral.'”

Nang matapos sa kolehiyo si Aiko, naranasan niyang maging empleyado sa isang opisina.

Pero hindi nawala ang kanyang pangarap maging artista.

“Habang nakaupo ako sa opisina, sinabi ko, ‘Ano ba yan, ang tanda ko na. Tapos wala akong talent. Hindi naman ako nag-o-audition ng singing o dancing, paano ako magiging artista?’

“Nakakatawa lang, nangyari siya.”

Kusang lumapit ang oportunidad kay Aiko.

Lahad niya: “Na-scout ako ng isa sa mga photographer ni Mommy Jojo Veloso. Ang una niyang approach sa akin, ‘Gusto mo bang mag-Vivamax?’

“Pinag-isipan ko yon ng mahabang panahon at iniisip ko rin, baka scam kasi hindi ko sila kilala so dinedma ko.

“Hindi siya sumuko, binalikan niya ako.

“Sabi niya, ‘Gusto mo mag-car show?’ Sabi ko, ‘I wanna try.’

“Nung na-meet ko siya, dinala niya ako kay Mommy Jojo. Totoo naman pala. Hindi siya scam.

“Imbes na car show, naging photo shoot siya para sa Vivamax.”

AIKO GARCIA’S MOTHER AGAINST HER DARING ROLES

Tutol na tutol ang ina ni Aiko sa pasya niyang maghubad sa mga pelikula ng Vivamax, pero wala itong nagawa.

Kinausap ni Aiko ang nanay niya at ipinaliwanag mabuti ang kanyang panig.

“You have to give me this chance. Alam ninyo naman patanda na ako,” sabi ni Aiko sa kanyang ina.

“Noong una, na-hurt si Mama. Na-hurt din ako. Pero sabi ko sa kanya, ‘I will do this for us.

“‘I didn’t see it as paghuhubad. Kung makikita mo naman, yung ginagawa kong projects, I always make it sure you’ll see beyond the naked body, yung kaya kong gawin.

“‘For me, it’s an art.

“‘Siguro hindi ninyo masyadong maiintindihan, pero give it to me na lang. You have to trust me on this.'”