Alden Richards present at despedida party of Kathryn’s brother

Tuluy-tuloy na talaga ang pagiging close ni Alden Richards sa pamilya ni Kathryn Bernardo.

Last May 17, 2024 ay ini-upload ng KathDen, isang Facebook page na sumusuporta kina Kathryn at Alden, ang larawan ng dalawa kasama ang mga kapamilya ng dalaga.

Photo of Kathryn Bernardo and Alden Richards with the family of the actress

Ang nakalagay sa caption, published as is: “Psst bilis Ng mga Kamay Ng Kathden.

“Alden was present at the despedida party for kuya kev and ate shannen!

“Deleted na Sa IG.”

Sa larawan ay makikita sa dulong kaliwang bahagi si Kathryn, habang nasa dulong kanan naman si Alden.

Nasa pagitan nila si Shannen, ang kanyang kuya na si Kevin at isa pang ale.

Photo of Kathryn Bernardo and Alden Richards with the family of the actress

Hindi malinaw kung saan kinunan ang picture, pero batay sa kanilang mga suot ay mukhang sa isang bahay ito.

Sinasabing sa bahay ito ni Kathryn.

Ang nag-post ng litrato ay sinasabing kapatid ng hipag ni Kathryn. Naka-private na ang Instagram account nito.

Mabilis lang daw ang kamay ng mga KathDen fans kaya na-save ito at naibahagi sa kanilang page.

Last January 2024 ay bumisita sa Pilipinas sina Kevin at Shannen para sorpresahin ang kanilang mga kamag-anak.

Sa isang video na ini-upload ng mga fans ni Kathryn, makikita ang dalaga na nagulat sa biglang pagdating ng kanyang kuya at ng pamilya nito.

Nagpapalinis siya ng kuko nang biglang sumulpot sina Kevin at Shannen kaya naman gayun na lang ang kanyang gulat at saya.

Batay sa caption sa larawan kung saan magkakasama sila nina Alden, mukhang paalis na sina Kevin at Shannen, at naroon ang aktor para makibahagi sa pagsasaya ng pamilya ni Kathryn.

Ngayong linggo, May 19, ianunsiyo ang pagbabalik-tambalan nina Kathryn at Alden sa sequel ng box-office hit nilang Hello, Love, Goodbye (2019).