Nitong Enero 2024 ay naging usap-usapan ang pagbebenta ng aktor na si Jiro Manio ng kanyang 2004 Gawad Urian Best Actor trophy na natanggap para sa pelikulang Magnifico.
Ibinenta niya ito kay Boss Toyo, isang kolektor at vlogger ng Pinoy Pawn Stars, sa halagang PHP75,000 dahil sa pangangailangang pinansiyal.
Hiningan namin ng reaksyon tungkol dito si Allen Dizon.
Si Allen ay may 50 acting trophies na mula sa iba-ibang award-giving bodies dito sa Pilipinas at maging sa ibang bansa.
Lahad ni Allen, “Hindi ako si Jiro, e. Hindi ako ang nasa posisyon niya, e.
“Hindi ko alam kung ano yung nasa isip niya, ano ang nasa utak niya, kung kailangan niya ng pera, kailangan niya ng ganito.
“Pero siyempre, kung ikaw artista ka, kumbaga ipagmamalaki mo na iyan hanggang tumanda ka na.
“Hanggang sa mga apo mo, at kapag namatay ka na, meron kang legacy na, ‘Ito si Jiro Manio, Best Actor ng Urian!’
“It’s priceless, hindi mo puwedeng ibenta ng kahit magkano iyan.”
Ikinalungkot daw ni Allen ang pangyayaring iyon.
“Siyempre ako… I can’t imagine na yung mga anak ko ibebenta nila yung trophy ko kapag namatay ako. Di ba?
“Kumbaga, hindi mo sila puwedeng bigyan ng idea na, ‘O pag namatay na ako benta niyo ito para magkapera kayo.’
“Hindi, e! Kumbaga priceless yun, hindi mo mabibili ng pera yun. Kumbaga pinaghirapan mo yun mula nung time na nag-artista ka.
“Iyon yung validation mo, iyon yung pagkilala sa iyo na magaling kang artista.”
Naiintindihan naman ni Allen na may pangangailangang pinansiyal si Jiro kaya nagawa nitong magbenta ng tropeyo niya.
“Iyon nga,” pakli ni Allen.
“Wala kasi ako sa ano ni Jiro, wala ako sa posisyon niya, pero hindi ko siya masisisi.
“Pero sa akin as an actor, sa akin, hindi ko puwedeng ibenta yung alam kong priceless sa akin, e.
“So, lahat na lang pala ng trophy puwedeng ibenta? So ikaw ang Best Actor, pero wala kang proof.”
Nakausap namin si Allen nitong Pebrero 4, 2024, sa birthday party ni film producer Baby Go, na ginanap sa Valle Verde Country Club sa Pasig City.
EXTENSION OF ABOT-KAMAY NA PANGARAP
Samantala, ayon kay Allen, extended hanggang April ang top-rating GMA drama series na Abot-Kamay Na Pangarap.
Nadagdagan ng isang buwan ang extension mula nang huli naming makausap si Allen noong Nobyembre 2, 2023, kung saan sinabi niyang hanggang March ang extension ng serye.
“Pero hindi pa nila masabi kung hanggang dun lang talaga.”
“Actually, ang target nila abutin ng September para two years. Iyon ang gusto nilang ma-achieve.”
At habang na-e-extend ang serye ay lalong dumarami ang nagagalit sa kanya bilang si Dr. Carlos Benitez.
“Okay lang naman, ibig sabihin effective yung ginagawa ko.”
WORKING WITH CARMINA VILLARROEL
Kumusta na so far ang working relationship nila ni Carmina Villarroel na gumaganap na asawa niyang si Lyneth Santos?
Mas nakikilala ba nila ang bawat isa?
“Actually, before pa naman talagang close kami ni Mina, e. Kahit na sa Doble Kara,” pagtukoy ni Allen sa seryeng pinagsamahan nila ni Carmina sa ABS-CBN noong 2015.
“Tapos ngayon, lalo na ngayon kasi siyempre kami yung mag-asawa dito sa Abot-Kamay Na Pangarap.
“So, siyempre mas madaling magtrabaho kapag kumportable ka sa kaeksena mo and mas kumportable ka pag in real life ay close kayo.”
At habang inihahanap na ng playdate ang pelikula nila Katrina Halili na AbeNida ay nakaplano na ang pelikulang pagsasamahan nila ni Carmina.
“Tuloy na tuloy na yung Canada namin,” banggit pa ni Allen kung saan ang shooting nila ni Carmina para sa naturang pelikula na wala pang titulo.
“Sana, sana, June or July, iyon ang target nila.”
Kung June o July ang shoot nila, paano ang taping nila ng Abot-Kamay Na Pangarap kung ma-e-extend ito hanggang Setyembre?
“Dun natin malalaman kung papayagan kaming magpaalam for just two weeks or ten days, kung papayagan kami.”
MOVIES PRODUCED BY BG PRODUCTIONS
Si Baby Go ay may-ari ng BG Productions International na siyang producer ng AbeNida.
Isa sa mga nakaplanong gawin ng BG Productions International this year ang isang horror family drama ng direktor na si Joel Lamangan.
Kung matutupad, nais sana nilang maging cast members nito sina Carmina Villarroel, Richard Yap, Beauty Gonzales, Jillian Ward, Ken Chan, Seth Fedelin, at Juan Carlos Labajo.
Naka-lineup na rin ang pelikula nina Allen at Bela Padilla na kukunan sa Australia sa direksyon ni Adolf Alix, Jr; isang pelikula with Pokwang to be directed by Louie Ignacio; at isang comedy flick directed by Neal Tan na bida ang mga music icons na sina Pilita Corrales, Imelda Papin, Eva Eugenio, at Dulce.