Andres Muhlach pumasok na rin sa showbiz; Muhlach family bibida sa TV5 sitcom

Kumpirmado na ang pagpasok ni Andres Muhlach sa showbiz.

Kasama siya sa sitcom ng TV5 na pagbibidahan nila ng kanyang mga magulang na sina Aga Muhlach at Charlene Gonzalez, at ng kakambal niyang si Atasha Muhlach.

muhlach family

Nauna nang pumasok sa entertainment industry si Atasha bilang co-host ng Eat Bulaga! na napapanood din sa Kapatid Network.

Naganap ang pagpirma ng kontrata ng pamilya Muhlach sa Meralco Center, Ortigas Avenue, Pasig City, nitong Biyernes ng hapon, Enero 26, 2024.

Dumalo sa contract signing sina TV5/Mediaquest Chairman Manny V. Pangilinan at Viva Entertainment CEO Boss Vic del Rosario.

Saksi sa idinaos na contract signing sina Viva Communications President & COO Vincent del Rosario, Studio Viva Inc. COO Valerie del Rosario, Sienna Olaso (MediaQuest Head for Special Projects), TV5 President and CEO Guido Zaballero, Victorico Vargas (SVP-Leadership and Transition Officer, PLDT), at MediaQuest/Cignal TV President and CEO Jane Basas.

Joint venture ng Viva Entertainment at TV5 ang sitcom ng Muhlach family na itinuturing na pinakamalaking proyekto sa Pinoy TV.

Hindi pa naglalabas ng mga detalye ang magkabilang-panig tungkol sa unang proyekto sa telebisyon na pagsasamahan ng pamilya nina Aga at Charlene, pero inaasahang magsisimula agad ang taping nila para sa kaabang-abang na sitcom.