Hindi akalain ng dating magkasintahang content creators na sina Kyosu Guinto, 21, at Jaja Disuangco, 19, na magti-trending ang paglabas nila sa “Expecially For You” segment ng It’s Showtime noong December 11, 2023.
Sa halip na i-endorse ni Jaja ang dating boyfriend sa isa sa tatlong searchees sa naturang segment, nagkaroon ng twist ang kuwento. Inamin ni Kyosu na may pagmamahal pa rin siya sa dating kasintahan, at ganun din ang nararamdaman ni Jaja.
Inilahad ng dalawa na ang dahilan ng kanilang paghihiwalay ay hindi makasabay si Kyosu sa lifestyle ni Jaja, dahil sa mas nakaririwasa ito.
Aminado si Kyosu na nag-decide silang maghiwalay na lang dahil hindi niya kayang tapatan ang mga gusto ni Jaja, gawa ng magkaiba sila ng estado sa buhay.
Mas mabuting mag-focus na lang daw muna sila sa kanilang pag-aaral.
Si Jaja ay nag-aaral sa De La Salle University at si Kyosu naman ay sa St. Claire College sa Caloocan City.
Marami ang nagkagusto sa pagiging sinsero nila sa kanilang nararamdaman sa isa’t isa, kaya nag-trending sila nung araw na yun.
Pagkatapos ng paglabas nila sa It’s Showtime, bigla silang nag-hit sa social media at nagkaroon sila ng fanbase.
Sina Jaja at Kyosu ay parehong talents ng AsterisK Entertainment na pag-aari ng dating taga-Star Magic na si Kristian Kabigting.
Noong Biyernes, January 19, 2024, nag-guest sina Jaja at Kyosu via Zoom sa radio program ng writer na ito sa DZRH. Dinagsa ng napakaraming fans ang aming Facebook at You Tube live.
Nabigla raw si Jaja sa paglalabas ng saloobin ni Kyosu sa It’s Showtime.
Ani Jaja, “Nabigla po talaga ako sa ano niya. Kasi po, di ba nga po, parang friends lang po kami? Tapos hindi po siya nagsabi what he felt po doon.
“So, diyan po sa Expecially For You, dun ko nalaman kung ano yung nararamdaman niya po.”
Ayon kay Jaja, sa workshop lang sila nagkita ni Kyosu pero hindi raw alam ng management team nila na dati silang magkasintahan.
Pinag-audition daw sila para sa “Me Choose Me Choose” segment ng It’s Showtime. Doon nalamang mag-ex silang dalawa kaya sa “Expecially For You” segment sila isinalang.
Hindi raw nila akalaing ganun ang magiging pagtanggap ng netizens sa kanilang paglabas sa noontime show ng Kapamilya network.
Lahad ni Kyosu, “After Showtime po… kasi hindi naman po namin na-expect yung fanbase na yun.
“Kasi after nung segment na yun, hindi naman po namin na-expect na magbu-boom kami o magti-trending kami na ganyan. Kasi shinare lang po namin yung story namin sa segment.
“Siguro po, baka marami pong naka-relate na mga matatanda, mga estudyante po, kaya po siguro sinubaybayan.
“Meron pa nga po mga tao na inuulit-ulit po yung segment na yun. Yung mga nakakasalubong po namin na mga tao sa mall, sinasabi nila na inuulit-ulit nila sa panonood yung segment na yun.”
Sabi naman ni Jaja, “Nakakabigla po, kasi before wala naman pong namamansin sa amin o nagpapa-picture. Tapos nabibigla na lang po kami na sinasabi nila sa segment na yun na nai-inspire sila doon.
“Ayun po! Madami rin pong nagsasabing ginagawa po nilang motivation yung kami po… parang, kasi parang iniimpluwensiyahan daw po namin sila.”
IS THERE A CHANCE FOR RECONCILIATION?
Ang KyoJa love team nina Kyosu at Jaja ay ibang-iba sa mga sikat na love teams na nagkaroon ng romantic relationship pagkatapos ipag-love team. Samantalang sina Kyosu at Jaja ay nag-break muna bago sila naging love team.
Pero ang gusto ngayon ng fans nila ay magkabalikan na sila.
Aminado si Jaja na nandiyan pa rin ang pagmamahal niya kay Kyosu, pero hindi pa raw siya handang makipagbalikan.
Aniya, “Nag-go with the flow na lang po kami. Kasi meron pa po kaming kailangang gawin sa life.
“Kasi I’m not ready din po. Kasi siyempre po, as a woman o girl, marami pa pong ‘what ifs’ sa akin po.”
Willing naman daw si Kyosu na maghintay sa panahong handa na si Jaja na makipagbalikan sa kanya.
Saad ng binata, “For now po, ano lang po… mini-maintain pa po namin kung ano yung sa amin po talaga.
“After nung segment nga po… kung ano yung sinabi niya, nirerespeto ko kung ano yung sinabi niya. Kung friends lang po muna. So, yun lang po.
“Hindi po namin pini-pressure yung sarili namin. Yun lang po, inaano lang po namin. Kung anong meron sa amin ngayon, mini-maintain lang po namin.”
Pero minsan daw ay napi-pressure din sila ng fans na dapat ay magkabalikan na sila.
Mas mabuting mag-focus na lang daw muna sila sa kanilang pag-aaral at trabaho, dahil gusto nilang magtuluy-tuloy na sa showbiz.
WHAT’S IN STORE FOR KYOJA LOVE TEAM?
Ang tambalang KyoJa ay na-feature sa vloggerisk sa You Tube channel ng AsterisK Entertainment. May binubuo na ring digital series na pagbibidahan nilang dalawa.
Nung Sabado, January 20, naimbitahan sila ng sponsor nilang mag-perform sa Sinulog Festival sa Cebu.
Sabi ni Jaja, mas priority nila ang kanilang showbiz career at pag-aaral at huli na ang love life.
Pakli naman ni Kyosu, “Yung love life naman po, nandiyan lang naman po yun.
“Yun nga po… kapag may mas priority pa, yun po muna yung gagawin ko.”
Ano ang gusto nilang iparating na mensahe sa mga kabataang kagaya nila?
Saad ni Kyosu, “Siguro, huwag po nila madaliin yung sarili nila. It takes time naman po sa lahat.
“Kapag nandiyan naman po yung love life niyo, huwag na po i-rush. Just take it slowly lang naman po.”
Ayon naman kay Jaja, “Yun nga po, huwag masyado iuna yung puso po. Dapat alamin niyo rin po ang ibang priorities niyo.
“Katulad nung kay Kyosu na it takes time po sa mga bagay-bagay.
“Pero may tao din naman po na kayang ibalanse yung love life and studies.
“Kung nahirapan po sila ibalanse, dapat na i-focus po nila yung isang goal, na katulad po ng studies.
“And ayun po, puwede naman pong isantabi muna yung love life po, kasi kailangan po nating mag-aral po. Parang maghihintay naman po yung love life.”