Babaeng nakarelasyon umano ni Francis M., muling lumantad para ipakilala ang kanilang anak

Pinagpipistahan ngayon sa social media ang paglantad ni Abegail Rait at ng kanyang 15-year-old daughter na si Cheska.

Si Abegail ang babaeng nagpakilalang dating karelasyon ng yumaong rapper, actor, at TV host na si Francis Magalona.

Sumakabilang-buhay si Francis M., sa edad na 44, dahil sa acute myeloid leukemia noong March 6, 2009.

Si Gaile Francesca, na may palayaw na Cheska, ang bunga ng kanilang inilihim sa publiko na pagmamahalan.

Sa vlog na Pinoy Pawnstars na lumabas ngayong Martes, October 17, 2023, inilahad ni Abegail na nanahimik sila ng kanyang anak sa loob ng labinlimang taon.

“For fifteen years, nanahimik ako. Siguro naman ito na lang yung karapatan na puwede kong magawa para sa kanya [Cheska].

“Hindi naman ako nagsalita, e. I know people will judge me but we exist. What we had is real,” bahagi ng pahayag ni Abegail sa vlog habang ibinebenta niya ang ilan sa mga memorabilia ni Francis na nagpapatunay ng kanilang relasyon.

abegail cheska rait

Para sa mga hindi kabisado ang showbiz history ni Francis M., isang sorpresa ang paglantad ni Abegail at ng anak nito.

Pero hindi na ito kagulat-gulat dahil dalawang buwan matapos pumanaw noong 2009 ang itinuturing na King of Rap ng Pilipinas, lumitaw na ang mga larawan nila ni Abegail at ng kanilang sanggol pa noon na anak.

abegail rait francis magalona

Nakasaad din sa mga impormasyong lumabas noon na bininyagan si Cheska noong December 28, 2008 sa isang simbahan sa Kawit, Cavite.

Sinubukan ng GMA-7 showbiz-oriented programs na Startalk at Showbiz Central na gawin noon ang kuwento ng relasyon nina Francis at Abegail, pero may mga tauhan ng TAPE Inc. na nakiusap na ibalato na lang sa kanila ang istorya bilang respeto sa alaala ng yumaong rapper at sa naulilang pamilya nito.

Pero makalipas ang labinlimang taon, muling lumantad si Abegail at nagsasalita na ito tungkol sa dating relasyon nila ni Francis.

Ayon kay Abegail, nakita siya ni Francis na nanonood noon sa studio ng Eat Bulaga!.

Si Francis daw ang gumawa ng paraan para magkakilala sila na humantong sa relasyon at pagkakaroon nila ng anak.

Makaraan ang labinlimang taon, handang-handa na si Abegail na ipakilala sa publiko ang anak nila ni Francis.

Bukod sa pagkukuwento tungkol sa kanilang nakaraan, ibinahagi niya sa publiko ang video ng pagdalaw nila ni Cheska sa puntod ni Francis M. sa Loyola Memorial Park, sa Marikina City, nang gunitain ang 59th birth anniversary nito noong October 4, 2023.

abegail rait cheska