Take one sa bar exams—ito ang pinakamimithi ng kahit sinong bar examinee.
Pero hindi ito basta-basta nangyayari.
May kaakibat itong paghihirap at pagsasakripisyo, at batid ito ni Nanay Rose, na ngayo’y kilala na bilang si Atty. Rosula Calacala, 62.
Gumawa ng headlines recently ang senior citizen na ito matapos makapasa sa bar exams this 2023.
“Thank you, Lord!” hiyaw niya, sabay yakap sa anak.
Sa video, habang mataas ang emosyon, may nagtanong sa kanya kung sino ang pumasa sa exam?
“Hindi ko inaasahan kasi matanda na ako, ‘nak. Ako!,” sabi ni Nanay Rose, isa sa 3,812 na nakapasa.
WIDE READER
Tubong Jones, Isabela , bata pa lamang ay nakahiligan na ni Nanay Rose ang pagbabasa.
Ang kanyang cabinet ay puno ng libro tungkol sa batas at legal codes.
“Nahahasa ang pagsusulat mo, ang frame of mind mo kapag nagbabasa ka. Maayos talaga ang English mo, which is a great factor sa bar exam,” sabi niya sa Kapuso Mo, Jessica Soho (KMJS).
“Tinuruan kasi ako nung college ako na kahit balot ng tinapa, basta may print, basahin mo.”
Tatlo ang anak ng bagong abogado—sina Mark, Ruth at Jireh—at lahat sila ay mahilig ding magbasa.
Ito ang isang katangiang naipasa ng ina na walang sinumang makaka-angkin.
Every week ay tumatambay sila sa isang mall para magbasa.
“Nagpupunta kami sa Gaisano City, doon kami tumatambay ng mga anak ko.
“Pati mga anak ko mahilig na ring magbasa dahil nakikita nila sa akin.”
Sa ilang taong pagtatrabaho ni Nanay Rose sa gobyerno, napagtanto niya ang malaking kakulangan ng mga abogado sa kanilang lugar.
At ito ang nagbunsod sa kanya para mag-araw muli sa law school: “To help my constituents sa Jones, Isabela.”
Dugtong niya, “Kasi walang lawyer na nakatira roon, baka ako lang ang puwedeng magtiyaga roon. Kasi yung mga bata, maraming opportunities sa mga cities, e.”
SAD STORY NI ATTORNEY
Hindi lahat ng dasal ay sinasagot. Iyan ang ikinabahala ni Nanay Rose sa pagkuha niya ng bar exams.
“I pray na yung bar examiner ay gamitin Niya para makapasa ako.”
Kahit nakaranas ng hirap nung bata pa, hindi naman niya ito ininda, at bagkus ay magpursige siya.
Sampung taong gulang pa lamang si Nanay Rose nung namasukan siya bilang kasambahay.
“Namatay kasi ang tatay ko nung eight years old ako. Mag-isa lang ang nanay ko na nagtaguyod sa amin.
“Every opportunity na meron siyang nakikita na may taong gustong magpaaral sa akin, she sends me doon sa mga taong iyon.”
Dito na nagsimulang magtrabaho si Nanay Rose.
“Ten years old ako, kung saan-saan na ako napunta para makapag-aral,” pagbabalik-tanaw pa niya.
Pati ang buhay ng isang walang makain ay naranasan din ni Nanay Rose.
“Ang ulam namin noon, mantika. Ngayon nga naalala namin, rekado pala ang mga yun. Pero sa amin, yun na kasi ang ulam namin, e.”
Sa lahat ng hirap na pinagdaanan, nakatapos si Nanay Rose sa kolehiyo noong 1984 sa kursong Commerce sa North Eastern College sa Santiago City, Isabela.
Matapos nito ay naging ganap na siyang Certified Public Accountant (CPA).
“Hindi sagabal ang pagiging mahirap para makatapos ka sa pag-aaral. Huwag kang mahiya na maging katulong o mag-trabaho,” makahulugang pahayag ni Nanay Rose.
NEXT CHAPTER IN NANAY ROSE’S LIFE
Bukod dito, panahon na para magkaroon siya ng panibagong gagawin.
“Mula pagkabata ng mga anak ko, ako ang kanilang tutor. Pagdating ko, kahit pagod na pagod ako, I have to tutor three small kids.
“Magluluto pa ako niyan, wala kaming katu-katulong. Kaya after na naka-graduate na sila, may mga trabaho na sila, ano pang gagawin ko sa life ko? After the retirement anong gagawin ko for more or less 30 years of my life?
“Wala akong gagawin? Mamasyal-masyal lang? Why not na mag-aral ako?” sabi pa ni Nanay Rose.
Once she set her foot into it, there’s no turning back, ‘ika nga. Kahit saan siya mapunta, sa sasakyan man o sa bahay, bitbit ni Nanay Rose ang mga libro tungkol sa batas ng Pilipinas.
“Lagi akong may nakasukbit na codal. Actually, every day of your life, gusto mo na ma-give up sa law school.
“Pero kung naumpisahan mo na ang isang bagay, dapat tapusin mo. Hindi ako nag-give up.
“Napakahirap maging law student, you have to memorize and read, read, read. Susuka ka, pero hindi sususko,” ani Nanay Rose tungkol sa mga pinagdaanan niya.
ROSE AS LAW STUDENT
Bago pa maging ganap na abogado, maraming pinagdaanang trabaho si Nanay Rose.
Naging empleyado siya ng bangko at director din ng isang eskwelahan.
Nag-alok ang kanilang mayor na pag-aaralin siya habang nagtatrabaho sa munisipyo.
“I took that opportunity dahil tapos na yung mga anak ko, wala na mag-isa na lang din and asawa ko sa bahay.
“Nakakahiya man, ano. Most of the time na nandoon ako sa munisipyo, pinag-aral talaga ako, naging iskolar talaga ako ng LGU [local government unit].”
Noong 2020, sa kasagsagsan ng pandemya, naging COVID-19 patient si Nanay Rose.
Pero hindi siya nagpatinag sa sakit, at binigyan naman siya ng kunsiderasyon ng kanyang mga propesor.
“Online kasi ang exams namin noon. E, wala akong maisagot dahil COVID patient nga ako. Binitawan ko na yung ballpen, bahala na yung teacher na mag-fail sa iyo.
“Pero alam mo, very considerate ang mga professor ko during that time. Alam nila siguro na COVID patient ako, pinasa nila ako -75.”
Samantala, bukod sa mga anak, biniyayaan din si Nanay Rose ng isang mapagmahal na asawa. Aniya, suportado siya ng mister mula’t sapul hanggang sa magdesisyon siyang pumasok sa law school.
“Ang asawa ko na talaga ang gumagawa ng gawaing bahay.”
Taong 2022 nang matapos sa law school si Nanay Rose, at para maging ganap na abogado, kailangan niyang mag-take siyempre ng bar exam.
ROSE AS BAR EXAMINEE
Buo ang loob at may pangarap si Nanay Rose kaya hindi niya alintana ang hirap, pagod, at ang mga pagsubok sa pag-aaral para maiahon ang pamilya sa hirap.
Heto’t ilang buwan bago ang bar exam, saka naman dumating ang isa na namang pagsubok.
“Napilayan ako. Masakit ito [sabay turo sa kanang bahagi ng balikat hanggang braso].
“Five months akong nakahiga lang at nagbabasa. Imagine mo ang strain ng mata habang nagbabasa. Pinagtiyagaan ko yun kasi gusto kong maging lawyer.
“Meron pang isa, namatay ang nanay ko noong February. Imagine, kahit araw-araw kang magbabasa luluha ka.
“Pero sabi ko, hindi ito distraction, ang pagkamatay ng nanay ko.
“Pero before I sleep at night, iniisip ko ang nanay ko.”
Hindi madali ang bar exams. Napakahirap nito at talagang hindi lahat ng kumukuha ay pinapalad sa first take.
Pero ibang klase si Nanay Rose dahil pasado siya agad.
“Lahat ng exam napakahirap. Hindi ko alam kung paano ko uumpisahan yung sentence. Ang ginawa ko na lang, I did my best na answeran sa sarili ko.”
Heto na, noong araw na lumabas ang resulta ng bar exams ay nag-trending pa si Nanay Rose.
Hindi niya napigilan ang pag-iyak nung makita ang pangalan niya bilang isa sa mga pumasa sa 2023 bar exams.
“Noong pumunta ako sa Supreme Court, pumunta ako roon para panoorin ko lang. Nandito na rin lang ako sa Manila, sabi ko, ‘Manonood lang ako ng makakapasa.’”
Nung naipaskil na ang resulta, nagsimulang maghiyawan, nagka-iyakan, at naging emosyonal ang mga nag-aabang.
“Nung makita ko ang pangalan ko, sobrang nagulat na ako. Hindi ko naman ini-expect na makakapasa ako.”
Halos maglulupasay sa tuwa si Nanay Rose at napayakap sa anak niyang si Mark noong mga sandaling iyon.
“Sobrang nagulat ba ako. After nang makita ko ang pangalan ko…Panginoon, thank You, Lord!” at muling bumuhos ang luha ni Nanay Rose.
“Wala na akong hiya noon…”
Sa video clip, napasigaw siya ng, “Oh my God, attorney na ako! Hindi ko inaasahan ito kasi matanda na ko.”
BONUS FROM HEAVEN
Ipinagpapasalamat din ni Nanay Rose sa Panginoon ang lahat ng meron siya.
May mga dasal man siyang hindi siya sinagot noon, tinodo naman ang biyaya sa kanya ngayon.
“Kung iku-compare ko ngayon, ang layo na… hindi na ko katulong. Bonus sa akin naging attorney pa ako. Hindi ko inakalang magiging attorney ako all of my life.”
Buong puso siyang ipinagmamalaki ng mga anak at ng mga kababayan sa Jones, Isabela.
Sa bayang pinagmulan niya nais magserbisyo si Attorney Rose.
“Ang payo ko sa kanila kung gusto ninyong mag-abogado, one hundred percent commitment iyan. Lahat- lahat ng energy mo, lahat ng time mo focus lang. Training mo iyan as a law student para kasi pagdating mo sa court hindi ka lalampay-lampay sa court.
“Hindi mo nga maipaglaban ang love life mo, how much more yung life, limb, and liberty ng ibang tao? So dapat malakas ang loob mo.”
Tunay na isang inspirasyon si Nanay Rose o Attorney Rose Calacala. Kahit kailan hindi siya umatras sa mga pagsubok at mas ginusto niyang matuto kesa sumuko.
“In our life, habang tayo ay ume-edad, habang tayo ay senior citizen para hindi naman tayo inaapi ng society, naku senior citizen na…walang silbi na iyan! No! Gawin nating productive ang ating remaining years of our life.”