NOEL FERRER
Katulad ng nauna na nating nasabi rito, dumating na ang araw ng contract signing ng airtime deal ng It’s Showtime sa Kapuso network nitong Marso 20, 2024, Miyerkules.
Magandang move ito lalo pa’t ang underlying principle ay ang pagbuwag ng network wars.
Sana, malaya na ngang nakakatawid-tawid ang mga artista.
At tulad ng pinost ko pagkalabas ng balita, “THIS IS QUITE A FEAT. MAY THERE BE MORE SPACES FOR SYNERGY & COLLABORATION.
“This is such welcome news!!! (Puwede bang wala nang comparative ratings at competition kung sino ang Number 1 — kung ABS-CBN ba o GMA?
“Can this be the start of the networks working on very good joint content- cross plugging and the likes? We are hoping that best practices come out of this collab!!!)”
Inabangan ko ang mga post at reaction ng Kapuso stars at para i-welcome ang bagong kasama sa Kapuso network.
Habang hinihintay pa natin ang mga ito, mabuti na lang at nahingan natin ng kanilang saloobin ang mga talent kong sina Kuya Kim Atienza at Atom Araullo, na parehong Kapuso.
Si Kuya Kim ay dating co-host ng It’s Showtime.
Ani Kuya Kim sa ipinadala niyang pahayag sa atin, “I’m really happy for my It’s Showtime family. May the transfer pave the way for another 15 years as Kapuso then more!
“I congratulate my inaanaks, my dearest friends I worked with every single day then. They will always be family to me. Group hug to my Showtime family. You will always be close to my heart!”
Si Atom naman na dati ring Kapamilya ay nag-post sa X (dating Twitter): “Welcome to GMA7, Showtime Kapamilyas!”
No bashing. All goodwill.
Sana ganoon na lang ang reaction ng ating mga kasamahan sa industriya.
JERRY OLEA
Nananahimik noon ang It’s Showtime sa TV5 nang maghimutok sina Tito, Vic & Joey sa TAPE.
Umalis ang TVJ sa Eat Bulaga! ng GMA-7. Noon pa man ay nahinuha nating lilipat ang TVJ sa TV5.
May option ang It’s Showtime na manatili sa TV5, pero iuurong sila ng timeslot.
Iyong timeslot nila ay ibibigay sa TVJ, at eere sila matapos ang noontime show ng TVJ. Inayawan iyon ng It’s Showtime.
Mabuti at sinalo sila ng GTV.
Iyong revamped Eat Bulaga! ay naging Tahanang Pinakamasaya, na eventually ay naging “Tahanang Pinasara.”
At heto na nga, ang It’s Showtime na dating nasa TV5 ay mapapanood na sa GMA-7, katapat ang Eat Bulaga! na dating nasa GMA-7 at ngayon ay nasa TV5.
May mga Kapamilya primetime shows pang umeere sa TV5. Naturalmente, hindi pa rin puwedeng mag-promote ang mga iyon sa It’s Showtime.
Maluwag ba sa kalooban ng Kapuso stars na ang It’s Showtime ay nasa GMA-7 na?
Sinu-sino kayang Kapuso stars ang matutunghayan natin sa It’s Showtime sa mga darating na araw?
Ano pa ang susunod na historic collaboration ng mga Kapuso at Kapamilya?
Mapapanood bang muli si Regine Velasquez sa GMA-7?
Tuloy ba talaga ang Wowowin sa TV5?
Masasagot ang mga ito sa tamang panahon.
GORGY RULA
Sabi nga nila, hindi mo talaga alam kung ano ang mangyayari kapag nagbiro ang tadhana.
Akalain mo, nawalan ng prangkisa ang ABS-CBN.
Nagtatanung-tanong na noon, paano na ang mga magagandang shows ng Channel 2? Paano na ang mga artista nila?
Di ba, may deklarasyon pa noon si Apollo Quiboloy na mawawala sila, na nangyari nga dahil sa nawalan ng prangkisa?
Pero ang nangyayari ngayon, si Pastor Quiboloy na ang hindi nagpapakita.
Dumaan pa sa matinding pagsubok noon ang It’s Showtime kung saan hilahod sila sa ratings nang inilampaso sila ng Eat Bulaga! dala ng matinding kasikatan ng AlDub.
Pero hindi sila binitiwan ng ABS-CBN. Tuloy pa rin ang laban, dahil naniniwala sila na sa ending, sila pa rin ang magwawagi.
Kaya ang It’s Showtime pala talaga ang totoong winner sa dami ng pinagdaanan ng programang ito sa loob ng 15 years na pakikipagsapalaran nila sa ere.
Sa bakbakan ng TVJ at TAPE, Inc., ang It’s Showtime na chill-chill lang ang tunay na winner sa labanang ito.
PERO sa totoo lang, ilang araw nang natatalo ng mga lumang pelikulang ipinapalabas ng GMA-7 sa ratings ang dalawang noontime shows.
Noong Lunes, Marso 18, ay naka-4.6% ang Lunchtime Movie Hits. Ang Eat Bulaga! ay 4%, at ang It’s Showtime ay 3%.
Noong Martes, Marso 19, ay mataas pa rin ang Lunchtime Movie Hits na naka-4.3%, ang Eat Bulaga! ay 3.8%, at ang It’s Showtime naman ay 4.3%.
Kaya kahit marami ang nagugulumihanan sa mga desisyong ito ng GMA-7, nananalig pa rin akong tama itong ginawa nilang pagbabago.