Bianca Umali at Ruru Madrid, pinaghahandaan na ang kasal

ruru madrid bianca umali playtime premiere
Ruru Madrid on wedding talks with girlfriend Bianca Umali: “Siyempre, dapat by now nandun na yung pag-iisip namin. Kasi, six years na rin kami, e. Parang yung mga plano na rin namin siyempre about sa future namin. Kaya din namin ito ginagawa at pinagbubutihan.”

Sinuportahan ng Kapuso stars ang premiere night ng pelikulang Playtime ng GMA Pictures at Viva Films na ginanap sa Cinema 3 ng SM North EDSA The Block nung Martes, June 11, 2024.

Dumating ang magkasintahang Ruru Madrid at Bianca Umali. Bago sila rumampa sa green carpet ay saglit naming nakapanayam ang dalawa.

Tinanong namin, kapag may nababalitaan silang nagpapakasal kagaya nina Carlo Aquino at Charlie Dizon, medyo may pressure ba sa kanila? Napag-uusapan na rin ba nila o pinaplano na ang kasalan?

“Siguro napapag-usapan at napapaghandaan. Yun na lang,” mabilis na sagot ni Bianca.

Dugtong naman ni Ruru, “Siyempre, Tito, dapat by now nandun na yung pag-iisip namin. Kasi, six years na rin kami, e.

“Parang yung mga plano na rin namin siyempre about sa future namin. Kaya din namin ito ginagawa at pinagbubutihan.”

DREAM WEDDING

Gusto ni Bianca ay simpleng kasal lang. Ang mahalaga sa kanya ay makadalo pa ang kanyang lola.

“Ang dream wedding ko, simple lang actually,” pakli ng Kapuso actress.

“Noon may dream setup pa ako. Pero ngayon, gusto ko lang maabutan ng lola ko. Siya ang maghahatid sa akin, dahil siya ang bumuhay sa akin.”

“Noted ako diyan,” napangiting sagot naman ni Ruru, na nag-agree rin sa sinabi kong isu-surprise pa muna niya ng proposal ang kasintahan.

“Kailangan na pong ikasa. Actually noon pa man nakakasa na,” sabi pa ni Ruru.

Ngayong Araw ng Kalayaan, June 12, ang showing sa mga sinehan ng Playtime na konsepto at dinirek ni Mark Reyes.

Maagang dumating sa celebrity premiere ng Playtime si Billy Crawford para sumuporta sa kanyang asawang si Coleen Garcia, na isa sa mga bida ng pelikula.

Male-late daw kasi ng dating si Coleen, kaya inagahan ni Billy para siya muna ang mag-represent sa asawa.

Masaya ang actor-TV host na naging active uli ngayon si Coleen sa paggawa ng pelikula. Kaya siya raw muna ngayon ang nag-aalaga sa kanilang anak na si Amari.

“I feel happy. I get to spend time now with my son. So, ako naman ang sumasalo para sa kanya.

“Ito lang yung pagkakataon namin na at least sabay kami nandito,” saad ni Billy.

Nagsimula na ang pelikula nang dumating si Coleen.

Dumating din sa premeire si Rochelle Pangilinan para sumuporta kay Xian. Naging close daw sila ni Xian nang magkasama sila sa False Positive.

Excited naman si Rochelle sa pagkukuwento na sobrang proud siya na naging bahagi siya sa bagong drama series ng GMA-7 na Pulang Araw.

Ilan pa sa mga dumating sa premiere ng Playtime ay sina Ken Chan, Pancho Magno, Ashley Rivera, at Shuvee Entrata.

Maagang dumating ang co-star ni Coleen na si Faye Lorenzo, at magkasama namang dumating sina Xian Lim at Sanya Lopez.

Ipinakiusap na wala nang personal na questions kay Xian. Halatang umiiwas ang Kapuso actor na magpa-interview para hindi na siya matanong tungkol kay Kim Chiu.
Nagpasabi ang management ni Xian na wala dapat tanong kahit tungkol sa relasyon o sa kanyang lovelife. Iniiwasan lang daw nilang ma-misquote ito at baka mag-react na naman si Kim o ang kampo ng dating girlfriend.

Sinagot lang ni Xian ang tungkol sa pagpapataba niya para sa Playtime.

“Mapapanood niyo siya. I think around 220 pounds,” tipid na sagot niya kung ilan ang nadagdag niyang timbang para sa pelikulang ito.

Kaagad naman niyang nabawas iyon dahil bumalik na ang ganda ng katawan niya.

Showing na rin today sa local cinemas ang Fruitcake, Inside Out 2, Latency, Love You As The World Ends The Movie, at Skye Hoshi: Anime Girl.

Inaasahang magiging blockbuster sa North America ang animated coming-of-age film na Inside Out 2.

Showing pa rin siyempre ang highly recommended Thai film na How To Make Millions Before Grandma Dies.

On its third week na sa SM cinemas ang pelikulang pinagbibidahan nina Putthipong Assaratanakul at Usha Seamkhum.