Bo Bautista: “If anything… mas lumaki lang po yung family namin.”
Ang 18-year-old daughter nina Romnick Sarmenta at Harlene Bautista na si Bo Bautista ang isa sa ipinakilalang Starkada sa Star Center Artists ng NET 25 na mina-manage ni Eric Quizon.
Kasama si Bo at iba pang Starkada talents sa bagong entertainment talk show na Glitter Entertainment Chatter Show na mapapanood sa Glitter Facebook at YouTube channel ng direktor na si Perry Escaño.
Magsisimula na ito sa December 3, 2023, 4 p.m., sa Facebook page ng Glitter at may replay sa YouTube channel nito.
Si Aya Fernandez ang main host ng showbiz-oriented talk show na ito. Co-hosts niya rito sina Bo, Sofi Fermazi, Nicky Gilbert, Celyn David, Miyuki de Leon, at Via Lorica.
Sa nakaraang mediacon ng Glitter Entertainment Chatter Show, inamin ni Bo na medyo hesitant siyang tanggapin ito dahil showbiz ang tema ng talk show at naintriga ang pamilya nila nang nagkahiwalay ang kanyang magulang na sina Romnick at Harlene.
Aniya, “Actually, nagulat nga po ako na gusto ako isama dito kasi, yun nga po, first time ko pong mag-hosting.
“And since yung parents ko ay part ng showbiz, medyo naano ako… natakot ako. Medyo hesitant ako in the first place kasi ayokong maano sa mga issue, ganun.
“Pero, since yung mga na-assign naman po sa amin ay mga wholesome naman, yung mga trends, ganun, okay naman po sa akin and okay naman po sa kanila.”
CURRENT SET-UP
Nilinaw ni Bo na maayos ang set-up ngayon ng kanyang mga magulang, at wala naman siyang kailangang itago.
Saad ni Bo, “Para sa akin po, hindi naman ako closed off na sumagot about sa parents ko.
“Alam ko na yung knowledge ko about dun, at siguro mga issue na tatanungin sa akin. Kung alam ko talaga yung sagot dun, and alam kong okay siyang i-share, sasabihin ko naman po.
“At saka sa akin naman po, wala naman pong negative na ano sa parents ko.
“For example, kung tatanungin po about dun sa situation nila, okay naman po ako dun, wala pong issue talaga.”
Nakatira silang magkakapatid sa kanilang ina na si Harlene, pero anytime ay puwede naman daw silang makipagkita sa kanilang ama.
“Okay naman po kaming lahat,” pakli ni Bo sa panayam ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph).
“Right now po, kami po ng mga kapatid ko, we’re staying with my mom. Pero lagi ko naman pong nakikita si Papa.
“At saka wala naman pong nagbago, simpleng equal naman po lahat, yung pagmamahal, wala naman pong problem.
“Actually now, nung nagsimula naman po ako dito, medyo… yung time naman po namin is really… kung available si Papa.
“Siyempre nagsu-shooting po, may work po si Papa. Kung available siya at saka kung available din po ako, yun po. We take the chances we have to spend time with them.
“Wala naman po kaming issues dun.
“We’re very happy kasi parang, if anything… mas lumaki lang po yung family namin.”
Ang tinutukoy ni Bo ay ang pagkakaroon ng bagong karelasyon ng kanilang mga magulang.
Si Romnick ay karelasyon ang aktres na si Barbara Ruaro, at mayroon na silang two-year-old son.
Si Harlene naman ay masaya rin ang love life sa piling ni Federico Moreno, anak ng yumaong TV host na si German “Kuya Germs” Moreno.
Okay raw sila sa kasalukuyang karelasyon ng kanilang ama, at naging close na siya sa kanyang kapatid dtio.
“Actually ano, nami-miss ko po siya, sobrang cute po niya,” kaagad na sagot ni Bo nang kinumusta namin ang bagong family ng kanyang papa.
“Yes po. Since may younger brother na rin po ako sa kanila. Tuwing nakakasama po namin si Papa ngayon, kasama din namin sila.
“Masaya po siya and lahat po kami okay,” kaswal na sagot ni Bo.
Kahit kay Federico ay wala rin daw silang problema, dahil parang pamilya na rin ang turingan nila.
“Madalas po kami magkasama at okay naman po kaming lahat. Mabait po siya.
“Yung turing po niya sa amin, parang anak na rin,” sambit ni Bo.
Sabi pa nga ni Bo, tanggap na nila ang ganung set-up ng kanilang pamilya. Okay naman daw ang mama at papa nila, lalo na pagdating sa kanilang magkakapatid.
“Pagdating po sa mga anak nila, dun po sila ano, nagkakasundo po sila,” aniya.
SEEKING HER FATHER’S ADVICE
Ngayong pinasok na ni Bo ang pag-aartista, mas madalas daw siyang humihingi ng payo sa kanyang ama na si Romnick.
“Kay Papa po, kasi siya po yung nilalapitan ko pag hindi ako sigurado sa gagawin ko.
“For example, may scene ako na kailangan kong gawin, hindi ako sure kung papano, siya po yung tinatanong ko.
“And lagi lang po sinasabi sa akin ni Papa is, to be genuine in what you do, and to really feel while doing it, put yourself in that position.
“Kasi siyempre, you’re telling someone else’s story, and kailangan you just have to love what you do.
“Kay Mama naman po, she is just there to guide me and… parang sinasabi niya po sa akin kung paano mag-showbiz, yung environment.”
Sabi pa ni Bo, hindi naman naiiba ang sitwasyon nila sa ilang mga kabataang naghiwalay ang mga magulang. Pero naging maayos at wala naman daw conflict sa set-up ng blended family.
Maayos daw sila ngayon, kahit aminado naman siyang hindi ganun kadali ang adjustment sa kanilang lahat.
“Actually po, para sa akin, nung una siyang nangyari, siyempre malulungkot po,” pag-amin ni Bo.
“Pero naisip ko, hindi naman ito yung first time na nangyari sa mundo.
“At saka, once na nakapag-adjust na kami and nagbago na yung dynamics, naisip ko po na hindi naman siya bad thing, kasi hindi naman na-divide yung attention or love namin.
“Kasi alam namin na sina Mama at Papa, nandiyan lang sila lagi to support us and the love is still the same.
“Masaya po kasi lumaki yung pamilya, nadagdagan lang po kami ng family.”