Dalawampu’t apat na taon na ang nakararaan buhat nang talikuran ng dating sexy actress at Seiko Films contract star na si Bridgette de Joya ang showbiz.
Pero hanggang ngayon, may mga nakakakilala pa rin sa kanya kahit dalawang pelikula lamang ang ginawa niya noon—Gigil (2000) at Kangkong (2000).
Mula sa pagiging artista, nagtatrabaho si Bridgette sa kasalukuyan bilang security guard sa isang eskuwelahan, isang marangal na trabaho at hinding-hindi niya ikinahihiya.
Isinilang si Bridgette noong Nobyembre 29, 1983.
Bihasa siya sa American language dahil pinalaki siya ng kanyang adoptive mother sa Washington D.C., USA.
Lahad niya sa Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) nitong Martes, April 23, 2024, “I grew up in the States and was adopted by my grandmother.
“Five years old pa lang ako, nanirahan na ako sa Washington then bumalik ako sa Pilipinas when I was 13 years old.
“Nagkaroon ng Stage 4 lung cancer ang lola ko kaya hindi na niya ako makakayang alagaan.
“Sa Pilipinas ko na ipinagpatuloy ang pag-aaral ko pero second year high school dropout po ako.
“My learning skills po were all from experience from my life’s journey.”
BRIDGETTE AND THE SEIKO STARS
Ipinagtapat ni Bridgette na hindi man nagtagal ang kanyang acting career, nami-miss niya ang mga dating katrabaho.
Kabilang dito ang kapwa sexy stars na sina Rodel Velayo, Nini Jacinto, at Leonardo Litton; ang direktor na si Mauro Gia Samonte; at higit sa lahat, ang Seiko Films producer na si Robbie Tan.
Bridgette de Joya with former leading man Leonardo Litton
Tumatanaw ng malaking utang na loob si Bridgette kay Robbie dahil ito ang nagbigay sa kanya ng pagkakataong maging artista at ng screen name na habambuhay nang nakadikit sa pagkatao niya.
Bakit nagustuhan ni Bridgette ang showbiz?
Sagot niya, “I had money to buy my family everything that they needed, especially sa pag-aaral ng mga kapatid ko.”
ON WHY SHE QUIT SHOWBIZ
Pero tinalikuran ni Bridgette ang showbiz dahil pinili niyang mamuhay nang normal.
“Nag-quit ako sa showbiz because of personal reasons. It affected my work at hindi ko nakayanan ang pressure.
“I lived a simple life as a housewife and had four handsome and beautiful kids.
“I can go anywhere without reporters following my every move,” rebelasyon ni Bridgette.
Wala raw pinagsisisihan si Bridgette sa mga nangyari sa kanyang buhay.
Paliwanag niya, “Every day is an experience of God’s lessons that has to be learned.
“Wala akong pinagsisihan sa buhay ko dahil lahat naman merong purpose. Kung bakit nangyayari ang mga bagay-bagay.
“May dahilan si Lord sa mga pagsubok na ibinibigay Niya. Hindi naman Niya ibibigay sa atin kung hindi natin kaya.
“At no regrets ako dahil sa dami na ng mga pinagdaanan ko, lalo ako naging malakas na tao.
“Super thankful ako kay God dahil never Niya ako pinabayaan.”
LESSONS LEARNED
Ano ang mga natutunan niya base sa kanyang mga karanasan?
“Huwag maging judgmental sa mga nakapaligid sa atin at huwag magpapadala or magiging mahina sa dami ng mga problema na dumarating.
“Just always pray to God. Lahat naman ng mga problema, may solusyon. Basta kapit lang kay Lord.”
May mga ipinagdarasal pa ba siyang nais matupad?
“Natupad na halos, nakita ko na at nayakap ko na ang mga anak ko,” may ngiti sa labing sagot ni Bridgette.
“Happy ako para sa mga anak ko. Meron na silang mga sariling hanapbuhay, buy and sell ng mga motor na pamana ng papa nila.”
Ang tinutukoy ni Bridgette na “papa” ng kanyang mga anak ay ang dating sexy actor na si Miguel Moreno, na pumanaw noong Oktubre 2022.
Hindi niya kapiling ang mga anak nila ni Miguel.
Sa kasalukuyan ay may asawa nang iba si Bridgitte na nagngangalang Fortunato, na isa ring security guard.
Ayon kay Bridgette, “I also have a loving and caring husband. Happy naman ang aming pagsasama at security guard din siya.
“Hindi man kami mayaman pero nakakaraos kami sa everyday life kahit maliit lang ang sahod.”
Kung nangyari na ang ipinagdasal ni Bridgette na muling magkaroon ng komunikasyon sa mga anak nila ni Miguel, kabilang sa pangarap niyang makabili ng sariling motorsiklo para magamit sa kanyang trabaho bilang security guard.
“Ang wish ko na lang para sa sarili ko, service motorcycle para makabawas sa pang-araw-araw na pamasahe at para meron pa sanang matira sa aming sahod.
“Happy naman ang life ko ngayon, pero meron pa rin ups and downs. Madalas kasi, wala nang natitira sa sahod namin dahil sa everyday expenses.
“But I am happy dahil I have my loving and caring husband and, most of all, yung mga anak ko, nakakausap ko na thru chat [Facebook messenger].”
BRIDGETTE DE JOYA PROUD TO BE A LADY GUARD
Bilang security guard, maraming karanasan si Bridgette na nakatutuwa at nakakatakot kaya tanggap niya ang panganib na hatid ng kanyang trabaho.
At ang pinakamahalaga, hindi ikinahihiya ni Bridgette ang kanyang ikinabubuhay—ang bantayan at pangalagaan ang kaligtasan ng mga tao sa paaralan na pinaglilingkuran niya.
“Hindi ko naman po puwedeng ikahiya ang mga pinagdaanan ko dahil tulad ng sinabi ko, God has a purpose on why we go through those kind of trials in life.
“Bata pa lang ako, my grandma taught me to be independent and never rely on anyone for my needs kaya buhay-madiskarte lang para malampasan ang bawat hamon ng everyday life.
“As lady guard, hindi nawawala ang panganib sa work dahil hindi natin alam ang mga puwedeng mangyari. At sa everyday duty ko, iba’t ibang mga klase ng tao ang aming nakakasalamuha.
“But like I said, I am proud of what I am doing and I am proud to be a lady guard.”