Buboy Villar no ill feelings towards Eat Bulaga! bas.hers

Limang buwan na ang nakararaan buhat nang maging regular co-host ng Eat Bulaga! si Buboy Villar.

Nang maging mainstay siya ng Eat Bulaga!, naranasan ni Buboy na maging biktima ng online bullying. Pero hindi umano siya nagtatanim ng galit laban sa kanyang mga basher.

“Ang kinakain ko naman po is squash, hindi naman po bash… charing,” pabirong reaksiyon ni Buboy nang makausap siya ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) sa GMA Network studio.

Seryoso niyang dagdag, “Hindi po, okay lang po yon. May freedom po tayong magsalita, kung yon po ang nakikita nila.

“Sa ngayon, baka po magbago na. Wala naman po problema sa akin. Kumbaga, wala akong ampalaya sa kanila.”

Ayon kay Buboy, may magandang epekto sa kanya ang Eat Bulaga! dahil lumawak ang pang-unawa niya at naging malapit sila sa isa’t isa ng co-host na si Isko Moreno.

buboy villar isko moreno eat bulaga

“Mas pinalawak ko ang pag-intindi ko. Siyempre lumawak ang patience ko sa tulong din ni Yorme [Isko]. Mas natuto ako bilang tatay, bilang tao.

“Siya yung naging father figure ko. Kami ang magkasama sa paghahanap ng mga bibigyan ng tulong at saya at off-cam, talagang nandoon siya para magbigay ng advice at words of wisdom.”

May mga isinakripisyo si Buboy nang tanggapin nito noon ang alok na maging mainstay ng Eat Bulaga!, pero lubos ang pasasalamat niya dahil sa mga trabahong kanyang natatanggap.

“Thank God dahil meron akong trabaho at thank God din dahil magaganda po ang nangyayari.

“Willing po ako na tanggapin, kahit ano ang plano ni Lord para sa akin, gagawin ko,” pasasalamat ni Buboy.

BUBOY’S PRIORITY IS HIS CHILDREN

Itinanong din ng PEP.ph ang mga naipundar nito mula sa mga kinita niya sa Eat Bulaga!.

Ipinagtapat ng dating child actor na hindi siya bumibili ng mga materyal na bagay dahil mas importante sa kanyang paghandaan ang kinabukasan ng dalawang anak nila ng estranged wife niya na si Angillyn Gorens.

“Naku po, sa ngayon po, nagse-save po ako ng money dahil may mga anak po ako so nag-i-invest ako for their future.

“Gusto ko rin i-secure yung future ng mga anak ko. Ginagawa ko po ito para rin sa kanila,” sabi ni Buboy tungkol sa kanyang mga anak na may edad na anim at apat.

Wala raw ibang plano si Buboy sa nalalapit na Pasko kundi ang makapiling niya ang kanyang mga anak.

“This Christmas, spend time lang with family kasi araw-araw ako sa Eat Bulaga!. More time talaga para sa mga anak ko.

“Katuwang ko sa pag-aalaga ang grandparents nila [mga magulang ni Angillyn].

“Nakakatuwa dahil sa hirap at sacrifices, nandiyan sila para bantayan ang mga anak ko at thankful ako. Malaking credits para sa kanila.”

May plano ba siyang magmahal muli?

“Naku po, six years-old and four years-old pa lang ang mga anak ko. Siguro kapag gusto na nila. Sa ngayon, naka-focus muna ako sa Eat Bulaga!,” natawang sagot ni Buboy.