JERRY OLEA
Number one na ang I Love Lizzy sa talaan ng Top 10 Movies in the Philippines Today sa Netflix.
Ang nasabing pelikula nina Carlo Aquino at Barbie Imperial ay nag-umpisang mag-streaming sa Netflix noong Disyembre 15, 2023 Biyernes.
Noong Disyembre 17, Linggo, ay nag-debut ito sa pangalawang puwesto. Kinabukasan, Lunes, ay bumaba ito sa pangatlong posisyon.
Ngayong Disyembre 19, Martes, ay naluklok na ito sa top spot.
Ito ang ikaapat na movie ni Carlo na nag-number sa listahan ng most watched movies sa Netflix Philippines.
Nauna rito ang Seasons nila ni Lovi Poe, na sinundan ng Love You Long Time nila ni Eisel Serrano, at Third World Romance nila ni Charlie Dizon.
Iyong Seasons ay isang linggong number 1 sa Top 10 Movies ng Netflix PH, mula Hulyo 9 hanggang 15.
Ganoon din iyong Love You Long Time, nanguna mula Agosto 23 hanggang 29.
Ang Third World Romance ay three consecutive days lang na number 1, mula Nobyembre 18 hanggang 20.
Itong I Love Lizzy, ilang araw kayang mananatiling numero uno?
Maliban sa I Love Lizzy ay may dalawa pang pelikulang Pinoy sa Top 10 Movies list ng Netflix PH ngayong Martes.
Ito ay ang Kidnap for Romance nina Cristine Reyes at Empoy Marquez, at ang MMFF 2022 entry na Mamasapano: Now It Can Be Told.
Ang Top 10 Movies in the Philippines Today sa Netflix — I Love Lizzy, Leave The World Behind, Clifford The Big Red Dog, Underwater, One Piece Film: Red, Kidnap for Romance, Sing 2, A Dog’s Way Home, One Piece: Stampede, at Mamasapano: Now It Can Be Told.
Streaming sa Netflix ang Video City nina Ruru Madrid at Yassi Pressman umpisa Disyembre 20, A Very Good Girl nina Kathryn Bernardo at Dolly de Leon umpisa Disyembre 27, at Monday First Screening nina Gina Alajar at Ricky Davao umpisa Enero 1.
Samantala, ang Top 10 TV Shows in the Philippines Today sa Netflix — Yu Yu Hakusho, My Demon, Welcome to Samdal-ri, Single’s Inferno, Can’t Buy Me Love, That Time I Got Reincarnated As A Slime, Sweet Home, Spy x Family, Replacing Chef Chico, at My Life with the Walter Boys.
Iyong BarDa series na Maging Sino Ka Man ay noong Disyembre 10 nag-umpisang mag-streaming sa Netflix PH.
Pumuwesto ito sa number 10 noong Disyembre 15, Biyernes, at kapagkuwan ay naligwak na sa Top 10.
NOEL FERRER
GOOD NEWS mula sa Project 8 Projects, na ipinost sa Facebook, “We are having a ONE-TIME ONLY fundraiser screening of The Missing (Iti Mapukpukaw) – the Philippines’ official submission to the Oscars 2024!!!
“The screening will be held at Greenbelt 3 Cinema 3 on December 19 (Tuesday), 7PM! “DONATE WHAT YOU CAN! Tickets are free of charge but donations are welcome and encouraged! Kahit magkano pa ‘yan, it’s super appreciated!
“Rest assured that all proceeds will be used for The Missing’s Oscars campaign. “Only 100 slots will be up for grabs…”
Ang animated film na Iti Mapukpukaw (The Missing) ay pinagbibidahan nina Carlo Aquino, Gio Gahol, at Dolly de Leon.
Ang shortlist ng 15 films sa kategoryang best international feature ng 96th Oscars o Academy Awards ay nakatakdang ilabas sa Disyembre 21, Huwebes.
Sana naman, mapasama tayo sa shortlist, and eventually maging finalist, nominee at winner. Hindi naman masama ang mangarap, di ba? All the best!!!
GORGY RULA
Ipinost nga ni Erwin Blanco ng Mavx Productions ang masayang balitang nasa number one na ang I Love Lizzy.
Kaya naman bentang-benta ang mga pelikula ng Mavx sa Netflix at sa iba pang streaming services na gusto ring bilhin ang mga pelikula nila.
Sana, suwertehin naman sila sa mga sinehan dahil marami pang naka-lineup na mga pelikulang gagawin nila sa 2024.
Sa mga pelikulang gagawin nila ay paboritong artista nila si Paolo Contis o kaya si Carlo Aquino.
After I Love Lizzy, may kasunod silang Carlo Aquino at Barbie Imperial movie na kinukunan nila ngayon sa Japan, na pinamagatang Whispers in the Wind na idinidirek din ni RC delos Reyes.
Sana, pagkatapos nitong MMFF 2023, kumita na ang mga kasunod na pelikulang gagawin ng mga independent producers kagaya ng Mavx Productions.