Carmina Villarroel to son Mavy Legaspi: “Tatay and I are just happy that you’re back.”

Naging emosyunal ang actress-TV host na si Carmina Villarroel nang magbigay siya ng birthday message para sa anak na si Mavy Legaspi sa episode ng weekly program nilang Sarap, ‘Di Ba? sa GMA-7 kahapon, January 6, 2024.

Ang kambal na sina Mavy at Cassy Legaspi, mga anak ni Carmina sa mister na si Zoren Legaspi, ay nagdaos ng kanilang 23rd birthday kahapon.

Bago nagbigay ng mensahe si Carmina sa mga anak ay napag-usapan muna ang pagtrato niya sa love life ng kambal.

Ani Carmina, “Boto ako sa kahit na sino na liligaw at liligawan ng anak ko.

“And in the future, kung sino man yung makakarelasyon nila, yun lang yung magiging boto ako.

“Saka pag nakita ko na respectful yung tao na yun… yung totoo, ha? Yung genuine, very sincere.

“Hindi ako naghahanap ng perpekto, pero yung may respeto sa lahat ng tao.”

Singit ni Mavy, “Laging tandaan na ang pagmamahal sa isang magulang, whether nanay or tatay, never yun magiging red flag kahit anong mangyari.”

Sambit ni Carmina, “I agree… I agree.”

Ayon naman kay Chuckie Dreyfus, isa sa mga guest at co-star ni Carmina sa Abot-Kamay Na Pangarap, “Hindi puwede yung fake na nagiging mabait lang sa magulang dahil… may ganun.”

Pagsang-ayon dito ni Carmina, “That’s right. Gusto ko pa sanang… Ikaw, Chuckie, only child ka, so I’m sure even before lagi nilang sinasabi na mama’s boy ka.

“Di ba, pag sinasabing mama’s boy, parang masamang pakinggan?”

Sagot ni Chuckie, “Na hindi naman talaga. Ibig sabihin lang, close ka sa parents mo, close ka sa nanay mo, at mahalaga din naman yun dahil dapat may koneksiyon kayo ng mga magulang mo.”

Ani Carmina, “Tama. Siguro nagkakaroon lamang ng hindi magandang dating.”

“Yeah, mali lang ng connotation, pero yes,” pagsang-ayon ni Chuckie.

Pagpapatuloy ni Carmina, “May ibang mama’s boy na, kumbaga, na of age na, nasa marrying age na pero mas pinapakinggan pa rin yung nanay over the wives. That’s why nagkakaroon ng ano…

“Yun lang. Ang dami ko namang sinasabi. Ang dami-dami ko na namang sinasabi. Buti na lang talaga napipigilan ako.”

Napag-usapan nila ang “mama’s boy” dahil ito ang bansag kay Mavy mula nang mapabalita ang breakup nila ng Kapuso actress na si Kyline Alcantara.

Nadawit din sa usapan si Carmina dahil pinararatangan itong nakikialam sa love life ng anak.

CARMINA’S BIRTHDAY MESSAGE FOR MAVY

Sa huling bahagi ng Sarap, ‘Di Ba? ay nagbigay na si Carmina ng kanyang birthday message kina Mavy at Cassy.

Pero hindi pa man siya nag-uumpisa ay nangingilid na ang luha sa kanyang mga mata.

Kaya biro ni Cassy kay Mavy, na nagiging emosyunal na rin, “Huwag kang tumingin kay Mama kasi iiyak yun.”

Makahulugang panimula ni Carmina, “I’m trying to be careful kasi baka lagyan ng [ibang meaning] ang mga sasabihin ko. I don’t want to overthink.”

Emosyunal na pahayag ng aktres kay Mavy: “Tatay and I are just happy that you’re back.

“You know that I’ve been quiet for the past… how many years?

“Hindi ko alam kung bakit sinasabi nilang nangingialam ako. But I don’t care because I am your mother.”

Malinaw na ang tinutukoy ni Carmina rito ay ang relasyon ni Mavy kay Kyline.

Pagpapatuloy ng aktres, “Kung nakialam ako, hindi mangyayari ito. So, it only means na hindi ako nakialam.”

Muli ay may makahulugang mensahe si Carmina kay Mavy: “So that’s why I’m so thankful because… that you’re back.

“Yun lang yun. Baka kasi malagyan na naman ng [ibang meaning].”

Pagtitiyak pa niya sa kambal, “And I want you to know, the two of you, that I would do everything and anything para sa inyong dalawa… Hindi ko lang kayang pumatay!

“But I would really defend you sa abot ng makakaya ko.”

Sa puntong ito ay tuluyan nang napaiyak sina Carmina at Mavy.

Pagpapatuloy ni Carmina, “Kasi bihira lang naman na—yun lang. I love you, guys. I love you so much and tandaan niyo lang na nandito kami ni Tatay para sa inyo.

“We always want what is best for you, guys. Hindi kami mga kontrabida ng buhay nyo, kakampi nyo kami.”

Ayon pa sa aktres ay nagpapasalamat siya sa mga pinagdaanan nila noong 2023.

“Because nakita ko yung strengths ng bawat isa. Yung isa, gustong mag-give up, pero what do you call this, we’re drawing strength from each other.

“Pag ako yung tinitira, si Mavy ang nasasaktan.

“Pag si Mavy o si Cassy yung tinitira, kaming dalawa ni Zoren yung nasasaktan, pero tahimik lang po kami.”

Paliwanag pa ni Carmina, “Kasi hindi naman po kami palaaway. Ayaw namin yun. Gusto lang namin ng peace and love sa lahat.

“So, yun lang, happy birthday, guys. I love you.”

Samantala, wala pang direktang pahayag sina Mavy at Kyline tungkol sa napapabalita nilang hiwalayan.

Pero sa exclusive interview ni Kyline sa PEP.ph noong December 8, 2023, inamin niyang may pinagdadaanan siya ngunit hindi siya nagdetalye tungkol dito.

Bahagi ng pahayag ni Kyline, ”

“I am [hurting]… tao lang naman po ako. So, nararamdaman ko ang lahat ng emosyon.

“Again, hindi po ako yung isang tao na nag-i-stay ako, lalo na’t alam ko na ang daming responsibilidad ako na hinaharap.

“So I must be strong not just for myself, but for the people around me.”