Cassy Legaspi echoes Darren Espanto’s statement about being “best friends”

Sinegundahan ni Cassy Legaspi ang pahayag ni Darren Espanto na matalik na magkaibigan lamang talaga sila.

Sa panayam ni Aubrey Carampel ng GMA News, na lumabas ngayong Biyernes, April 12, 2024, sinabi ni Cassy na “best friends” lang sila ng It’s Showtime mainstay na si Darren.

Maiksing sabi niya, “It’s so hard to explain what we have, pero best friends talaga kami.”

Tugma ito sa sinabi ni Darren sa panayam sa kanya ng TV Patrol noong April 8, 2024 na “best friends” lamang ang turingan nila ng Kapuso actress-TV host.

Saad niya, “Makulit sila, e. Sabi namin best friends lang kami ni Cassy.

“Best friends talaga, e. Parang it’s something that a lot of people, I guess, won’t get.

“Hindi ko alam kung paano i-explain, but siyempre andun pa rin yung pagmamahal namin para sa isa’t isa.”

Nilinaw rin ni Cassy na walang pinatatamaan ang kanyang Instagram posts na sinasabi ng netizens na cryptic.

Kasunod ito ng pinag-usapang guesting ni Jillian Ward sa It’s Showtime kung saan nabanggit ang posibleng pagkakaroon nila ng collab ni Darren.

Pati na ang appearance ni Kyline Alcantara kung saan biniro pa sila ni Vice Ganda na gumawa ng production number ng kantang “We are family.”

Gayundin sa post ng ina ni Cassy na si Carmina Villarroel.

Ayon kay Cassy, mahilig talaga siyang mag-post ng mga kanta depende sa kanyang mood.

Ang sa kanyang ina naman daw ay Bible verses at quotes.

Ipinagtanggol naman ng kambal niyang si Mavy Legaspi ang kanilang ina.

Sabi ni Mavy tungkol sa mga post ni Carmina, “Ang daming nag-a-assume lang.

“Kaya si Mama lang, she just posts whatever she wants to post. Kasi it’s nothing related to whatever cases na nangyayari sa social media.

“She just posts it.

“She has her own life. She has her own problem sa buhay niya.

“And maraming blessings sa buhay, kasi napakataas ng rating ng Abot Kamay [Na Pangarap]. So, continuous lang.

“We get to go out, have vacations, we get to having this time with co-actors, co-actresses….”

Sina Darren at Cassy ay ilang beses iginiit na matalik na magkaibigan lamang ang turingan nila, sa kabila ng patuloy na pagli-link sa kanila.

Base sa pinakahuling ulat ay nauugnay ngayon si Cassy sa dati niyang co-host sa Tahanang Pinakamasaya na si Michael Sager.