Nagbabago ang casting ng pelikula o TV project sa iba’t ibang kadahilanan.
Si Shido Roxas ang original choice na magbida sa pelikulang Lockdown (2021). Kaso, hindi niya kayang mag-frontal nudity.
Nagpa-audition ang production, at si Paolo Gumabao ang napili ng direktor na si Joel Lamangan, maging ng mga kasama sa screening committee.
Shido Roxas (left) and Paolo Gumabao
Si Kokoy de Santos ang original choice ng producer na si Joed Serrano para maging title role sa pelikulang Anak ng Macho Dancer (2021) na sequel ng Macho Dancer (1988).
Fan na fan kasi noon si Joed ng Pinoy BL series na Gameboys (2020-2021) kung saan isa sa mga bida si Kokoy.
Hindi tinanggap ng kampo ni Kokoy ang project. Nagpasya si Joed na ipalit sa role si Miko Pasamonte.
Sa audition para sa papel ng iba pang macho dancer, napansin na malaki ang hawig ni Sean de Guzman kay Alan Paule, ang bida sa Macho Dancer.
Kay Sean na ibinigay ang title role, at kasama pa rin naman sa cast si Miko.
Kokoy de Santos (left) and Sean de Guzman
Si Alan ang gumanap na tatay, at nandun din si Jaclyn Jose na love interest ni Alan sa Macho Dancer.
Nasa sequel din sana si William Lorenzo, pero hindi siya pumuwede kaya pumalit sa cast si Emilio Garcia na iba ang pangalan ng karakter.
Si Ricky Gumera na may pa-frontal nudity rin sa Anak ng Macho Dancer ay second choice din lang. Iyong original choice ay nag-back out dahil hindi raw kayang mag-frontal.
Si Aljur Abrenica sana ang bida sa pelikulang Apag (2023). Naka-set na ang syuting nito nang biglang mag-back out si Aljur. Hindi kasi siya confident na kaya niya iyong Kapampangan dialogues.
Ang ipinalit ni Direk Brillante Mendoza kay Aljur ay si Coco Martin.
Aljur Abrenica (left) and Coco Martin
Present si Angela Cortez sa storycon ng pelikulang Lola Magdalena noong Abril 30, 2023 sa Max’s Restaurant, Sct. Tuason St., Quezon City. Ang papel niya ay misis ni Carlo San Juan.
Nakapag-taping na si Marian Rivera para sa Kapuso primetime series na First Yaya (2021) nang lumaganap ang pandemya. Nag-back out si Marian, at pinalitan siya ni Sanya Lopez.
Ang gagawin sana noon ni Sanya ay Lolong (2022) with Ruru Madrid. Hindi ko na maalala kung ang pumalit sa kanya ay si Shaira Diaz o Arra San Agustin.
Marian Rivera (left) and Sanya Lopez
Sa preview ng Lola Magdalena noong Oktubre 3, 2023, nagulat ako na si Joni McNab na ang gumanap sa papel dapat ni Angela.
Ayon sa line producer na si Dennis Evangelista, nagka-COVID si Angela nung magsusyut na sana ito. Mabuti at nakakuha agad sila ng kapalit.
COVID din ang dahilan kaya nag-back out si JC de Vera sa pelikulang Mamasapano: Now It Can Be Told (2022). Ang pumalit sa kanya ay si Paolo Gumabao.
Si Derek Ramsay sana ang ka-triangle nina Carla Abellana at Max Collins sa Kapuso series na To Have & To Hold (2021).
Sa panahon ng pandemya ay minabuti ni Derek na mag-lie low sa showbiz. Ang pumalit sa kanya ay si Rocco Nacino.
Sa storycon ng pelikulang Karnabal noong Agosto 10, 2023 sa Relish restaurant, Sct. Limbaga St., Quezon City ay ibinalitang bida si EA Guzman, at suportado siya nina Gina Alajar at Ricky Davao.
Sa Chinese New Year celebration ng Beautederm sa Angeles City noong Pebrero 10, 2024, nagulat ako nang sabihin ni Carlo Aquino na kasama siya sa cast ng Karnabal with Gina and Ricky, sa direksiyon ni Adolf Alix Jr.
Agad kong inusisa si Direk Adolf via Messenger kung pinalitan na nga ba ni Carlo si EA sa Karnabal. Umoo si Direk Adolf.
Aniya, may conflict kasi sa schedule ni EA. Pero may ibang movie project daw na inilaan ang producer para sa fiancé ni Shaira Diaz.
Napabalita noong una na sina Bea Alonzo, Carla Abellana, at Gabbi Garcia ang mga bida sa Kapuso drama series na Widows’ War.
Napabalita kapagkuwan online na ang mga bida na roon ay sina Bea, Carla, Jean Garcia, at Rita Daniela.
Kinumpirma ng Kapuso executive na si Ms. Lilybeth Gomez-Rasonable noong Enero 26, 2024 via Messenger na wala na si Gabbi sa Widows’ War dahil sa conflict of schedule.
Conflict of schedule din ang dahilan kaya hindi pumuwede si Barbie Imperial sa Ang Ina Mo. Ang pumalit sa kanya ay ang premyadong si Charlie Dizon.
Gusto sanang idirek ni Jose Javier Reyes si Wilbert Ross sa isang Vivamax project niya. Kaso, ayaw na ni Wilbert na mag-Vivamax, at inaasam nitong ma-penetrate ang mainstream.
Bago mag-streaming sa Vivamax ang pelikulang Karinyo Brutal (2024) ay nakalagay na kasama sa cast ang kontesero-digital creator na si Jherald Castañeda. Nag-back out sa project si Jherald.
Ayon sa manager niyang si Renz Tuazon, “Hindi niya raw kaya. Tsaka ayaw ng girlfriend.”
Ang pumalit kay Jherald ay si Ghion Layug.
Napili si Armani Hector bilang leading man sa Karinyo Brutal dahil maamo ang kanyang mukha. Kahit meron siyang video scandal na kumalat, hindi iyon alintana ng direktor na si Javier Reyes. May kasunod nang Vivamax movie si Armani.
Ang isa pang alaga ni Renz Tuazon na si RJ de Vera ay nagpakitang-gilas na sa isang episode ng anthology series sa Vivamax na Secret Campus (2023).
Matapos magwaging Man Hot Star International ay tumanggi muna si RJ sa mga kasunod na offers na mag-Vivamax.
Sabi ni Renz, “May lipad kasi siya every other month sa Thailand gawa ng title niya sa pageant.”
Sina Christopher de Leon at Tirso Cruz III sana ang co-stars ni Nora Aunor sa Isa Pang Bahaghari (2020). Tumanggi ang dalawang beteranong aktor.
De kalibre rin ang pumalit sa kanila, sina Phillip Salvador at Michael de Mesa.
Top: Christopher de Leon (left) and Phillip Salvador; bottom: Tirso Cruz III (left) and Michael de Mesa
Magkatambal sana sa MMFF 2023 entry na Kampon sina Derek Ramsay at Kris Aquino.
Nag-back out si Derek, at pinalitan siya ni Gabby Concepcion. Na-shelve kapagkuwan ang horror project.
Nang ma-resurrect ang Kampon (2023) ay natuloy na si Derek with Beauty Gonzalez as leading lady.
Top: Kris Aquino (left) and Beauty Gonzalez; bottom: Gabby Concepcion (left) and Derek Ramsay
Launching movie sana ni James Reid ang Pedro Penduko, sa direksiyon ni Treb Monteras II. Kasama sa cast si Nadine Lustre bilang Maria Makiling.
Nagkaproblema si James sa Viva Films na co-producer ng movie kaya nag-back out siya. Nag-resign din si Direk Treb.
Pumasok si Jason Paul Laxamana bilang direktor, at sumulat siya ng bagong origin story. Penduko (2023) na lamang ang title, at ang bida ay si Matteo Guidicelli.
James Reid (left) and Matteo Guidicelli
Nagkaproblema rin noon si Nadine sa Viva, kaya pinalitan siya sa Pinoy adaptation ng Miracle In Cell No. 7 (2019). Ang replacement niya ay si Bela Padilla.
Nadine Lustre (left) and Bela Padilla
Ipalalabas na sana noon ang online series na Ang Babae Sa Likod ng Face Mask (2022), kung saan bida si Herlene “Nicole” Budol.
Kaso, sumambulat ang balitang binugbog ng leading man ni Herlene na si Kit Thompson ang girlfriend nitong si Ana Jalandoni.
Tinanggal si Kit sa series. Ni-reshoot ni Joseph Marco ang mga eksena niya.
Maging sa Kapamilya teleseryeng Flower of Evil (2022) ay tinanggal si Kit. Ang nag-reshoot ng mga eksena niya ay si JC de Vera.
Kit Thompson (left), Joseph Marco (insrt, top), and JV de Vera (inset, bottom)
NOEL FERRER
Marami naman talagang dahilan sa pagbabago ng casting.
Kapag namatay ang isang artista sa kalagitnaan ng seryeng hindi naman canned, either patayin na rin ang karakter niya sa kuwento, o palitan ng ibang artista.
Nagpapalit din minsan ng artista na nabuntis… nanganak… pero ang pinakamalinis na dahilan, health or family concern talaga.
Yung ibang kadahilanan, kailangang maghanap ng ibang kapani-paniwalang justification dahil inaayos na dapat lahat bago magkasarahan ng deal.
Sa kaso na mga nabanggit mong present projects, Tito Jerry, parang ang daling palitan ang mga naunang choices dahil hindi naman kalakihan ang mga hinihiling na pagkakaiba o stature din ng mga hahalili.
Kasi, kung indie at limited lang talaga ang budget, basta kung sino ang makaka-deliver sa kahingian ng kuwento… go!
Pero kung pangunahing consideration ay komersiyo, malaking discernmenti yan kung sino ang papalitan at ipapalit — dahil isinaaalang-alang ang bankability at viability ng artista.
Pero alam ba ninyong sa isang malaking project, malaki rin ang puntos ng rapport ng dalawang bida, lalo pa’t kung bet or rekomendasyon ng sikat na kapartner ang magnunumbra?
Ganyan ang dinig kong nangyari sa isang teleseryeng may isang emerging leading man na ang naka-peg na magiging lead partner ng bidang babae. Pero dahil mas bet ni girl ang premyadong hombre na nakasama na niya sa isang dating project, the premyadong hombre is it again.
Oh well, mukhang nagwo-work naman.
Kaya yung emerging leading man ay isine-save na lang sa ibang major project. Ganern!
Iba rin ang nagagawa ng koneksiyon at relasyon sa mga ganito, of course!
GORGY RULA
Ang latest na kuwentong palitan ay isang movie project na matagal nang hinintay para kay Ruru Madrid.
Ito ang pelikulang ididirek ni Rommel Penesa pagkatapos ng When I Met You In Tokyo, na maganda naman ang kinalabasan.
May working title itong Neophyte 24 na tumatalakay sa fraternity.
Bagay na bagay raw ang role kay Ruru, pero parang hindi na mahintay ang available schedule niya.
Ang dinig namin, si Derrick Monasterio ang ipinalit. Maganda kasi ang feedback sa Makiling, kaya nakita nilang kayang gampanan ni Derrick ang mabigat na role na yun ng naturang film project.