Charo Santos, “nahanap” si Eva Darren sa 72nd FAMAS

Ang multi-awarded actress, movie, at TV executive na si Charo Santos-Concio ang Lifetime Achievement awardee sa 67th FAMAS noong 2019.

Noong Linggo, Mayo 26, 2024, inimbitahan at dumalo si Charo bilang award presenter sa 72nd FAMAS na ginanap sa Manila Hotel.

charo santos eva darren famas

Sa hindi inaasahan na pagkakataon, “nadamay” si Charo sa kontrobersiya tungkol sa hindi magandang trato ng pamunuan ng 72nd FAMAS sa beteranang aktres na si Eva Darren.

Nasayang lamang ang pagdalo ni Eva dahil, ayon sa FAMAS, hindi siya nakita o nahanap ng production staff kaya ang aspiring singer na si Sheena Palad ang ipinalit sa kanya bilang award presenter at kapareha ni Tirso Cruz III.

“Nadawit” sa isyu si Charo dahil ibinahagi nito sa kanyang Instagram account nitong Martes ng gabi, Mayo 28, 2024, ang mga larawan niya kasama ang mga kapwa artista na kuha mula sa 72nd FAMAS.

Kabilang sa mga nasa larawan sina Pilar Pilapil, Marissa Delgado, Divina Valencia, Efren Reyes Jr., Nova Villa, Dante Rivero, at Eva Darren.

“An exchange of kamustahans and hugs with my dear friends and co-actors in FAMAS,” caption ni Charo.

CHARO SANTOS “NAHANAP” SI EVA DARREN

Tumanggap ng mga papuri si Charo sa larawan nila ni Eva dahil sa mga birong nakita niya ang aktres na hindi nahanap ng production staff ng Gabi ng Parangal ng 72nd FAMAS.

Ilan sa komento ng netizens na ginawa na lamang katatawanan ang malungkot na karanasan ni Eva:

“Si Madam Charo lang po ang nakakaaalam kung nasaan si Miss Eva.”

“Mabuti pa si Ma’am Charo, nahanap si Miss Eva.”

“Bakit si Ms Charo, nakita agad si Ms Eva?”

charo santos eva darren famas

Si Charo ang dating host ng Maalaala Mo Kaya, ang top-rating drama anthology ng ABS-CBN.

Malaking bahagi si Eva ng kanyang mga programa dahil madalas na naiimbitahan bilang guest ang pinag-uusapan ngayong beterana at premyadong aktres.

Suki ng MMK si Eva dahil sa mahigit na tatlong dekada ng pamamayagpag ng programa ni Charo sa telebisyon, iba’t ibang mga karakter ang kanyang ginampanan sa 45 kabanata ng itinuturing na longest-running drama anthology series sa Pilipinas.