Cianne Dominguez files complaints against suspect who allegedly tried to rape her

Trigger Warning: Mention of attempted rape, sexual harassment

Violence Against Women and Children (VAWC) at trespassing ang mga reklamong isinampa ng 22-year-old It’s Showtime mainstay na si Cianne Dominguez laban kay Shervey S. Torno, aka Ronnie Gray.

Si Torno ang lalaking pinagtangkaan umanong halayin si Cianne sa tinitirhan nitong condominium unit sa Quezon City, noong Huwebes ng gabi, Abril 11, 2024.

Nakabilanggo ngayon si Torno sa Station 10 ng Quezon City Police District sa Kamuning, EDSA, Quezon City, matapos siyang sampahan ng mga reklamo ni Cianne.

Sa eksklusibong panayam ng Philippine Entertainment Portal (PEP.ph) sa ama ni Cianne, ang bodybuilder at fitness buff na si John Florendo, ngayong Biyernes ng umaga, April 12, idinetalye nito ang tangkang panghahalay ng suspek sa It’s Showtime mainstay.

john florendo daughter cianna

John Florendo and daughter Cianne Dominguez

Ayon sa ama ni Cianne, hindi personal na kilala ng anak ang suspek.

“Nope! Never,” sagot ni Florendo.

Lahad pa ng ama ni Cianne, “Sinabayan siya sa elevator, nagpakilalang fan at sinabing dun din siya nakatira sa 11th floor.

“Then, paglabas ni Cianne sa 8th floor, sinundan siya. At nung papasok na ang anak ko sa unit niya at isasarado niya ang pinto, pinigil siya ni Torno na pilit na papasok sa unit.

“Hinawakan niya si Cianne sa beywang at akmang hahalikan. Mabuti, malakas ang anak ko at nagpumiglas.

“Sumigaw siya at dun na tumakbong patakas ang suspect na nakuhanan ng video ng anak ko.”

Sa kabila ng masama at marahas na pagtatangka sa kanya, naisip gamitin ni Cianne ang kanyang cellphone para sundan, habulin, at kunan ng video ang pagtakas ng sumalakay na suspek.

Mapapanood sa video ang nagmamadaling pagtakas ni Torno, na sa isang punto ay nadulas habang kumakaripas ng takbo.

Kumusta na ang kalagayan ngayon ni Cianne?

Ayon kay Florendo, “She’s being comforted by us, her family, friends, and fans. She’s a strong person.”

Ano naman ang kanyang mensahe para sa ibang mga kababaihang may matutunang importanteng aral mula sa karanasan ni Cianne?

Saad ni Florendo, “Hindi porke nakatira sa condominium building ang mga tao, safe na sila. Minsan ang hayok sa laman ay isa rin sa tenants ng condominium.

“Mag-ingat lalo sa panahon ngayon. Walang takot ang mga hayok sa laman na gumawa ng ganitong bagay.”

Nalaman ng publiko ang masamang pagtatangkang ginawa umano ng suspek kay Cianne dahil agad na ibinahagi ni Florendo sa Facebook page nito ang nangyari sa kanyang anak.

Sa kanyang Facebook post, sinabi ni Florendo na gay bar dancer at performer si Torno.

Nadakip umano ang suspek dahil sa tulong ng officer-in-charge ng condominium building na humabol kay Torno nang tumakas at tumakbo ito sa kahabaan ng EDSA, Quezon City.

Ibinahagi ni Florendo sa Facebook post niya ang mga larawan ni Torno at ang Facebook page nitong deactivated na ngayon.

Sa kasalukuyan ay wala pang pahayag si Torno o ang kampo nito kaugnay ng mga akusasyon laban sa kanya ni Cianne at ng ama nito.

Mananatiling bukas ang PEP.ph sa panig ng lahat ng nabanggit sa artikulong ito.