Claudine Barretto on late Jaclyn Jose: “Not many people knew na magkapitbahay kami.”

Inamin ni Claudine Barretto na tatlong buwan na ang nakalipas mula nang huli niyang makausap si Jaclyn Jose.

Pumanaw si Jaclyn noong March 2, 2024.

“Three months ago at pinagsisihan ko yun,” saad ni Claudine.

Nakapanayam siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ilang reporters sa Arlington Chapel sa Quezon City noong gabi ng March 5.

Nakatira sa parehong village sina Claudine at Jaclyn.

Ani Claudine, “Ilang houses lang down. Yes, naging busy, pero kahit na. Hindi excuse yun.”

Hindi pa rin daw siya makapaniwala nang una niyang malamang pumanaw si Jaclyn dahil sa tingin niya ay “wala siyang problema, very healthy siya. Very, very healthy siya.”

Ani Claudine, “non-stop” ang iyak niya nang sumunod na araw mula nang mapabalitang wala na si Jaclyn.

Present si Claudine noong kalalagak palang ng cremated remains ni Jaclyn sa Arlington Chapels pasado alas dose ng March 5, at noon ding gabi ng March 5.

CLAUDINE BARRETTO HAPPIER TIMES WITH JACLYN JOSE

Nagkasama ang dalawa at naging malapit sa isa’t isa sa Mula Sa Puso, ang prime-time series ng ABS-CBN, na umere mula 1997-1999.

Hindi sila nawalan ng komunikasyon lalo na nang maging magkapitbahay sila.

Ayon kay Claudine, “Not many people knew na magkapitbahay kami.

“Gaya ng sinabi ko, minsan pag galing siya ng taping, bago siya umuwi, dadaan sa bahay.

“Aakyat ng kuwarto, saka sasabihin niya sa akin, ‘Na-miss ka lang ni Nanay kaya dumaan ako.'”

Ganoon daw sila kakumportable sa isa’t isa.

Si Jaclyn din daw ang naging sandalan ni Claudine sa oras ng problema.

“Kapag may problema ako, tatakbo naman ako sa bahay niya, especially nung nakabili ako ng trike, nabunggo ko pa yung kotse niya.

“Aakyat lang ako sa kuwarto niya, papasok lang ako, then diretso na ako sa kuwarto niya, tatabihan ko siya.

“Alam niyo naman na may pinagdadaanan talaga akong mga problema, and she’s always been there.

“Kapag sinabi ko na, ‘Nay, puwede dito na muna ako?’ Papatahanin niya ako.”

FOND MEMORIES

Sobra raw maasikaso si Jaclyn.

Kuwento pa ni Claudine, “The next day may mainit na mainit na sinigang na ako from her.

“Basta pag may pinagdaraanan ako, nararamdaman niya ako.

“Hindi ko alam kung bakit di ko siya naramdaman. Yun lang yung regrets ko.”

Kilala rin na makulit at masayahing tao si Jaclyn, at nakita raw ni Claudine ang side na ito ng beteranang aktres.

“Pumupunta yan sa bahay, may dalang sariling cooler na may beer.

“Tapos sasabihin niya, ‘Anak, wala kang kasabay, dito magsu-swimming ako, bahala ka.’

“Pagdating dun, ‘Ilabas mo na ang buntot mo.’ ‘Ano ba, Nanay!'” pagbabalik-tanaw ni Claudine.

Ang tinukoy noon ni Jaclyn na “buntot” ay ang ginampanan ni Claudine na karakter bilang sirena sa teleseryeng Marina noong 2004.