Cristy Fermin, feeling vindicated sa rebelasyon ni Baron Geisler tungkol sa panganay na anak ng aktor

Iyak daw nang iyak ang veteran showiz talk show host and columnist na si Cristy Fermin habang pinapanood niya ang panayam kay Baron Geisler, kung saan ipinagtapat ng 41-year-old actor ang tungkol sa panganay na anak nitong babae.

Ang alam kasi ng publiko ay dalawa lamang ang anak ni Baron sa kanyang misis na si Jamie Evangelista, sina Javi at Tali. Si Jamie ay may anak namang dalawa from previous relationship.

May dahilan para mapaiyak si Cristy.

Noong Oktubre 2008, ibinulgar niya sa defunct showbiz talk show ng ABS-CBN na The Buzz ang tungkol sa isang babaeng may inililihim na anak, at si Baron umano ang ama ng sanggol.

Dahil menor de edad ang sangkot sa isyu, nagbanta ang ina ng bata na idedemanda ang ABS-CBN, ang producer ng The Buzz.

Ito ang naging dahilan para tanggalin si Cristy ng network management bilang co-host ng defunct Sunday afternoon showbiz oriented program.

“Umiiyak ako nung ininterbyu ni Ogie [Diaz] si Baron,” pahayag ni Cristy nang makausap siya ng Cabinet Files ngayong Biyernes ng gabi, Marso 22, 2024.

“Hindi ko ine-expect na magbabanggit si Baron na meron siyang someone out there na anak na panganay.

“Iyak ako nang iyak kasi, namputsa, tingnan mo nga naman, after sixteen years, na-vindicate pa ako.

“Natakot kasi ang ABS-CBN na magdedemanda ang aktres.

“Kumpleto ako noon ng detalye na nanganak siya sa isang ospital sa pagitan ng Pasig at Mandaluyong.

“Iyak ako nang iyak kasi akala ko, tapos na ako kay Aubrey Miles at kay Phoemela Baranda.”

Ang tinutukoy ni Cristy ay ang pagbubulgar din niya noon sa mga itinatagong anak nina Aubrey at Phoemela. Noong una ay mariin itong pinabulaanan ng dalawang aktres, pero makalipas ang ilang taon ay inamin din nila ang katotohanan.

Pagbabalik-tanaw ni Cristy, “Talagang sinabi sa akin noon ni Aubrey, ‘Ang kinabubuhay mo, kasinungalingan, pag-iimbento.’

“Napakasakit niya kaya nang makunan namin ni Ben Nollora [veteran showbiz photographer] ng picture ang anak ni Aubrey kay JP Obligacion, inilabas ko sa The Buzz noon na ‘Ang laman po ng envelope na ito ay litrato ng anak ng isang sexy star na itinatago at ipinagkakaila.’

“Tapos biglang after six years, naghuhumagulgol si Aubrey Miles on national television, ‘Yes, it’s true. I have an eight-year-old son.’

“Nag-guest siya sa Paparazzi,” pagtukoy ni Cristy sa defunct showbiz talk show niya sa TV5 noong 2010-2012.

“Nagpainterbyu sa akin nang one-on-one, humahagulgol. Sabi niya, ‘May utang ako sa yo. I owe you one.’”

UNEXPECTED REVELATION FROM BARON GEISLER

Iniyakan at ikinatuwa raw ni Cristy ang rebelasyon ni Baron tungkol sa pagkakaroon nito ng panganay na anak na babae dahil naranasan niya noong kuwestyunin ng publiko ang kanyang kredibilidad.

Saad niya, “Dwindling talaga ang ating credibility ng maraming taon. Pero walang lihim na hindi nabubulgar. Maniwala ka, lalabas at lalabas.

“Hindi ko ine-expect itong kay Baron. Hindi ko ine-expect.”

Humingi raw si Cristy ng permiso sa ina ng anak ni Baron para talakayin niya sa kanyang radio at online show ang kontrobersiyal na isyu tungkol sa pag-amin na ginawa ng aktor.

“Sabi ko sa kanya, ‘Noong 2010, two years after, pinatawad kita. Humingi ka sa akin ng tawad sa telepono. Katabi ko noon si Rebo, inaanak mo.

“’Ngayon, ako naman ang maniningil sa yo. Ako naman ang buuin mo, winasak mo ang pangalan ko noong 2008.’

“Ang sabi niya, ‘Sige, gawin mo na ang lahat. Basta, huwag na huwag mo lang banggitin ang pangalan ko. Please!’

“Sabi ko, ‘Oo, maitatawid ko yon na hindi ko ime-mention ang pangalan mo.’

“At naitawid ko naman nang maayos.”

Sa panayam ni Ogie kay Baron ay binanggit ng aktor ang reunion nila ng kanyang panganay na anak na babae.

Sabi ni Baron, “Kasi ang huling beses ko siya nakita, five or six years old siya. Then, biglang dalaga na siya.

“Natuwa ako, naiyak ako nung nag-reach out siya sa akin pero hindi ko ipinakitang umiyak ako.

“Tinanong ko kasi siya, yung message ng message din? Niligawan ko, ganon. Slowly, slowly.

“Hangga’t sa nagkaroon na, na-develop na yung trust, dun na ako humirit na, ‘Can I meet you? Where can I visit you?'”

Pagkatapos nito ay inimbitahan na raw ni Baron ang anak na pumunta sa kanyang bahay.

“Nagdala ako ng cake, bumili ako ng kumpletong set [jewelry] ng birth stone niya, pumunta kami, kahit mahal,” aniya.

Sa panayam naman ng Cabinet Files kay Cristy, isiniwalat nitong tinanong niya ang ina ng anak ni Baron kung totoong nagkita ang mag-ama.

Lahad pa ni Cristy, “Kasama pa raw si Jamie [misis ni Baron]. Binigyan pa raw ang bata ng birth stone na ternong alahas at saka nagdala pa raw ng cake.

“Sabi niya [ina ng anak ni Baron], ‘Wala akong pakialam sa kanya! Wala akong alam na ganyan.

“‘Hindi kami nagkakausap. Hindi ko siya sinusundan. Hindi ko siya pina-follow at huwag na huwag niya akong gagamitin dahil may pelikula siyang ipalalabas.’”

Ang tinutukoy nitong proyekto ay ang Dearly Beloved, ang pelikulang tungkol sa blended family na pinagbibidahan ni Baron.

“Parang pelikula, nakakakilabot,” reaksiyon ni Cristy tungkol sa kuwentong isiniwalat niya at pinagpistahan ng publiko noong 2008 at mariing itinanggi ng ina ng bata.

Pero makalipas ang labing-anim na taon, mismong si Baron ang umamin tungkol dito.